Hindi bago sa pagpapawari ng taumbayan ang malaking perang inilalaan ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya. Iba’t iba ang pamamaraan ang kanilang isinasagawa upang maiparating ang kanilang hangaring maglingkod at iparanas ang kaginhawaang dala ng kanilang mga plataporma. Subalit, sa kabila ng malawak at matatag na politikal na makinarya ng ilang mga kandidato, tila nakakubli pa rin sa kamalayan ng mga mamamayan ang mabigat na hamong kinahaharap ng mga kandidatong intensyon at kakayahan lamang ang puhunan para sa pangangampanya.
Ayon sa Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang labis na paggastos sa kampanya. Bagamat mabigat ang parusang ipapataw sa mga kandidatong lalabag dito, ipinasa ng House of Representatives noong Hunyo 1, 2020 ang House Bill 6095 o ang panukalang batas na nagpapabisa sa pagtaas ng awtorisadong gastos ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya. Sa pamamagitan nito, mabibigyang-kalayaan ang ilang mga kandidato at politikal na partido na makapaglaan ng mas malaking pondo sa pangangampanya.
Gayunpaman, dehado ang posisyong kinatatayuan ng mga kandidatong limitado ang pera sapagkat hindi nila kayang tapatan ang kakayahan ng ibang mayayamang kandidatong sapat ang akses sa kagamitan para mangampanya. Sa kabila ng busilak na paghahangad ng mga ordinaryong kandidato, mabagsik ang pwersa ng makinaryang matagal nang namamayagpag sa politika.
Sa mata ng hurisdiksyon
Sa Halalan 2022, hamon sa mga kandidato na makuha ang suporta ng mayorya sa mahigit 65 milyong botante sa bansa. Kalakip ng malaking bilang na ito ang malaking pondo na kinakailangang ilabas ng mga kandidato upang makatulong na makumbinsi ang taumbayan. Batay sa Republic Act 7166, Seksyon 13, maaari lamang gumastos ang mga kandidato para sa pagkapangulo at pagka-bise presidente ng sampung piso kada botante o Php657 milyon. Habang tatlong piso kada botante o Php197 milyon lamang ang maaaring gastusin ng mga kandidato para sa pagkasenador at kinatawan ng mga partido.
Malaking pondo ang kinakailangan para tumakbo sa isang pambansang posisyon kaya itinakda ng batas na maaari lamang gumastos ng limang piso kada botante o Php328 milyon ang mga kandidato na walang partido o suporta mula sa anomang politikal na partido. Kaakibat nito, malaking katanungan sa lahat ang pinanggagalingan ng milyong- milyong pera na ginagastos ng mga kandidato.
Ibinunyag ng isang hindi nagpakilalang negosyante sa CNN Philippines na kumikita ang mga politiko partikular ang mga mambabatas sa pamamagitan nang pagtanggap ng suhol upang isulong ang isang panukala at mga prangkisa. Sa panayam naman ng parehong news agency kay Senate President Vicente Sotto III noong 2019, isiniwalat niyang may ilang politikong hindi isinasapubliko ang lahat ng donasyong natatanggap para sa pangangampanya. Bunsod ng malaking pera na kinakailangan para sa pangangampanya, ibinahagi rin ni Dr. Julio Teehankee sa CNN Philippines na isa itong dahilan ng patuloy na pananalaytay ng katiwalian sa bansa.
“And that is the reason why our politicians are susceptible not only to corporate interest, lobbying money, but also the underground economy, illicit activities either syndicates, drug money, or even kidnapping monies used,” paliwanag ni Teehankee.
Sapat kontra limitado
Mapanghamon ang panahon sa mga kandidatong patuloy na sinusubok ng maliit na puhunan para sa pangangampanya. Paglilinaw ni Georgeline Jaca, assistant professorial lecturer mula sa Pamantasang De La Salle, sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na pantay-pantay ang mga oportunidad na ibinibigay para sa mga nais maghain ng kanilang kandidatura ngunit tanaw na ang kalamangan ng mga kandidatong sapat ang pondo para sa pangangampanya kompara sa mga kandidatong limitado ang nilalaman ng bulsa.
