PINAYUKO ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang sandatahan ng University of the East (UE) Lady Warriors matapos mamayagpag sa loob ng tatlong set, 25-15, 25-14, 25-15, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84, Mayo 14, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Umarangkada sa Lady Spikers ang star rookie na si Alleiah Malaluan matapos umukit ng 14 na puntos mula sa 11 attack, isang block, at dalawang service ace. Kasamang umagapay sa naturang rookie sina Fifi Sharma at Jolina Dela Cruz na nakalikom ng pinagsamang 20 puntos.
Nanguna naman para sa koponan ng UE Lady Warriors ang tambalang Janeca Lana at Dara Nieva na nakapagtala ng pinagsamang 21 puntos.
Masaganang panimula ang ipinamalas ng Lady Spikers matapos magpaulan ng dalawang service ace si rookie setter Julia Coronel. Bunsod nito, nahirapang makaukit ng puntos ang Lady Warriors dulot ng kanilang naghihingalong depensa, 8-1. Gayunpaman, sinubukang buhayin nina Lady Warriors Rhea Manalo at Lana ang kanilang koponan nang makapagtala ng dalawang magkasunod na atake, 10-3.
Nagpatuloy pa rin ang pag-arangkada ng Lady Spikers nang magpakawala ng umaatikabong spike mula sa backrow si open hitter Dela Cruz, 13-4. Hindi naman nagpatinag ang UE matapos panipisin ni Lana ang lamang ng kalaban sa apat dulot ng kaniyang off-the-block hits, 15-11. Gayunpaman, kumawala ang Taft-based squad matapos makapagsumite ng sunod-sunod na puntos sina Baby Jyne Soreño, Sharma, at Malaluan, sapat upang maibulsa ang panalo sa unang set, 25-15.
Matapos mabigong sungkitin ang unang set, tila nag-alab ang damdamin ng UE Lady Warriors at nagpamalas ng mahabang rally. Nagtapos ang mahabang rally, 0-1, sa pag-block ni Riza Nogales. Nadagdagan pa ng isang puntos ang lamang ng Lady Warriors nang bigong makalagpas ang bola ng Lady Spikers sa net, 0-2.
Hindi naman nagtagal ang lamang ng Lady Warriors at naitabla rin ng Lady Spikers ang laro dahil sa malapader nilang depensa at sa quick hit ni Gagate, 3-all. Mula rito, dikit na dikit ang labanan sa pagitan ng dalawang koponan na tila nagpapalitan ng lamang.
Nagsimula namang lumamang ang Lady Spikers sa pangunguna ng feint ni Gagate, 11-10. Nagtala naman ng isa pang puntos ang Lady Spikers matapos mag-overreach si Lia Pelaga, 12-10. Sinubukan ng Lady Warrios na mapaliit ang lamang ng Lady Spikers ngunit nagtala na nang 3-point lead ang Lady Spikers, 14-11, bago magtawag si UE head coach Jumbo Dimaculangan ng time-out.
Matapos ang time-out na pinatawag ng UE, nakakuha ng isang puntos ang Lady Warrios sa pamamagitan ni Nieva, 14-12. Ngunit, hindi ito naging sapat nang umarangkada ang Lady Spikers hanggang umabot sa walong puntos ang kanilang lamang, 20-12. Sa huli, nasungkit ng Lady Spikers ang panalo sa ikalawang set sa pangunguna ng spike ni Dela Cruz, 25-14.
Sa pagpasok ng ikatlong set, tumindi lalo sa pag-arangkada sina Cruz at Gagate nang magpakawala nang mautak at malalakas na tirada, 7-2. Bukod pa rito, bumulusok nang matindi sa opensa ang middle blocker Sharma matapos ang tatlong sunod na pagpuntos, 11-5. Sa kabilang banda, pinatay naman ni Pelaga ang apoy ng koponang berde at puti sa pamamagitan ng kaniyang drop ball, 11-6.
Sa puntong ito, umalpas at ipinaramdam lalo ng Lady Spikers ang kanilang bagsik sa opensa at depensa upang hindi na makahabol pa ang UE. Nagmistulang block party ang ipinakita ng twin Taft towers na sina Gagate at Cruz upang lakihan ang agwat, 15-8. Agad itong sinundan ng dalawang magkasunod na malabombang palo ng Twin towers, 18-11.
Kaakibat nito, ipinaramdam muli ng star rookie Malaluan ang kaniyang presensya matapos magpakawala ng isang umaatikabong down-the-line hit, 21-13. Hindi naman nagpahuli ang bagong pasok na si Ynna Hatulan matapos magpakawala ng matinding atake upang idala sa match point ang DLSU, 24-15. Matapos nito, sinelyuhan ng rookie setter Coronel ang panalo buhat ng kaniyang broken set na hindi nasalo ng Lady Warriors, 25-15.
Maligayang ibinahagi ng kapitanang si Mars Alba ang naging mindset ng Lady Spikers sa pagpasok sa laban kontra Lady Warriors. Aniya, “‘Yung mindset namin is to bounce back. Ayun nga galing sa two losses kaya kailangan lang namin ibalik ‘yung mga sarili sa game kasi mahirap ‘yung dalawang talo kaya need mag-bounce back para dire-diretso ‘yung laro namin.”
Abangan ang sunod na laro ng DLSU Lady Spikers kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa darating na Martes, Mayo 17, sa Mall of Asia Arena.