NADUNGISAN ang malinis na kartada ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers matapos pabagsakin ng National University (NU) Lady Bulldogs sa loob ng tatlong set, 22-25, 15-25, 19-25, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84, Mayo 10, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Pinangunahan ni Lady Spikers rookie Alleiah Malaluan ang kaniyang koponan matapos makapaglimbag ng sampung attack sa kabila ng pagkatalo. Umalalay naman sa kaniya ang kapitanang si Jolina Dela Cruz na nagtala ng walong puntos.
Bumida ang standout setter na si Camilla Lamina nang makapagtala ng 15 kahanga-hangang sets sa kabuuang laro. Kaanib nito ang rookie standout na si Alyssa Solomon na umukit ng 14 na puntos.
Malinamnam na panimula ng unang set ang ipinamalas ng magkatunggaling koponan nang masungkit ni Dela Cruz ang buena manong puntos ng Lady Spiker at Princess Robles ng Lady Bulldogs. Kalakip nito, nagpakitang-gilas si Malaluan nang umalagwa ng feint at maipasok ang kaniyang spike. Tinapatan naman ito ng parallel spike ni Solomon at dalawang magkasunod na service ace ni Bella Belen, 6-5.
Patuloy na lumiyab ang rally nang bigong masalo ni Sheena Toring ang feint ni Dela Cruz. Pumukol ng back attacks ang parehong koponan at waging padulasin ni Robles ang bola na nagbunsod ng quick set mula sa koponang Blue and Gold, 12-16.
Matapos ang magkakasunod na palyadong spike ng NU, nagpamalas ng malabundok na depensa sina Fifi Sharma at Malaluan. Agad naman itong sinagot ng back side spike ni Solomon na nagpalawak ng kanilang kalamangan, 19-22.
Bumawi si Belen at napasakamay ang set point para sa koponan sa pamamagitan ng kaniyang ng ikatlong service ace matapos ang dalawang magkasunod na spike error ng Lady Bulldogs. Bagamat lumalaki ang kalamangan ng NU kontra DLSU, umalagwa ng kahanga-hangang spike si Sharma. Nakamtan ng Lady Bulldogs ang three-point lead kontra Lady Spikers mula sa service error ni Malaluan, 22-25.
Rumatsada ang magkabilang koponan sa pagbubukas ng ikalawang set matapos ang mainit na palitan ng puntos, 2-all. Hindi nagpahuli sa kampanya ng Taft-based squad sina Dela Cruz at Thea Gagate matapos ang hit at service ace, 4-2.
Umabante naman nang bahagya ang Lady Bulldogs matapos ang sunod-sunod na miss at service error ng DLSU, 7-10. Tila hirap ang Lady Spikers na maungusan ang opensa ng kabilang koponan at lumobo ang kalamangan sa sampu, 10-20. Sinubukang payeluhin at awatin nina Leila Cruz at Ynna Hatulan ang pag-abante ng NU ngunit tuluyan na itong nakabuno ng isa pang set, 15-25, pabor sa NU.
Umarangkada kaagad ang Lady Spikers sa pagbubukas ng ikatlong yugto upang sabayan ang momentum na bitbit ng NU mula sa nakaraang yugto, 3-all. Bagamat hindi kilala bilang error-heavy team, naging ganito ang takbo ng laro ng DLSU.
Naging daan ito upang putulin ng Lady Bulldogs ang kadena upang simulan ang kanilang 5-1 run. Panandaliang napahinto ng middle of the court spike ni Malaluan ang atake ng NU ngunit agad namang nagtala ng 3-0 run ang katunggali, 5-11. Gayunpaman, nagawang idikit ng Lady Spikers sa dalawa ang iskor matapos ang sunod-sunod na error ng NU, 11-13.
Hindi naging sagabal ang kakulangan sa tangkad nina Robles at Solomon na patuloy inaatake ang mga puno ng DLSU. Nagmistulang heneral si Lamina sa paglalatag ng excellent sets upang ilantad ang butas sa depensa ng DLSU. Sa kabila nito, naging mahigpit ang kapit ng Lady Spikers sa ikatlong yugto at naidikit sa 15-18 ang iskor matapos ang cross court spike ni Malaluan.
Sinikap humabol ng Taft-based squad ngunit hindi naging sapat ang opensa nito upang pigilan ang panlalapa ng Lady Bulldogs. Nagtapos ang yugto sa error ng Lady Spikers na nagsilbing lason para sa kanila sa buong laban, 19-25.
Subaybayan muli ang pag-arangkada ng DLSU Lady Spikers kontra UST Golden Tigresses sa darating na Huwebes, Mayo 12, sa ganap na ika-6 ng gabi sa Mall of Asia Arena, Pasay City.