Dagdag ni Jaca, katambal ng pangangampanya sa Pilipinas ang iba’t ibang politikal na makinaryang patuloy na namamayani. Ipinaliwanag niya na ang disposisyon ng mga kagyat at konkretong tulong na ibinabahagi ng mga kandidato sa kanilang mga taga-suporta ang nagsisilbing utang na loob. Nakaukit na aniya sa tao na obligasyon ng mga kandidato ang mag-abot ng tulong tuwing eleksyon. Gayunpaman, naniniwala pa rin si Jaca na matatalino ang mga Pilipino kahit ito ang nakasanayan ng mayorya tuwing panahon ng pangangampanya.
Dagdag niya, wala sa posisyon ang minorya na paratangan ang taumbayan sapagkat ang sistema mismo ang pumorma sa kanila para sumandig sa mga pansamantalang tulong. “Ayaw na ayaw ko rin ‘yung term na ‘bobotante,’ I would rather call them rational voters. Ang gusto lang ng mga tao is to survive,” pagbibigay-linaw ni Jaca.
Bilang pagwawakas, nanawagan si Jaca sa kahalagahan ng sibikong pag-aaral sa panahon ng pangangampanya at hindi pagturing sa mga mamamayang may pananaw na salungat sa kanilang paniniwala bilang kalaban. Iminungkahi niyang mas mamatamisin ang magtanong at mangumbinsi kahit mahirap ang dadaaning proseso.
“Oo, hindi nga tayo mabibigyan ng food stub, hindi tayo mabibigyan ng Php500 [at] ng kung anoman, pero giginhawa naman ang buhay natin in the coming years,” pahayag ni Jaca.
Kapangyarihang nakaangkla sa ekonomiya
Sa eleksyon ng Pilipinas, kalimitang nailuluklok sa posisyon ang mga kandidatong mayroong rekursong pantao at salapi kompara sa mga kandidatong may magandang hangarin para sa bayan. Ayon kay Xandra Liza Bisenio, pinuno ng media and communications department ng IBON Foundation, sa kaniyang panayam sa APP, na hindi maikukubling naging pangunahing salik sa eleksyon ang pagkakaroon ng mga rekurso at koneksyon upang matiyak ang pagkapanalo ng mga kandidato.
“Kung ibabatay pa rin sa karanasan ng Pilipinas, malaki ang lamang ng may sapat o maraming pondo [na kandidato] para sa pangangampanya dahil kaya nilang magbayad ng makinarya, bumili at magpagawa ng paraphernalia, mamahagi ng samu’t saring pampaalala sa publiko, at makabyahe at makapangampanya sa iba’t ibang lugar o sulok,” paliwanag ni Bisenio.
Nais ipaalala ni Bisenio sa COMELEC na huwag magpadala sa pananakot at pera ng mga kandidato upang masubaybayan at matiyak na magiging tapat at malinis ang halalan. Nanawagan din siya sa susunod na pinuno na isakatuparan ang layuning pandayin ang pagkakaisa, diskurso, at pagbuo ng konkretong planong magsusulong sa ekonomiya ng Pilipinas at buhay ng mga Pilipino.
Sa ilang dekadang pag-iral ng halalan, nasaksihan ng taumbayan ang paulit-ulit na sitwasyon ng mga kandidato sa pangangampanya. Madalas pinangungunahan lamang ito ng mga naghaharing-uri na hindi na kailangan pang lumubog sa paghihirap ng mga Pilipino. Ito ang katotohanang sumasalamin sa bawat eleksyon; kung patuloy tayong mabubulag sa hindi makatarungang pagkiling, hindi natin matatakasan ang gusot na ikinintal ng mga ganid na tao sa sistema ng demokrasya.