PUMIPIGLAS sa umiiral na sistemang politikal ang mga indibidwal na tumatakbo bilang independent candidate tuwing halalan. Sa isang bansang namamayagpag ang mga partidong politikal, malaking balakid at malaking impluwensya ang kanilang politikal na makinarya upang makilala rin ng mamamayan ang mga kandidatong plano lamang ang matibay na puhunan sa pangangampanya. Buhat nito, lalong nasusubok ang katatagan ng mga naturang kandidato sa mistulang krusada laban sa matatatag na higante ng politika sa Pilipinas.
Hindi maikakailang kinailangang lumikom ng malaking pondo at bentahe upang matagumpay makakuha ng posisyon sa gobyerno. Bagamat salat sa salapi at makinarya, pinupunan naman ng mga independent na kandidato ang naturang pagkukulang sa pamamagitan ng adhikain at matinding pagbabago para sa nais nilang paglingkuran.
Lamat ng politika
Mahigit 200 ang mga politikal na partidong kasalukuyang nakarehistro sa Commission on Elections para sa darating na halalan. Sa bilang na ito, hindi maikukubling behikulo na lamang ito ng karamihan ng mga politikong nais na magharing-uri. Nagsisilbi na lamang ito bilang impukan ng impluwensya at makinarya ng bawat miyembro sa halip na isulong ang interes ng pinaglilingkurang sektor.
Sa pagiging bahagi ng isang partido, hindi rin maiwasang maiugnay ang katauhan ng isang kandidato sa kasaysayan ng kinabibilangang samahan. Tila namamana ang tagumpay at mga problema mula sa kinabibilangang partido, tulad ng masalimuot na pagkakakilanlan sa Liberal Party (LP).
Bagamat inilunsad noong panahon pa ni dating Pangulong Manuel Roxas, mas naiuugnay ang identidad ng ikalawang pinakamatandang partido ng bansa sa pamilyang Aquino at sa kanilang mga kaalyado. Sa kasalukuyang politikal na klima, nasasangkot sa samu’t saring kontrobersiya ang partido bunsod ng kawalan ng tiwala ng mamamayan sa naging pamamalakad ng mga nagdaang administrasyon.
Samakatuwid, may ilang kandidato, katulad ni Bise Presidente Leni Robredo na nagdesisyong pansamantalang umaklas at tumakbo bilang independent na kandidato sa Halalan 2022 upang maihain ang tunay na pagkakaisa at umalpas sa anino ng LP.
“Running [as an] independent is our symbolic way of showing na bukas kami sa pakikipag-alyansa sa maraming mga partido, ‘yung aming isinusulong na inclusivity. . . ‘Yung sinimulan namin na pakikipagusap kahit ‘di bahagi ng partido,” paglalahad ni Robredo sa isang press conference.
Kislap ng pag-asa
Patuloy ang pagsulong ng pagbabago ng mga independent na mga kandidato upang makawala sa nakagisnang bitak-bitak na sistema ng politika sa bansa. Sa lungsod ng Parañaque, mahigit dalawang dekada silang napasailalim sa pamumuno ng pamilya Olivarez at Bernabe. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay John Andrew Uy, isang independent candidate na tumatakbo bilang alkalde ng Parañaque, inilarawan niya ang kalbaryong dulot ng pangangampanya laban sa hanay ng malalakas at mapaniil na partido at dinastiya.
Pawari ni Uy, malaking pasanin ang kaniyang kinahaharap na pagtuligsa sa mga matatag at tanyag na grupong nais panatilihin ang panunungkulan sa kanilang lungsod. Mula sa limang kandidato sa pagka-alkalde, dalawa lamang silang tumatakbo bilang independent na kandidato. Bukod pa rito, kabilang sa kaniyang kalaban si Eric Olivarez kasalukuyang Congressman at kapatid ng kasalukuyang nakaupong alkalde ng lungsod. Aniya, sagana ang mga katunggali sa makinarya na nagtutulak upang pigilan ang mga repormang nais maatim para sa ikabubuti ng Parañaque.
Naging mainit rin ang mata ng mga mamamayan kay Uy bunsod ng kaniyang lantarang pagsuporta sa tambalang Robredo-Pangilinan sa pambansang halalan. Sa kasalukuyan, tila kumikiling ang pagboto ng kaniyang lungsod sa tinaguriang Uniteam o tambalang Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio.
Gayunpaman, para kay Uy, malaking kalamangan ang pagiging independent na kandidato sa kaniyang mga kalaban. Idiniin niyang nananalaytay sa kaniyang mga kalaban ang bahid ng katiwalian bunsod ng pagsanib sa mga partido.
“Simple lang naman, wala akong magiging utang na loob sa kahit na sino na negosyante, o ka-alyado sa pratido kundi utang na loob sa mga botante, sa mga naniniwala sa sinusulong nating gobyerno,” masusing pagtugon ni Uy. Aniya, pinanghuhugutan na lamang ito ng makinarya at bentahe mula sa isang kandidato.
Samakatuwid, mariing kinondena ni Uy ang posibilidad na pagsanib sa isang politikal partido bunsod ng katiwaliang nananalaytay sa naturang sistema. Sa huli, tiniyak niyang may maaasahang pag-asa sa mga kapwang sinusubukang umalpas sa bulok na sistemang politikal na namamayani sa bansa.
“Magtiwala kayo sa taumbayan na sasama sila sa iyo sa laban. Magtiwala kayo na, basta taus-puso ang intensyon ninyo tumindig, mayroon at mayroon kayong magiging kakampi. Mayroon kayong kasama tumayo at tumindig kahit mukhang madilim ang paligid at mukhang wala nang pag-asa,” mensahe ni Uy.
Tulad ng iilang kandidatong mag-isang sinusubok kumalas sa gapos ng umiiral na sistema, marami ring nais pumiglas sa kalagayan ng ating bayan. Bagamat madalas na nangingibabaw pa rin ang pangamba at agam-agam na hindi makamit ang minimithing pagbabago, patunay ang mga tumatakbong independent na kandidato na may handang tumindig at sumama sa laban patungo sa pag-unlad at kaginhawaan.