ISINAGAWA ang on-site youth mass at press conference na #BotoKayLeniKiko: Tugon ng Kabataan, Panalo ng Sambayanan sa Pamantasang De La Salle (DLSU), Abril 25. Layon ng pagtitipon na ihayag ang suporta ng pamayanang Lasalyano at iba pang paaralang kabilang sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa kandidatura nina Bise Presidente Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan para sa darating na #Halalan2022.
Sa pangunguna nina DLSU University Student Government (USG) President Giorgina Escoto at Ateneo de Manila University (ADMU) Sanggunian ng mga Mag-aaral ng mga Paaralang Loyola President Kara Angan, isinakatuparan ang misa at presscon upang lalong mapalakas ang panawagang “Sa Gobyernong Tapat, Angat Buhay Lahat.” Dagdag pa rito, inilahad ni Escoto ang resulta ng isinagawang DLSU mock elections at pormal na inendoso ang tambalang Robredo-Pangilinan at kanilang senatorial slate.
Panalangin para sa Halalan
Nag-umpisa ang programa sa pamamagitan ng misa na pinangunahan ni Fr. Jett Villarin. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng apat na mga salita—feeding, healing, teaching, and assuring. Bukod dito, isinaad din niya na dapat iparamdam sa ating kapwa ang pagmamahal na itinuro ng Diyos. “Ang pagmamahal ng Diyos Maykapal ang sagisag sa liwanag sa dilim,” paliwanag niya. Isiniwalat din niyang nararapat tayong pumili ng tapat na pinuno para sa ating bansa.
Nagbigay rin ng mensahe si Dr. Tricia Robredo bilang kinatawan ng kaniyang ina. Malugod na ipinaabot ni T. Robredo ang pasasalamat ng kaniyang ina sa pagbubuklod ng UAAP schools para sa iisang layunin. Naniniwala siyang may espesyal na lugar ang DLSU sa kaniyang puso dahil sa kaniyang ama. “My father was a proud product of La Salle,” saad niya. Sa huli, aminado siyang dehado ang kaniyang ina pagdating sa mga sarbey, ngunit naniniwala pa rin siyang may pag-asa manguna ang Bise Presidente sa nalalabing mga araw bago ang eleksyon.
Dumalo rin si Joseph Pangilinan, kapatid ni K. Pangilinan at dating propesor ng Strategic Management sa DLSU, para ipaabot ang pasasalamat ng kaniyang kapatid sa pagkakaisa ng mga unibersidad upang suportahan ang kanilang kandidatura. Nanawagan siya sa taumbayan na huwag pumili ng mga kandidatong trapo at may bahid ng korapsyon. Hindi rin nawawalan ng pag-asa si J. Pangilinan sa mga huling araw ng eleksyon. “We still believe in miracles and that is what we need to do for 14 days straight,” wika niya.
Paninindigan at panawagan
Naging hudyat ng pagbubukas ng press conference ang pambugad na pananalita ni Br. Bernie Oca. Ibinahagi niya ang kaniyang dalawang konpesyon sa mga lumahok. Una niyang ipinagmamalaki na malalim ang kaniyang pagmamahal sa DLSU sapagkat saksi ang luntiang Pamantasan sa kaniyang pag-aaral mula preparatory hanggang kolehiyo. Sumunod niyang inilahad ang pagpapalit ng kulay mula berde tungo sa kulay rosas na nagpapahiwatig ng pagsuporta sa tambalang Leni-Kiko. “I have now changed from color green to pink,” aniya. Sa huli, kinilala ni Oca ang katapangan sa paninindigan ng mga student leader na mitsa ng pag-asa sa susunod na henerasyon.
Nagbigay rin ng pahayag ang mga presidente ng student council ng ADMU at DLSU. Isinaad ni Angan na mahalaga ang nalalabing 14 na araw para sa mga Pilipino dahil may panahon pa upang tumiwalag sa echo chamber at mag-house-to-house upang mapakinggan ang tunay na hinaing ng mga Pilipino. Dagdag pa niya, maisasagawa ang tunay na pangagampanya sa ideyang “Tao sa Tao, Kapwa sa Kapwa.” Binigyang-diin niyang hindi lamang siya lumalaban para ibandera ang suporta sa tambalan kundi tumitindig siya para sa kinabukasan din ng Pilipinas.
Pagkatapos ng mensahe ni Angan, inanunsyo ni Escoto ang kanilang paninindigan para sa gobyernong tapat. Isinapormal niya ang pulso ng mga Lasalyano sa paglalahad ng pag-endoso kina L. Robredo at K. Pangilinan para sa pagka-pangulo at pagka-bise presidente. “Naaninag na natin ang kulay rosas na bukas,” wika ni Escoto.
Ipinaalala rin ni Escoto na hindi nagtatapos sa mock polls ang tunay na laban sapagkat diskurso o pakikipag-usap sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang epektibong estratehiya sa pangangampanya. Sa huli, hinikayat niyang huwag pahintulutang mamayani muli ang paniniil at kasinungalingan sa kabataan. Pagtitindig niya, “Never again [and] not on our watch.”
Binuksan ang malayang diskusyon at nabigyan ng pagkakataong masagot ang ilang katanungan ng mga manonood sa huling bahagi ng programa. Naniniwala si Escoto na hindi dapat mawala ang respeto sa kabila ng pagkakaroon ng iba’t ibang katayuan sa politika. Aniya, “We might not be able to change minds, but we might be able to change hearts.” Pinabulaanan din nila ang bansag na elitista umano ang mga nag-aaral sa mga prestihiyosong unibersidad, tulad ng DLSU at ADMU sapagkat repleksyon ng kanilang pagkampanya sa tambalang Leni-Kiko ang lininang at pinagyamang prinsipyo ng kani-kanilang paaralan.
Bilang pagtatapos, nagbahagi si Fritzie De Vera, vice president for Lasallian Mission, ng kaniyang karanasan sa nagdaang laban ng DLSU at ADMU sa UAAP 84 Men’s Basketball. “I cried. Not because we [La Salle] lost but [the] sea of pink.” Lubos niyang pinasasalamatan ang mga student leader sa matapang na pagpapahiwatig at pagbubuklod para sa Halalan 2022. Pinaalala niyang malaki ang gampanin ng kabataan sa paghubog ng kinabukasan. Kaya naman, hinikayat niya ang bawat isa na bumoto para sa pinunong magtataguyod sa pagbabago at pag-asa.