Ramdam sa balat ang init na umaalingasaw mula sa araw na mataas na nakasikat. Tila nanunuyo ang mga lalamunan sapagkat unti-unti nang nauubos ang laway sa pagsigaw at pakikipag-usap habang bitbit ang mga salita ng pag-asa. Nakararamdam na ng pangangalay sapagkat ilang oras nang naglalakad at nakatayo—bitbit sa mga talampakan ng bawat taong dumalo at nakilahok ang liwanag na makapagpapabago sa daloy ng kasaysayan. Iniinda ang hirap upang mabigyan ng pagkakataong maiwagayway ang rosas na bandera. Bukod sa pagod, mararamdaman din ang pag-asang mula sa pagtutulungan.
“Kabataan ang mitsa ng pagbabago,” ani Senator Kiko Pangilinan sa kaniyang talumpati noong Miting De Avance. Sa nag-aalab na pagmamahal sa bansa nanggagaling ang lakas ng loob na tumindig ang kabataan para sa kanilang kinabukasan. Ngunit sa milya-milyang layo ng narating ng kabataan sa kampanyang ito, bakit nga ba pilit hinaharang ang takbo ng kabataang gusto ng pagbabago?
Sigaw para sa kinabukasan
Sa muling pagsikat ng araw, bitbit nito ang liwanag na gumising sa akin. Habang nakahilata sa aking kama, nadarama ko ang paparating na pagbabago na aking inaasam. Suot ang isang t-shirt na may nakasulat na “The last man standing is a woman,” nagtungo na ako sa paggaganapan ng isang makabuluhang rally. Papunta pa lamang sa rally, makikita na ang mga taong galing sa iba’t ibang katayuan sa buhay upang sumuporta sa kandidato. Mula sa mga rosas na listong nakatali sa mga kotse hanggang sa mga tarpaulin na nakasabit sa mga tricycle at jeepney, mararamdaman na walang mga linyang naghihiwalay sa bawat klase ng tao—nagbuklod ang lahat para sa iisang hangarin.
Naglakad kami nang malayo sapagkat nagmistulang parada ang trapiko dahil sa dami ng dumadagsang madla. May ngiti at bati sa bawat kakamping makasalubong na tila pamilyar at magkakakilala. Pagdating sa rally, maririnig ang sigaw ng mga tao kasabay ang musikang lumalagom sa kapaligiran. Bitbit ng mga sigaw na ito ang pagkahayok ng mga tao para sa pagbabago, para sa mas mabuting pamamalakad ng gobyerno. Nagtanghal ang iba’t ibang mga grupo at indibidwal upang magbigay-saya sa mga dumalo habang naghihintay sa kandidato, tila kasabay ng indak sa entablado ang mobilisasyon ng mga tao para sa pagbabago. Ligaya at pag-asa ang tanging naramdaman ko noong nasa gitna ako ng rally. Sa likod ng makulay at masayang selebrasyon ang kabataang nagsakripisyo ng kanilang oras upang tumulong sa pagpapalaganap ng pag-asa.
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel sina Lian Lazo, Louise Beron, at Yca Bonifacio, mga kabataang volunteer para sa kampanya ni Bise Presidente Leni Robredo. Katulad ko, naranasan na rin nilang mapabilang sa mga tumulong at sumama sa mga rally. Nagsimula ang pakikidalo ni Beron sa mga rally para sa kampanya nitong ika-30 ng Abril, ang petsang unang inanunsyo ang pagtakbo ni Bise Presidente Leni Robredo para sa pagkapangulo ng Pilipinas. Isa si Beron sa mga naging bahagi ng graphics team at mga food booth noon pa man sa simula ng kampanya. Para naman kay Lazo, sinimulan niyang dumalo sa mini-rally sa Bani, Pangasinan. Nagpatuloy ang kaniyang pagdalo sa mga campaign rally noong pumunta siya sa Dagupan, Pangasinan.
Walang bayad at hindi sapilitan ang pagkilos ng kabataan—lakas ng loob at paniniwala lamang sa pag-asa ng pagbabago ang kanilang puhunan. Para kay Beron, pinili niyang suportahan ang tambalang Leni-Kiko sapagkat sila ang walang bahid ng korapsyon, malinis ang track record, at totoong nakikiisa sa masa. Tila nagsilbing mitsa para kay Beron ang sagot sa katanungang, “Bilang kabataan, mapapaisip ka na lang talaga paminsan—ito ba talaga ang mundong aking sasabayan sa aking pagtanda?” sapagkat dahil dito, sinimulan niya ang kaniyang boluntaryong pagtulong. Sa kabila ng kampanya, hindi pa rin nawawala ang kanilang reponsibilidad bilang estudyante. “Hindi ito nakakaapekto sa aking pag-aaral dahil lagi akong humahanap ng balanse sa [dalawang] ito,” pahayag ni Bonifacio. Mahirap man, ngunit pinagkakasya at binabalanse ng mga kabataang volunteer ang kanilang pagiging volunteer at estudyante sa loob ng 24 na oras.
Kumpol-kumpol, laksa-laksa, at siksikan—mga salitang kadugtong sa tuwing inilalarawan ang mga rally para sa kampanya ng tambalang Leni-Kiko. Nakapaloob sa malalaking numerong idinedeklara sa social media ang bawat kuwento at danas ng mga indibidwal na dumalo. Hindi man nakasama si Beron sa gitna ng rally dahil isa siya sa mga nagpapamigay ng mga pagkain at inumin sa mga dumadalo, naaninag pa rin niya ang kuwento at dahilan ng bawat isa. “Pero sa karanasan na iyon ko naunawaan na talagang mula pa sa iba’t ibang mga sektor ng lipunan ang mga sumusuporta kay Leni at Kiko,” aniya. Dulot ng impluwensiya ng mga kandidatong sinusuportahan, pinipili ng mga kabataang boluntaryong manilbihan at tumulong sa kampanya sapagkat dala nila ang paniniwalang sa laban na ito kasama ang bawat Pilipino. “Naaalala ko lagi na may mga taong dapat talaga na ipinaglalaban, at sila ‘yun,” sentimyento ni Bonifacio.
