TULUYANG KUMALAS ang momentum ng De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 74-78, sa ikaapat na kwarter ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament kahapon, Mayo 6, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Bagamat natalisod sa clutch na patibong ng katunggali, bumida ang guwardiyang Lasalyano na si Schonny Winston matapos magsalansan ng kabuuang 26 na puntos katuwang ang kaniyang dalawang rebound.
Katambal naman ng dekalibreng atleta sa pagpuntos ang dating Rookie of the Year Mark Nonoy na waging makabuslo ng 11 puntos at dalawang rebound. Hindi rin nagpahuli sa sagupaan ang pag-alpas ng depensa ni Mike Phillips na nakalikom ng sampung puntos, 17 rebound, at dalawang block.
Para sa nagwaging koponan, namayani ang super rookie ng UP Fighting Maroons Carl Tamayo matapos sumibat ng mahahalagang clutch point katambal ang kaniyang 19 na puntos, sampung rebound, at tatlong assist. Sanib-puwersa namang inalalayan ng tambalang Maodo Diouf at Harold Alarcon ang rookie matapos magsalaksak ng pinagsamang 28 puntos mula sa kanilang tig-14 na talaan.
Bitbit ang kompiyansa mula unang panalo sa Final Four, ikinasa ni M. Phillips ang kaniyang umaatikabong jumper upang buksan ang panimulang kwarter, 2-0. Dagdag pa rito, nagpakawala pa ng magkakasunod na puntos ang matikas na tambalang Evan Nelle at Winston sa huling anim na minuto ng bakbakan, 11-4. Nagulantang naman ang patay-sinding kampanya ng Fighting Maroons sa huling bahagi ng unang yugto nang pumuslit pa ng jumper si Bright Nwankwo, 22-15.
Nagpatuloy ang pagsiklab ng mga galamay ng Green Archers sa pagbubukas ng ikalawang yugto nang agad na pumukol ng tirada mula sa labas ng perimetro si Nonoy, 25-15. Hindi naman hinayaan ni Winston na humimlay ang kanilang nabuong momentum matapos tumagos ang kaniyang opensa sa mga kalasag ng katunggali, 29-18.
Sa kabila nito, kumaripas ng takbo si Ricci Rivero at ipinukol ang nagbabagang floater nito bilang tugon sa pamumukadkad ni Winston, 29-20. Napanatili naman ni M. Phillips ang kagila-gilalas na depensa at opensa na naging adbentahe para sa Green Archers, 32-20. Nagpatuloy rin ang paglagablab ng mga daliri ni Joaqui Manuel nang sumindak siya ng dos, 34-22.
Sinubukang paliitin ng UP Fighting Maroons ang malaking kalamangan ng DLSU Green Archers ngunit hindi naging sapat ang kanilang opensa sa ikatlong kwarter. Nangibabaw pa rin ang ragasa ng opensa ni Winston nang waging humataw mula sa linya ng tres, 44-34. Natuldukan ang ikalawang yugto matapos protektahan ng Taft mainstays ang kanilang momentum, 44-39.
Hindi na hinahayaan ng Green and White squad na mapasakamay ng UP Fighting Maroons ang bola nang makalikom ng magkakasunod na puntos sina Manuel at Winston, 48-42. Bilang sagot sa angas ng DLSU, nakabawi sa kalagitnaan ng sagupuan ang humahabol na si Alarcon matapos niyang magpamalas ng nakamamanghang liksi at husay sa downtown, 53-45.
Nagsilbing pampagising kay Diouf ang pag-arangkada ng Fighting Maroons matapos niyang tapyasan ang kalamangan ng Green Archers, 55-47. Sa kabila nito, pumiglas mula sa sindak ng katunggali ang Green Archers matapos itong kargahin ng magkakasunod na puntos ni Winston, 62-51. Sa huli, napasakamay pa rin ng kampo ng DLSU ang kalamangan sa ikatlong kwarter, 64-51.
Pagdako ng huling kwarter, agaw-pansin ang bagsik ng pagpasa ni Rivero ng bola kay Diouf tungo sa pagkubra ng layup, 64-53. Bigwasan naman ng mga tirada ang naging eksena ng dalawang magkatunggali nang makaiskor sa ilalim si Abadiano, habang nakaalagwa ng hook shot si Baltazar, 66-56. Sa kabila nito, waging ungusan ng tambalang Winston at Baltazar ang depensa ng katunggali matapos kumana ng dalawang dos, 70-56.
Bumubulusok na paghihiganti naman ang ikinasa ni Rivero matapos tumuklaw ng magkakasunod na tirada mula sa loob ng arko, 70-60. Bagamat umukit ng isang puntos si Winston, matagumpay na humarurot mula sa downtown si Alarcon sa nalalabing 2:25 minuto, 71-67.
Mula sa katauhan nina Riouf at Tamayo, bumunot pa ng matutuling bala mula sa kanilang sandatahan ang UP na tumagos sa naghihingalong depensa ng katunggali, 73-all. Sa huli, nagsilbing tanglaw sa kampanya ng Katipunan-based squad si Tamayo nang pinangunahan ang kanilang pangwakas na layup at free throws tungo sa inaasam na puwesto sa Finals ng UAAP Season 84, 74-78
Hindi man nabigyan ng maraming oras sa loob ng kort, pinuri ng head coach ng Green Archers na si Derrick Pumaren ang suportang inialay ni Manuel para sa opensa at depensa ng koponan. “I think you have to give it to Joaqui. Hats off to him. He really [brought] his game,” ani Pumaren sa kaniyang postgame interview.
Bagamat makulimlim na pahimakas ang naging kapalaran sa do-or-die match, napasakamay ng DLSU Green Archers ang tansong medalya sa UAAP Season 84 Men’s Basketball Tournament. Kaugnay nito, nagtapos ang karera ng Green Archers at playing years ni Baltazar bilang second runner-up ng torneo matapos ang tatlong season na pagkabigo na makasampa sa Final Four. Samantala, maglalaban ang UP Fighting Maroons at ADMU Blue Eagles sa Linggo para sa kampeonato ng Season 84.
Mga Iskor:
UP: Tamayo 19, Diouf 14, Alarcon 14, Rivero 12, Abadiano 7, Cagulangan 6, Spencer 5, Lucero 1.
DLSU: Winston 26, Nonoy 11, M. Phillips 10, Baltazar 9, Nelle 6, Manuel 4, Nwankwo 4, Lojera 2, Austria 2.
Quarterscores: 15-22, 39-44, 51-64, 78-74.