Isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming bilang ng mamamayan at pinakamatagal na gumagamit ng social media sa buong mundo. Para sa isang social media capital, isa itong hamon sa lahat ng mamamayan bunga ng kaliwa’t kanang propaganda na nakikita na maaaring magbigay-impluwensya sa ideolohiya ng isang tao. Sa ulat ng advertising firms na We Are Social at Hootsuite noong Enero 2021, apat na oras at 15 minuto ang iginugugol ng isang Pilipino sa social media sa loob ng isang araw. Bunsod nito, naging kasangkapan ito sa pagkalat ng maling impormasyon, pagrerebisa ng kasaysayan, at panlilinlang sa taumbayan.
Dagdag pa rito, ayon sa sarbey na isinagawa ng Social Weather Stations nitong Pebrero, 51% o isa sa dalawang Pilipino ang nahihirapang beripikahin ang impormasyong nakikita sa social media. Buhat ng tumitinding hamon sa disimpormasyon at misimpormasyon, higit na kinakailangang lumaban para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino upang maiwasan ang pagdami ng biktima at patuloy na manaig ang matatag na demokrasya sa bansa.
Krisis ng misimpormasyon
Ibinahagi ni Yvonne Chua, project leader ng Tsek.ph, sa isang online session ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na “Deconstructing election misinformation via Tsek.ph fact checks” na mahalagang matutuhan ang pagfafact-check, lalo na sa panahong mabilis kumalat ang disimpormasyon. Iginiit niya na isang paraan ang algorithm ng mga social media site upang kumbinsihin ang mga gumagamit nito na lumikha ng mga opinyong nakaugat sa kasinungalingan.
Isiniwalat ni Chua na ang kawalan ng polisiya sa fact-checking sa social media ang nagdudulot ng patuloy na pagkalat ng disimpormasyon. Batay sa pagsusuri ng Tsek. ph, nangunguna ang Facebook bilang pinakamalaking daluyan ng disimpormasyon sa bansa na sinundan ng YouTube at TikTok. Ipinaliwanag niyang magiging hamon laban sa pagpigil sa disimpormasyon ang pag-uugali ng mga Pilipino dahil tinatanggap nila lahat ng impormasyong kanilang nakukuha. Ani Chua, “Maybe for some, you are not loyal or you are betraying someone if you question what [others] are sharing.” I
nilantad niyang habang papalapit ang Halalan 2022, nagsisilbi rin ang disimpormasyon bilang kasangkapan upang mapaganda o sirain ang reputasyon ng mga tumatakbo para sa pagkapangulo. Ibinahagi ni Chua na si Bise Presidente Leni Robredo ang nangungunang biktima ng misimpormasyon at disimpormasyon sa social media, habang ikaapat naman sa listahan ang kaniyang katambal na si Senador Kiko Pangilinan. Bunsod nito, nagkakaroon ito ng negatibong epekto sa kampanya ni Robredo at sinisira nito ang kanilang imahe sa mga mamamayang Pilipino.
Habang inuulan ng pang-aatake ng disimpormasyon ang kabilang kampo, tila puro positibo at nakagaganda sa imahe ang kumakalat sa tambalang Bongbong Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio. Ayon kay Chua, pumapangalawa at pumapangatlo man sila sa listahan ng may pinakamaraming maling balitang kumakalat, nanatiling nakapabor sa kanila ang sitwasyon at tila mas pinatitibay pa nito ang kanilang imahe sa bayan.
Sa isa namang seminar na isinagawa ng UP’s Internet TV Network at Philippines Communication Society, ipinaliwanag ni Andrew Masigan, ekonomista at political analyst, na may kakayahan ang malawakang disimpormasyon na sirain ang lipunan at diktahan ang takbo ng gobyerno, ang kaayusan ng bansa, at ang seguridad ng mga Pilipino.
“Social media only says one aspect or one part of the story. But really, we have to rely also on debates, on interviews, on the website itself, and study the material. . . There is an element of due diligence that is incumbent on every voter,” giit ni Masigan.
Katotohanan sa gitna ng karahasan
Batay sa datos ng International Press Institute, itinuturing ang Pilipinas bilang isa sa pinakadelikadong bansa para sa mga mamamahayag. Patuloy na sinisikil ng estado ang karapatan ng mga mamamahayag. Sa tala noong 2021, umabot na sa 22 mamamahayag ang pinatay sa ilalim ng administrasyong Duterte at laganap ang red-tagging ng mga state-sponsored group sa mga kritiko ng gobyerno.