Mga hakbang ng pag-asa
19,564. Iyan ang bilang ng mga hakbang na ginawa ko at ng aking kasamahan habang nagbabahay-bahay para sa aming napupusuang kandidato. Pawang mga estudyanteng hindi naman sanay sa matinding lakaran lalo pa sa gitna ng nakapapasong init ng araw, dumadanak ang aming pawis habang sinusuyod ang mga kanto at eskinitang hindi pamilyar.
“Magandang araw po! May presidente na po ba kayo? Maaari po ba naming ipakilala ang aming presidente sa inyo?” sambit namin. Iba’t ibang reaksyon ang aming nakukuha—may ibang sumasalubong sa amin ng may ngiti. May iba namang walang imik at tila naiirita sa aming paglapit. Para sa mga taong pumapayag na pakinggan kami, buong puso naming ipinakikilala ang mga kandidatong pinaniniwalaan naming magsisilbi nang tapat sa mamamayang Pilipino. Inilalatag namin ang kanilang mga plataporma—trabaho, edukasyon, at oportunidad para sa lahat. Sa pakikipagtalakayan, sinusubukan naming ipasa ang pag-asa’t liwanag na aming natatanaw, nagbabakasakali na makita rin nila ang ligayang bitbit ng isang kulay rosas na bukas.
Habang naglalakad, minsan lumilipad ang aking isipan sa iba pang mga responsibilidad na mayroon ako. Sumasagi sa isipan ang mga gawain sa eskuwela na hindi ko pa nagagawa o ‘di naman kaya ang mga problema sa tahanang pansamantala munang isinantabi. Siguro bahagi ito sapagkat unang beses ko lamang gawin ang boluntaryong pagbahay-bahay para sa isang adhikain. Kaya naman may mga minutong napatatanong pa ako sa sarili kung bakit ko ba ito pinili? Masakit ang mga binti, likod, at mga paa, minsan natatarayan at nababastos pa, para saan nga ba ang pagsisikhay na ito?
Mas malinaw na para sa mga mas matagal nang volunteer ang kasagutan sa tanong na ito. Pagsasalaysay ni Bonifacio, hindi siya nakararamdam ng pagod sa pagbabahay-bahay para sa kampanya. Pagpapalawig niya, tanging tuwa tuwing ginagawa ito ang kaniyang nadarama sapagkat nagagawa niyang makipagtalakayan sa mga Pilipino, maging mitsa ng pagbabago, at maipaglaban ang kaniyang mga adhikain. Dagdag pa niya, “Kung Para sa Bayan, bakit naman ako mapapagod diba?” Sinuportahan naman ito ni Lazo na nagsabi na talagang inaabangan niya ang bawat pagkakataong makapagbahay-bahay sapagkat nabibigyang-pagkakataon din siyang marating ang mga lugar at makausap ang mga taong hindi pa niya nararating sa kaniyang probinsya.
Tangan ang pagmamahal sa bayan, patuloy na naging aktibo ang mga volunteer sa larangan ng politika. Sa oras na makaramdam ng pagod, nagsisilbing inspirasyon naman ang mga lider na makikitaan din ng walang kapagurang hangarin na tumulong sa kapwa upang ipagpatuloy ang nasimulang adbokasiya. Sa bawat hakbang, bitbit ang pananaw na sa dulo ng laban, may naghihintay na mas maayos na bukas para sa mga Pilipino. Sa bawat pawis at luhang pumapatak, umaasang masusuklian ito sa dulo ng walang katumbas na ligaya kapag nanaig ang katotohanan at kabutihan.
Liwanag sa dilim
Sa pagsapit ng eleksyon, hindi maiwasang makaramdam ng pangamba, lalo pa’t kinabukasan at buhay ng bawat Pilipino ang nakasalalay sa bawat patak ng tinta sa balota. Sa darating na Mayo 9, tangan ng kabataan ang pag-asang nagdulot ang pag-aalay ng sarili ng pagbabagong tunay na para sa mga bansa. Nakapapagod man ang naging paglalakbay, nakauubos man minsan ng enerhiya, napapawi ng paghahangad para sa mas magandang bukas ang bawat hirap na nadarama, hinding-hindi titigil lumaban sapagkat nagmumula ang lakas sa paninindigan para sa tama at pag-ibig sa bayan.
Malayo na ang nilakbay ng mga kabataan at malayo pa ang lalakbayin, subalit sa bawat paghakbang at pagsasalita para sa bayan, nahuhulma ang kinabukasang tunay na nararapat para sa mga Pilipino. Sa darating na eleksyon, panahon na upang wakasan ang gobyernong pinamumunuan ng mga nagsusulong lamang ng sariling interes. Panahon nang pumili ng mga kandidatong malinis at tunay na lingkod-bayan. Isa ring pagkakataon ito upang tumindig sa katotohanan at kasaysayan.
Ani Bonifacio, “Hindi na pasisiil.” Nawa’y magsilbing paalala ang katagang ito na hawak ng bawat botante ang susi para sa kinabukasang malaya, inklusibo, at tapat para sa bawat mamamayang Pilipino.