PINURUHAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang bagwis ng Adamson University (AdU) Lady Falcons sa loob ng tatlong set, 25-21, 25-20, 25-14, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84, Mayo 7, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Umarangkada para sa Taft-based squad si Jolina Dela Cruz matapos umukit ng 12 attack at 11 excellent dig. Umagapay naman sa kaniya ang rookie na si Alleiah Malaluan na nakapagtala rin ng 12 puntos. Nagpamalas din ng bagsik sina Thea Gagate, Fifi Sharma, Baby Jyne Soreño, at Leila Cruz na nakapagtala ng pinagsamang 29 na puntos.
Hindi nagpahuli at nagpakitang-gilas naman para sa Soaring Falcons sina Lucille Almonte at May Ann Nuique na parehong nagtudla ng tig-12 puntos. Umagapay naman sa karera ng AdU sina Rizza Cruz at Aliah Marce na may pinagsamang 11 puntos.
Agad na namayagpag ang koponang Green and White sa unang set matapos ang sunod-sunod na hit at service ace nina Gagate at Dela Cruz, 4-0. Hindi naman nagpatinag si Marce ng Lady Falcons matapos makapuntos mula sa touch ball ng Lady Spikers, 5-3. Lumamang man nang bahagya ang Lady Falcons, agad namang nakabangon ang Taft-based squad sa pamumuno ni Malaluan, 20-18. Sinelyuhan ni L. Cruz ang unang set para sa DLSU mula sa kaniyang block, 25-21.
Napuno ng tensyon ang panimula ng ikalawang yugto dahil sa mahahabang rally sa pagitan ng Lady Spikers at Lady Falcons. Nagtapos ang kanilang rallies sa pangunguna ng Lady Falcons, 1-3. Bagamat panandaliang naitabla ng DLSU ang laban, 3-all, nagsimulang umarangkada ang Lady Falcons nang magkamit ng unforced error ang Lady Spikers, 3-4. Matapos nito, patuloy pang tumaas ang lipad ng Lady Falcons sa pangunguna nina R. Cruz at Nuique, 3-6.
Matapos ang time-out na ipinatawag ng head coach ng Lady Spikers Ramil De Jesus, tila naganahan ang kaniyang mga atleta kaya naitabla nila muli ang laban mula sa block ni Malaluan kay Nuique, 6-all. Hindi naman ito nagtagal matapos makapuntos ang Lady Falcons sa pamamagitan ni R. Cruz, 6-7. Matapos nito, hindi nagpatinag ang Lady Falcons at sunod-sunod na pumuntos, 7-11.
Bagamat naging dikit ang laban, unti-unti nang nagpakita ng bangis ang Lady Spikers nang nagsimulang malamangan ang Lady Falcons dahil sa pagtama ng bola sa antenna, 16-15. Sinubukan din ng Lady Falcons na itabla ang laban ngunit nabigo ito sa opensa ni Sharma, 20-19. Sunod nito, hindi na nakalamang ang Lady Falcons sa huling bahagi ng ikalawang set nang putulan ng pakpak ni Gagate ang Lady Falcons, 25-20.
Sa pagbubukas ng ikatlong set, umarangkada agad si Dela Cruz matapos niyang magpamalas ng bagsik sa atake, 3-1. Sinundan ito ng pagpuntos ni Gagate sa net, 4-1. Kasamang umagapay sa pagpuntos ng dalawang atleta sina Soreño at Sharma upang kumawala sa humahabol na AdU, 6-3. Sa kabila nito, bumagal ang opensa ng Lady Spikers dulot ng mga error na sinamantala ng Lady Falcons upang makabalik sa laban, 12-all.
Hindi naman nagpatinag ang mga alas ng Lady Spikers at pinakitaan ng swag ang AdU matapos bumuwelta sa kaliwa’t kanang pagpuntos. Ipinamalas muli ni Soreño ang kaniyang bagsik sa pagpalo mula sa kaniyang off-the-block hit, 14-12. Sa puntong ito, biglang sumiklab ang solidong depensa ng DLSU mula sa kanilang block party upang kumawala sa Lady Falcons.
Ipinamalas din ni Gagate ang kaniyang mala-pader na depensa sa net, 15-12. Sinundan agad ito ng 10-0 run matapos ang mabagsik na opensa nina Soreño, Sharma, at Malaluan upang ipako sa 13 ang kalamangan, 23-13. Sunod nito, nautakan ni Malaluan ang blockers ng katunggali matapos idaplis ang bola sa kamay nila upang idala sa match point ang koponan, 24-14. Natapos naman ang laban mula sa error sa serve ng Lady Falcons, 25-14.
Saksihan muli ang bagsik ng DLSU Lady Spikers sa kanilang sunod na laban kontra National University Lady Bulldogs sa darating na Martes, Mayo 10, sa Mall of Asia Arena.