Habang patuloy na nagiging depektibo ang demokrasya sa bansa, inaasahang magiging daan ang Halalan 2022 upang hindi na makabalik sa kapangyarihan ang mga politikong inuuna ang pansariling interes at pinoposisyon ang sarili na mas mataas sa batas. Gayunpaman, tila mas tumitindi ang hamon na makamit ito matapos muling mabalot ng iba’t ibang isyu ang Commission on Elections (COMELEC), ang pangunahing institusyong nangangasiwa sa elektoral na proseso sa bansa.
Bilang isang nagsasariling ahensya na malayo sa impluwensya ng anomang sangay ng gobyerno, responsibilidad ng COMELEC na maisakatuparan ang isang malaya, patas, malinis, at tapat na halalan. Subalit, tila nangangamba ang taumbayan bunsod ng mga hindi makatuwirang isyung nauugnay sa ahensya, katulad ng Oplan Baklas, laganap na pagbili ng boto, at ang kahinahinalang hatol sa kasong diskwalipikasyon ni presidential aspirant Bongbong Marcos Jr.
Pagbabantay ng halalan
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Atty. Emir Mendoza, legal and outreach consultant ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), ibinahagi niyang malaki ang gampanin ng mga poll watcher sa pagpapanatili ng kaayusan at integridad sa panahon ng halalan. Sila ang pinagkakatiwalaang magbantay ng voting centers o mga presinto upang matiyak na maayos at malinis ang takbo ng eleksyon sa lugar na nakaatas sa kanila. Tinitiyak din ng mga poll watcher na nasusunod ang mga batas at patakaran upang malayang maiboto ng mga botante ang nais nilang maging pinuno ng bansa.
Bagamat maraming katanungan sa kanilang integridad, ibinahagi ni Mendoza na may nagagawa pa ang COMELEC na nagpapatunay na mapagkakatiwalaan pa rin sila ng taumbayan. Para mapangalagaan ang natirang tiwala sa ahensya, iminumungkahi ng NAMFREL na maging bukas at ipakita ang bawat proseso sa paghahanda sa halalan. Sambit niya, kinakailangan magtalaga ng mga tauhan na magbabantay sa paglilimbag, pag-iimbak, at pamamahagi ng mga balota. Dagdag pa niya, maaari ding buksan ang bodega ng COMELEC sa mga tagamasid upang maisapubliko ang pag-iimbak ng mga kagamitan bago ipadala sa mga voting center.
Pagkawala ng kredibilidad
Sa patuloy na pagkabulid ng COMELEC sa mga kontrobersiyang humahamon sa kanilang integridad at pagiging independiyente, marami ang nangangamba na patuloy silang kikiling sa panig ng mga naghaharing-uri. Bukod sa pagbubulag- bulagan umano sa petisyon ng diskwalipikasyon at mga kasong isinampa laban kay Marcos Jr., binubuo rin ang hanay ng mga komisyoner ng mga itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte. Para sa isang bansang may malaking lamat ang burukrasya, hindi maiiwasan ang pangamba sa sitwasyong ito lalo na’t kasalukuyang tumatakbo ang kaniyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio para sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa bansa. Gayunpaman, mas tumitindi ang pagkuwestiyon sa kanilang kredibilidad matapos magkaroon ng alitan sa pagitan nina Commissioner Rowena Guanzon at Commissioner Aimee Ferolino. Idiniin ni Guanzon na inunahan niya ang desisyon ng kaniyang division dahil lumagpas na ito sa itinakdang 15 araw nang paglalabas ng ponente ni Ferolino.
Bagamat para sa interes ng publiko ang ginawang aksyon ni Guanzon, ipinaliwanag ni Atty. Michael Yusingco, senior research fellow ng Ateneo School of Government, sa kaniyang panayam sa UNTV, hindi ito nakatulong sa tiwala ng publiko sa COMELEC. “Kung nagdududa tayo dun sa constitutional body na tasked to manage the elections, eh ‘di magdududa na rin tayo dun sa eleksyon mismo hindi ba. . . magdududa tayo dun sa nahalal na public officials,” giit niya.
Bakas ng depektibong halalan
Nakaukit na sa kasaysayan ang paulit-ulit na pagtalikod ng COMELEC sa tunay na anyo ng demokrasya. Kung babalikan ang nakaraan, matatatandaang minanipula ng matataas na opisyal ng ahensya ang 1986 Snap Election. Noong 2004, isiniwalat ng Hello Garci scandal ang pakikipag- usap ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay dating COMELEC Commissioner Virgilio Garcillano upang dayain umano ang halalan at gawing pabor sa dating pangulo. Gayunpaman, itinanggi ito ni Arroyo at matagumpay na natapos ang kaniyang termino sa kabila ng sunod-sunod na kaso ng impeachment.
Bagamat ipinapakita nito ang napakaraming dahilan upang patuloy na hindi pagkatiwalaan ang kredibilidad at integridad ng ahensya, isinisiwalat rin ng mga nagdaang eleksyon na hindi tumitigil ang masa sa patuloy na pagsulong ng tapat at malinis na halalan. Buhat ng pandaraya ng diktador na si Ferdinand Marcos noong 1986 Snap Election, kumilos ang 35 voter tabulators ng COMELEC upang isiwalat ang nangyaring pagmamanipula sa resulta na naging daan upang sumiklab ang kauna-unahang EDSA People Power Revolution sa bansa.
Patuloy mang sikilin ang demokrasyang ilang dekada nang pinoprotektahan, lalo lamang nitong itinutulak ang taumbayan na kumilos at siguruhing mapasasakamay ng karapat-dapat na lider ang posisyong magpapanday sa kinabukasan ng bawat mamamayang Pilipino. Sa tuwing depektibo at hindi patas ang institusyong nangangalaga sa demokratikong halalan, naririto ang kasalukuyang tagapagmana ng tunay ng diwa ng demokrasya upang hamunin, labanan, at protektahan ang botong magtataguyod sa kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila.