IPINAGKAIT sa De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang kanilang ikatlong panalo matapos patumbahin ng University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses sa loob ng limang set, 24-26, 25-22, 27-25, 23-25, 12-15, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84, Mayo 12, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Bumida para sa Lady Spikers ang super rookie Alleiah Malaluan na labis na lumagablab sa opensa na nakapag-ambag ng 26 na puntos mula sa 24 na attack at dalawang serve. Ikinasa rin ni Malaluan ang kaniyang matibay na depensa na may 18 excellent dig at 22 excellent reception.
Sa kabilang banda, nanguna naman sa pagtatag ng malapader na net defense si Baby Jyne Soreño at Thea Gagate na may pinagsamang sampung block sa kabuuang laro.
Nagningning para sa Lady Tigresses ang kanilang kapitanang si Eya Laure na nagtala ng 28 puntos na pinalooban ng 23 attack, tatlong service ace, at dalawang block.
Hindi naman nagpahuli ang kapwa senior athlete Ysabel Jimenez na umukit ng 13 puntos. Nakapaglimbag din ng pinagsamang 11 puntos sina Camille Victoria at Kecelyn Galdones para sa UST.
Mabilis na naglagda si Laure ng dalawang puntos para sa UST sa pagbubukas ng unang yugto ngunit nabura kaagad ito ng block at spike ni Soreño, 4-3. Nagpatuloy ang pangunguna ni Laure para sa kaniyang koponan matapos gumuhit ng 4-0 run. Gayunpaman, sinagot ito ng apat na sunod-sunod na puntos ng Taft-based squad, 9-8.
Bagamat nagtamo ng magkakasunod na net error ang DLSU, nanatiling buhay ang momentum ng Lady Spikers sa pagtatala ng 5-0 run sa likod nila Malaluan at Jolina Dela Cruz, 14-9. Nagsilbing diskarte naman ng UST ang pagtutok nito sa back row na depensa ng Lady Spikers para sa kanilang 5-1 run. Nagpatuloy pa ang palitan ng tirada ng magkabilang koponan na parehong lumagda ng 14 na attack.
Umangat ng dalawang puntos ang Lady Spikers ngunit naging kamandag ng UST ang bagong pasok na si Mary Ecalla na nakapagtala ng apat na tuloy-tuloy na puntos, 19-21. Gayunpaman, naging tabla ang laban matapos magsagutan ng middle of the court spikes sina Malaluan at Laure, 23-all. Nakamit man ng DLSU ang set point ng unang yugto, napuntirya naman ng mga spiker ng UST ang blockers nito, 24-26.
Dikdikan ang naging simula ng ikalawang set matapos magpakitang-gilas ng dalawang koponan, 2-all. Lumiyab naman ang mga kamay ng Golden Tigresses matapos umukit ng 3-0 run, 3-7. Gayunpaman, mas pinatibay ng Lady Spikers ang kanilang depensa kasabay ng pag-alab ng mga kamay nina Malaluan at Soreno, 13-14. Nagpatuloy pa ang momentum ng DLSU hanggang sa maitulak sa apat ang kanilang kalamangan, 19-15.
Hindi naman nagpatinag ang Golden Tigresses matapos maitabla ang iskor, 20-all. Agad namang sumagot si Dela Cruz ng isang nag-aalab na spike, 21-20. Kasunod nito, umukit ang Lady Spikers ng 3-0 run, 23-20. Sinubukan man ng Golden Tigresses na tapyasan ang kalamangan ngunit tuluyan nang ibinulsa ng Green and White squad ang ikalawang set, 25-22.
Napanatili naman sa pagbubukas ng ikatlong set ang agresibong opensa ni Gagate matapos paganahin ni Marionne Alba ang gitna. Nagawa na ring bantayan ni Fifi Sharma ang tirada ni Victoria, 7-5, ngunit kinapos sila sa floor defense, 8-7. Gayunpaman, puntos mula sa mga block ang bumuhay sa Lady Spikers sa umpisa ng set matapos ang magkasunod na kill block, 10-7.
Kaya naman, sinikap ng Golden Tigresses na kumapit sa diskarte na takasan ang block ng Lady Spikers sa pamamagitan ng drop ball, 12-all. Naging malaking tulong man sa kanila ang service ace mula kay Laure, 12-15, nakapagtala naman agad siya ng net touch pagkatapos, 12-15.
Bunsod nito, nabawi bigla ng Lady Spikers ang momentum sa pangunguna nina Malaluan at Dela Cruz na may pinagsamang limang puntos, 24-22. Nagawa pang pumuntos ni Ypril Tapia upang tablahin ang iskor, 24-all. Sa kabila nito, isinarado ni Soreño ang ikatlong set nang payungan ang tirada ni Jimenez, 27-25.
Naging maalat para sa magkatunggali ang simula ng ikaapat na yugto nang magtala ng sunod-sunod na error. Mabagal man ang pag-arangkada, pinangunahan nina Galdones at Victoria ang UST matapos tumikada ng 6-1 run, 10-5.
Pumabor naman para sa Taft-based squad ang tuloy-tuloy na net touch errors ng mga spiker ng UST. Matapos nito, nagtala ng 8-2 run ang DLSU sa likod ng mga umaatikabong spike ni Malaluan, 13-12.
Bagamat patuloy ang pag-error ng UST, hindi ito naging sapat upang palaguin ang kalamangan ng Lady Spikers. Patuloy ang matagumpay na pag-atake ng attackers ng Golden Tigresses sa kakulangan ng depensa ng DLSU sa likod ng mga blocker nito, 18-19.
Nakalamang ang Lady Spikers sa back row spikes nina Dela Cruz at Malaluan ngunit humimlay ang kanilang momentum sa service error. Mula sa malakadenang 21 puntos, nanlapa si Laure para sa kaniyang koponan matapos umiskor ng tatlong magkakasunod na puntos upang brasuhin ang ikaapat na set, 23-25.
Nagpalitan agad ng puntos ang dalawang koponan sa huling set ng laro. Pinalusot ni Laure ang kaniyang tirada sa kamay ni Soreño, 2-3. Bilang sagot, pumuntos si Malaluan nang makita ang butas sa zone 1 ng katunggali, 3-all.
Nagkamit man ng unforced error ang Golden Tigresses, nakabawi agad ito mula sa tirada nina Laure at Victoria, 5-6. Sa kabilang banda, naging mabisa naman ang pagbantay ni Gagate sa opensa ni Victoria nang ma-block ito, 7-6.
Sa kabila ng matibay na depensa na ipinaramdam ng Lady Spikers sa harap, nagawa namang makapuntos ni Tapia upang habulin ang kalamangan ng katunggali, 9-7. Nang humarap na si Laure, dinulas niya lamang sa kamay ni Gagate ang kaniyang tirada upang itabla ang talaan, 12-all. Sinamantala pa niya lalo ang kaniyang momentum matapos ilusot ang kaniyang sunod-sunod na clutch play para sa panalo, 12-15.
Abangan ang muling pagsabak ng DLSU Lady Spikers sa UAAP Season 84 Women’s Volleyball kontra UE Lady Warriors sa darating na Sabado, Mayo 14, sa ganap na ika-4 ng hapon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.