NAKABAWI AT TINAPYASAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang twice-to-beat advantage ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons sa Final Four match, 83-80, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Mayo 4, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
#IpaNELLEna10to—nagsilbing pinakamaangas na alas ng DLSU Green Archers si Evan Nelle matapos magsalaksak ng sumatotal 26 na puntos katuwang ang kaniyang anim na rebound, pitong assist, at tatlong steal. Tangan ang titulong player of the game sa unang laro sa Final Four, siniguro ng dekalibreng atleta na makapoporsiyento siya mula sa kaniyang mga tirada sa loob at labas ng arko. Buhat nito, nakapagtala ng kabuuang 61.5% field goal si Nelle katuwang ang kaniyang 75% sa loob at nakamamanghang 55.6% sa labas.
Nagsilbing kasangga ng player of the game ang batikang si Kurt Lojera na nagpaulan ng 11 puntos, limang rebound, at apat na assist upang masungkit ng koponan ang panalo. Nakapag-ambag din ang sentro at kapitan ng Green Archers Balti Baltazar na waging makaararo ng 15 puntos kabilang ang kaniyang 18 rebound at isang assist.
Bagamat nahimbing ang opensa sa kalagitnaan ng sagupaan, namayani para sa UP Fighting Maroons si Maodo Diouf na sinubukang makahabol sa ikaapat na kwarter. Kaakibat nito, pilit na kinarga ng atleta ang koponan tangan ang kaniyang 18 puntos katuwang ang kaniyang 20 rebound at tatlong assist. Sa kabilang banda, bigong magpatambak ang tambalang Ricci Rivero at Zavier Lucero kontra DLSU matapos itudla ang pinagsamang 35 puntos.
Sumbatan ng maagang tirada ang naging eksena sa unang yugto nang mapasakamay ni Diouf ang unang puntos para sa Fighting Maroons matapos ang matuling pamumukadkad ni Baltazar, 2-all. Nagpatuloy pa ang momentum ng Green Archers nang magsanib-puwersa sa two-point line ang magkatropang Nelle at Baltazar, 6-5. Sa kabila nito, hindi hinayaan ng katunggali na mapalawak ang kalamangan ng DLSU matapos umalagwa ng nagbabagang tres si Diouf.
Bagamat nagtayo ng malapader na depensa ang UP, waging nakapag-ambag sa two-point line sina Schonny Winston at Nelle, 10-8. Sa kabila nito, sumagot ng umaatikabong dos ang forward ng UP Zavier Lucero na agad namang ginantihan ng sentro ng DLSU Mike Phillips sa loob, 12-10.
Pasiklaban din ng mga guwardiya ang ibinandera ng kampanya ng magkatunggali nang magpakawala ng tres si Mark Nonoy at fast break dunk si Ricci Rivero, 18-12. Gayunpaman, tuluyang tinuldukan ng tamabalang Baltazar at Lojera ang unang kwarter nang kapwa umukit ng dos, 24-16.
Pagdako ng ikalawang kwarter, umukit ng buena manong puntos si CJ Austria nang magpamalas ng offensive rebound. Gayunpaman, tinapatan ito ng pagragasa ni Carl Tamayo sa perimeter, 26-19. Matapos nito, dinomina ni Rivero ang free throw line matapos magtagumpay sa dalawang pagtatangka, 33-23. Buhat ng foul ni Bright Nwankwo, ipinagpatuloy pa ng Maroon and White squad ang kanilang nabubuong momentum matapos nilang magpasikat muli sa free throw line sa pangunguna ni Lucero, 34-25.
Gayunpaman, waging dungisan ng Austria-Lojera tandem ang nagbabadyang peligrong hatid ng pagbawi ng katunggali matapos pumukol ng dos sa loob ng arko, 38-27. Bagamat hinahamon ni Lucero, patuloy na pinalawak ng umaarangkadang Lojera ang kalamangan ng koponang Green and White mula sa kaniyang slam dunk at malalim na tres, 42-33.
Sa kabila nito, sinagot ni Rivero ang umaaribang katunggali matapos tumikada ng walang kaabog-abog na slam dunk. Binigwasan naman ni Nelle ang kompiyansa ni Rivero matapos tumikada ng puntos sa downtown, 45-35. Sa huli, nanguna pa rin sa first half ang DLSU bagamat nakapagtala ng dalawang free throw si Diouf, 48-37.
Maagang kagalakan ang natamasa ng DLSU sa pagbubukas ng ikatlong kwarter matapos pagbidahan ni Nelle ang kanilang kalamangan sa sampu, 50-40. Matapos nito, sagutan ng puntos ang ibinato nina Winston at Joel Cagulangan matapos bigwasan ang isa’t isa mula sa layup at fadeaway jumper, 52-42. Sa kabila nito, patuloy na kumamada ng patibong ang DLSU sa katauhan ng tambalang Baltazar at Nelle na nagpatahimik sa imik ng bawat Fighting Maroon, 58-42, mula sa kanilang floater.
Niyurakan pa muli ni Nelle ang pag-asang mamayagpag ang katunggali sa ikatlong yugto matapos rumagasa sa labas ng arko, 61-42. Winakasan man ni Tamayo ang scoring drought ng UP, sinunggaban naman ito ng tambalang Manuel at M. Phillips matapos magsalanta ng tirada tangan ang pinagsamang limang puntos sa loob at labas, 66-47. Gayunpaman, tangan ang kagila-gilalas na 11-0 lead, hindi hinayaang magpatambak ang tambalang Lucero at Cagulangan nang buhatin ang UP sa pagtatapos ng ikatlong kwarter, 66-55.
Sa pagpapatuloy ng mainit na labanan, mapangahas na tumuklaw ng tres si Lojera sa pagbubukas ng huling yugto, 70-55. Sa kabilang banda, bumulusok ang Fighting Maroon Rivero sa 7-minute mark matapos ding humulma ng sariling tres. Gayunpaman, bigong magpatinag ang big man ng koponang Green and White Baltazar matapos sumibat ng dos, 72-60.
Kompletong dominasyon ng DLSU ang naging eksena sa huling ika-5:45 minuto ng laban nang magpaulan ng tres ang tambalang Nelle at Lojera, 79-65. Sunod nito, nagbaon ng sampung bentaheng kalamangan ang Green Archers sa huling dalawang minuto ng bakbakan, 79-69. Sinubukan muling pumorma ng Fighting Maroons sa huling 12 segundo ngunit tuluyan na itong tinuldukan ng Taft-based squad sa pangunguna ng free throw ni Nelle, 83-80.
Hindi maikakailang ikinasa ng DLSU Green Archers ang kanilang nag-uumapaw na pagpupursigi at disiplina sa loob ng kort upang mapasakamay ang panalo. “The boys played 40 minutes of solid basketball. It was a disciplined effort and everyone was on the same page today,” pagmamalaki ng head coach ng Green Archers Derrick Pumaren sa kaniyang postgame interview.
Bunsod nito, tila nagniningning ang pag-asa ng Green Archers na muling makatapak sa inaasam-asam na puwesto sa Finals na huli nilang napasakamay noong Season 80. Gayunpaman, kailangan pang magtagumpay ng koponang Lasalyano sa kanilang do or die match kontra UP na kasalukuyang may twice-to-beat advantage.
Tuluyan na nga bang maseselyuhan ng Taft-based squad ang final spot sa UAAP Season 84 Men’s Basketball Tournament o magpapaalam na sila sa entablado ng Final Four? Abangan ang huling pagtutuos ng DLSU at UP Fighting Maroons sa darating na Biyernes, Mayo 6, ika-2 ng hapon.
Mga iskor:
DLSU: Nelle 26, Baltazar 15, Lojera 11, M. Phillips 7, Austria 7, Winston 7, Nwankwo 4, Nonoy 3, Manuel 3.
UP: Diouf 18, Rivero 18, Lucero 17, Tamayo 8, Abadiano 7, Cagulangan 6, Spencer 3, Alarcon 3.
Quarterscores: 24-16, 48-37, 66-55, 83-80.