Bilang laban sa mga kumakalat na maling impormasyon, bumuo ang ilang news agencies at non-government organization ng mga programa laban dito. Sinimulan ni Maria Ressa ang proyektong “#FactsFirstPh” kasama ang Rappler, ABS-CBN Integrated News and Current Affairs, Daily Guardian, at higit isang daan pang organisasyon upang suriin ang kumakalat na impormasyon sa social media, palawakin ang inistyatiba ng fact-checking sa bansa, at panagutin ang mga taong nagpapalaganap ng maling impormasyon.
Bukod pa rito, nagkaisa rin ang Unibersidad ng Pilipinas, University of Santo Tomas, at Trinity University of Asia upang ilunsad ang proyektong “Tsek.ph” kasama ang ilang mga ahensya ng balita at kilalang fact- checking groups. Bilang mga susunod na tagapagtaguyod ng lipunan, kasama ang mga mag-aaral at mga publikasyon nito sa paglaban sa disimpormasyon at paghahatid ng mapagkakatiwalaang balita sa bansa.
Panganib ng panlilinlang
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Symon Dela Cruz, botante at social media user, araw- araw niyang nasasaksihan sa social media sites ang pagkalat ng kasinungalingan na may kinalaman sa halalan. Pagpapaliwanag niya, “Madalas na halimbawang aking napapansin ay pagsasaganda ng imahe ng kampo ng anak ng dating diktador na si Bongbong Marcos o hindi nama’y paninira sa imahe ni kasalukuyang Bise Presidente Leni Robredo.”
Bunsod nito, naniniwala si Dela Cruz na malaki ang impluwensya ng disimpormasyon sa maaaring maging resulta ng Halalan 2022 lalo na’t maraming Pilipino ang kasalukuyang nahihirapang tukuyin ang pagkakaiba ng katotohanan at kasinungalingan. Aniya, kapag patuloy ang pagkalat ng disimpormasyon sa panahon ng halalan, maaari itong maging mapanganib para sa kinabukasan ng mamamayang Pilipino. Higit pa rito, naniniwala si Dela Cruz na nagiging tulay ito upang mas mailapit ang bansa sa posibilidad na mapasailalim sa pamumuno ng anak ng isang dating diktador.
Buhat ng malaking banta sa demokrasya ng bansa, isinusog niya na malaki ang ginagampanan ng edukasyon sa pamamayagpag ng misimpormasyon at disimpormasyon. Nanindigan si Dela Cruz na maling pamamaraan ang hindi pagbibigay-diin sa kasaysayan ng Pilipinas sa sekondaryang kurikulum, lalo na ngayong panahong mas lumalala ang puwersa ng mga nambabaluktot ng kasaysayan.
Dagdag ni Dela Cruz, tungkulin ng mamamayang Pilipino na protektahan ang kasaysayang ito sa mga nagnanais na rebisahin at abusuhin para sa kanilang pansariling interes. Naniniwala siyang tiyak na mabubuwag ang sistema ng kasinungalingan sa lipunan kung mayroong iisang paniniwala at prinsipyo ang masa. Kasabay nito, hinimok niya ang mga botanteng Pilipino at social media user na maging kritikal hinggil sa impormasyong nababasa dahil marami pa rin ang historical revisionists na pilit na binabago ang katotohanan sa interes ng iilan.
Habang papalapit ang Mayo 9, ipinaalala naman ni Dela Cruz sa mga susunod na lider ng bansa na laging titindig ang mga Pilipino para sa mabuting pamumuno at malayang lipunan. “Maniningil at maniningil ang masa sakaling magpatuloy ang siklo ng opresyon at pasismo sa lipunan. Nasa ikabagong yugto na ang bansa, hindi na muli pang matatakot, hindi na muli pang magpapaapi,” paninindigan niya.
Gaano man kasigasig ang mga naghaharing-uri at iba pang indibidwal sa pagpapatahimik sa katotohanan, patuloy na kikilos ang lipunan upang hindi na muling mabigyang-puwang ang kasinungalingan. Sa natitirang mga araw bago ang Halalan 2022, nakaatang sa bawat botante ang responsibilidad na maging mulat sa katotohanan– dahil kasalanan ang pumikit, lalo na sa panahong kinabukasan ng bawat Pilipino ang nakataya.