HAHATAW muli ang mga koponan mula sa iba’t ibang unibersidad na kabilang sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa Season 84 ng Women’s Volleyball Tournament matapos huminto ang mga umaatikabong laro noong Season 82 at 83.
Kaabang-abang ang magiging karera ng bawat koponan sa unang yugto ng torneo dahil halos dalawang taon nilang plinantsa ang kanilang mga plano at estratehiya para sa kasalukuyang Season. Bunsod nito, magiging mahigpit ang bakbakan ng bawat koponan lalo na’t gutom silang magkamit ng panalo bitbit ang panghihinayang mula sa naudlot na Season 82.
Pagsariwa sa nakaraang karera ng Lady Spikers
Noong nakaraang Season 81, naibulsa ng Ateneo de Manila University (ADMU) Lady Eagles ang kanilang ikatlong kampeonato sa women’s volleyball. Sa kabilang banda, bigo mang maiuwi ng University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses ang kampeonato, pumainlang sila mula sa ikapitong puwesto noong Season 80 tungo sa ikalawa. Kasabay nito, nagwagi ang UST na putulin ang pag-asang makakuha ng four-peat championship ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers, gayundin ang kanilang sampung taong finals appearance sa UAAP.
Matatandaang wala masyadong pagbabago sa sistema ng head coach ng DLSU Lady Spikers na si Ramil De Jesus pagdating sa opensa ng koponan noong Season 81. Maaga niyang tinimplahan ang koneksyon ng mga bagong saltang spiker, tulad ni super rookie Jolina Dela Cruz upang agad na makipagsabayan kina Des Cheng at Aduke Ogunsanya. Bunsod nito, dinomina agad ng koponan ang kanilang unang laro kontra ADMU sa pamamagitan ng kanilang offensive prowess na nakapagtala ng sumatotal 40 attack at 15 service ace.
Gayunpaman, nahulog sa mapanganib na bangin ang Lady Spikers matapos matalo kontra University of the Philippines (UP) Lady Maroons at UST Golden Tigresses. Tila nahirapan ang DLSU na makatakas sa bitag ng UP at UST dahil sa pagretiro ni Season 80 Finals MVP Dawn Macandili na nangunguna pagdating sa floor defense ng koponan. Bunsod nito, bumaba ang porsyento ng DLSU sa pag-receive ng bola noong Season 81. Matatandaang nakakuha lamang ng 38.5% efficiency sa receive ang libero na si CJ Saga.
Patikim na pagbawi ng Green and White squad
Gayunpaman, sa ipinakitang laro ng Lady Spikers noong Season 82, naging sapat ang pag-arangkada ng mga rookie na sina Thea Gagate, Justine Jazareno, Leila Cruz, at Jyne Soreño upang matagumpay na panahin ang defending champion na Lady Eagles. Kaya naman, mabisa ring gumamit ng baryasyon ng atake, tulad ng backrow attack at combination play ang koponan upang mahirapan ang katunggali na bantayan ang galaw ng mga spiker.
Mahalagang higitan ni Dela Cruz ang kaniyang ipinakitang opensa at banatin pa lalo ang kaniyang crosscourt hit. Matatandaang pinudpod niya ang depensa ng Lady Eagles gamit ang kaniyang tatlong magkakasunod na manipis na crosscourt attack. Kapag napataas pa niya ang porsyento sa pag-atake mula 30.00% noong Season 81, posibleng manguna siya sa talaan ng pagiging pinakamahusay na spiker sa darating na torneo, lalo na’t nagretiro na ang mga nanguna sa kaniya dati na sina Kat Tolentino, Sisi Rondina, at Tots Carlos.
Malaki rin ang gampanin ni Jazereno upang pangunahan ang floor defense ng Lady Spikers. Matatandaang mismong si Tin Tiamzon na nagretiro na para sa Season 84 ang nanguna sa floor defense ng koponan hawak ang 12 dig at 13 reception kontra Lady Eagles noong Season 82.
Tumitindi rin ang opensa ng mga katunggali dahil sa mga super rookie nito na nasa posisyon ng outside at middle hitters, kaya kailangang maging handa ang DLSU na bantayan ang kanilang mga tirada. Sa pagkakaroon ng solidong depensa sa receive at dig, mapadadali ang bigayan ng bola ng setter sa kaniyang mga spiker upang makapuntos.
Kaugnay nito, papalitan na ng bagong kapitan ng Lady Spikers na si Marionne Alba si Michelle Cobb bilang starting setter na nagretiro na para sa Season 84. Kaakibat nito, mahalagang gumana ang koneksyon ni Alba sa kaniyang mga spiker para masulit ang iba’t ibang uri ng atake.
Sa kabilang banda, tila umigi naman ang blocking department ng koponan. Dulot ng naging ambag ni Gagate na limang blocks kontra ADMU noong Season 82, maaasahang magiging isa sa mga pambato at matibay na kalasag ng Lady Spikers ang naturang sophomore.
Paglagas ng mga dating pambato
Simula noong hinirang na head coach ng Lady Eagles si Oliver Almadro, inumpisahang pandayin ng koponan ang kanilang depensa na pinangunahan ng towering trio na sina Bea De Leon, Maddie Madayag, at Tolentino na naging malaking bentahe nila sa pagkamit ng kampeonato. Ngayong nagretiro na ang towering trio, kailangang tasahan ng mga bagong saltang middle blocker ang kanilang net defense upang mapanatili ang solidong depensa sa frontline.
Kagilas-gilas na opensa naman ang inihain ng Growling Tigresses matapos itong pangunahan ng tambalang Rondina at Eya Laure noong Season 81. Para sa Season 82, ang magkapatid na EJ Laure at Eya Laure naman ang nanguna sa opensa ng koponan.
Gayunpaman, sa pagretiro nina Rondina at EJ Laure sa Season 84, inaasahang magiging kasangga ni Eya Laure sa pag-ambag ng puntos si Ysa Jimenez at ang iba pang mga rookie ng UST. Kailangan ding mapanatili ng koponan ang kanilang mabibigat na serve na ipinakita nila noong finals ng Season 81 na nakapagtala noon ng sampung service ace.
Mapangahas na presensiya naman ang hatid ni Lycha Ebon nang manguna sa pag-arangkada ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws noong Season 81, bago siya magtamo ng injury. Dumagdag pa rito ang kontribusyon nina kapitana Jerrili Malabanan at Heather Guino-o, dahilan upang pumaimbulog ang kanilang kompiyansa sa kabuuang torneo. Wala man sa susunod na torneo si Malabanan at Guino-o, may mga panibagong bala naman ang FEU na sina Ann Monares, Ashley Canete, at Christine Ubaldo.
Kampanya para sa korona
Ngayong uumpisahan ng Lady Eagles na depensahan ang kanilang trono, kailangang makahanap ng kasangga ni Faith Nisperos sa opensa upang madali silang makatalon sa finals. Maaari itong punan ng mga bagong miyembro ng koponan na sina Sofia Ildelfonso mula sa Nazareth School of National University at Jana Cane na bronze medalist sa 2019 Palarong Pambansa. Mahalagang mapalabas agad ang kanilang kahusayan sa opensa at depensa na makatutulong sa pag-akyat sa talaan ng Lady Eagles sa unang yugto ng Season 84.
Determinado naman ang Lady Spikers na sunggaban ang korona pabalik sa Taft. Kailangang mapagana ni Alba sina Cruz, Gagate, at Soreno dahil krusyal ang pagkawala ni Tiamzon at Ogunsanya na nanguna para sa koponan noong Season 82. Kaya naman, mahalagang makapag-ambag ng malalaking puntos ang mga bagong salta upang umarangkada sila tungo sa susunod na yugto ng torneo. Maliban dito, kailangan din nilang bawasan ang kanilang unforced errors. Bagamat nanalo sa laro, may 33 unforced errors ang koponan sa kanilang laban kontra Lady Eagles noong Season 82.
Inaasahang mangingibabaw sa atake ang Golden Tigresses dahil subok na ang opensa nina Eya Laure at Imee Hernandez na 2nd best middle blocker noong PVL Collegiate Conference 2019. Nagtapos man ang playing years ni Rondina na nanguna sa kanilang opensa at depensa dati, inaasahang bibida ang four-time best libero mula UAAP junior’s volleyball at national team member Bernadette Pepito pagdating sa floor defense ng UST.
Sisikapin naman ng National University (NU) Lady Bulldogs na makabalik sa Final Four ngayong taon. Malaki ang tsansa na aangat sila sa kanilang puwesto dahil babalik na ang Season 81 Best Server na si Princess Robles. Makasasama pa niya si Michaela Belen na MVP at 1st Best Outside Hitter noong UAAP Season 82 Girl’s Volleyball Tournament. Maliban dito, titindi pa ang kanilang floor defense sa Season 84 dahil katuwang nila ang dating libero ng national team na si Jen Nierva. Matatandaang pumangalawa sa departamento ng receives na may 50.6% efficiency noong Season 82 si Nierva.
Masisilayan din ang mas pinalakas at pinatapang na lineup ng Lady Falcons, Lady Maroons, Lady Warriors, at Lady Tamaraws sa pagsisimula ng UAAP Season 84 Women’s Volleyball Tournament dahil sa kapwa malalakas na rookies nito.
Masasaksihan na muli ng mga tagahanga ang paghaharap ng magkaribal na koponan na ADMU Lady Eagles at DLSU Lady Spikers sa Huwebes, Mayo 5, sa ganap na ika-4 ng hapon sa Mall of Asia Arena.