SINELYUHAN ng playoff-bound De La Salle University (DLSU) Green Archers ang huli nitong laban sa ikalawang yugto matapos lustayin ang bangis ng National University (NU) Bulldogs, 76-65, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Mayo 1, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nanguna sa pag-asinta para sa DLSU Green Archers si Wacky Manuel na umiskor ng 20 puntos, tangan ang kaniyang season-high na apat na three-pointers. Hindi rin nagpahuli ang rookie na si Mike Phillips na nakapagtala ng double-double na 15 puntos at 15 boards.
Samantala, nasaraduhan man ng pinto para sa final four, nangibabaw para sa NU Bulldogs si John Figueroa na nagtala ng 20 puntos, 14 na rebound, at anim na steal. Umalalay naman sa kaniya si Mike Malonzo na nakapag-ambag ng 13 puntos at pitong rebound.
Umarangkada agad sa pagbubukas ng unang yugto ang Green Archers nang lumiyab ang mga galamay ni Evan Nelle matapos magpakawala ng nakamamanghang tres sa ika-8:53 mark, 3-0. Agad itong sinundan ng mainit na tres ng Fil-Am forward Ben Phillips para iangat ang kalamangan ng Taft-based squad sa anim, 6-0. Sa kabila ng mainit na simula, inalat sa free throw line ang Green Archers na nagpatigil sa pag-angat ng kanilang lamang kontra Bulldogs.
Sinamantala ng Bulldogs ang pagtamlay ng opensa ng Green Archers sa free throw upang idikit ang iskor. Bumulusok si Figueroa para sa Bulldogs matapos niyang gumawa ng puntos na may kasama pang foul, 6-5. Hindi naman nagpahuli ang Green Archers matapos magliyab si Kurt Lojera at makagawa ng malahalimaw na dunk, 12-10. Nagpakawala naman si Deo Cuajao ng mainit na tirada sa labas ng arko bago matapos ang unang kwarter, 15-11.
Sa pagbukas ng ikalawang kwarter, naging dikdikan ang pagtutuos ng dalawang koponan. Agad nagparamdam ang off the bench na si Ralph Cu matapos niyang magpakawala ng umaatikabong tres para iakyat sa dalawa ang kalamangan, 20-18. Hindi naman nagpahuli ang Bulldogs matapos iparamdam ni Malonzo ang kaniyang bagsik sa paint, 28-20.
Gayunpaman, nagawang bumulusok ng Green Archers matapos magparamdam ng talas sa opensa. Umarangkada si Manuel matapos ang kaniyang sunod-sunod na pagpuntos sa loob at labas, 33-23. Sinundan naman ito ng pagpapakitang-gilas ni “Motor” M. Phillips matapos ipasok ang kaniyang dunk, 35-23. Umagapay rin ang kaniyang kapatid B. Phillips matapos makaukit ng puntos na may kasama pang foul, 37-23. Nagtapos ang unang kalahati ng laro na hawak ng Taft-based squad ang 12 kalamangan, 37-25.
Mainit na balikatan ang sumiklab sa pagitan ng Bulldogs at Archers papasok ng second half. Kumana ng tatlong magkakasunod na fouls sa unang dalawang minuto ng bakbakan ang parehong koponan dulot ng paghigpit nila sa depensa sa hardcourt, 40-27, pabor sa DLSU. Sinubukan pang patalbugin ng Green Archers ang ratsada ng Bulldogs sa pamamagitan ng pagpuntirya nina Manuel at Bright Nwankwo sa paint na may pinagsamang limang puntos. Naging katuwang nila si Lojera matapos kumana ng isang three-pointer sa nalalabing apat na minuto ng laban, 54-40.
Hindi na muling pinahintulutan ng Bulldogs na malatakan ang gumagandang momentum ng koponan sa huling dalawang minuto sa tulong ng mas bumagal na aksyon dulot ng foul penalties ng parehong koponan. Buhat ng mas kalmadong pasiklaban, sumaklolo para sa NU ang makisig na si Figueroa na umukit ng anim na puntos kasabay ang crucial unsportsmanlike foul ni Mark Nonoy upang maibaba ang lamang sa anim sa pagtatapos ng ikatlong kwarter, 54-48.
Bigong pigilan ng Taft-based squad ang matuling opensa ng Bulldogs sa pagsisimula ng huling kwarter. Mula sa 8-0 run sa pagtatapos ng ikatlong yugto, nakapagtala agad ang NU ng apat na magkakasunod na puntos. Nailantad ng Bulldogs ang kakulangan ni team captain Balti Baltazar bilang pader ng gitnang depensa ng DLSU. Naibaba sa isa ang kalamangan ng DLSU ngunit inapula nito ang apoy ng NU matapos magpakawala ng tres ni Manuel sa kanang kanto, 58-54.
Dahan-dahang sinaraduhan ng Green Archers ang sakmal ng Bulldogs. Nagtala ng 7-0 run ang DLSU sa pangunguna nina Manuel at Lojera sa huling apat minuto, 67-56. Nasundan naman agad ito ng limang sunod na puntos ni M. Phillips kabilang ang isang makapanindig-balahibo na dakdak. Sa huli, tuluyang naselyuhan ng Green Archers ang panalo, 76-65.
“We knew that the two guys [Deschon Winston and Baltazar] are not playing [well] today, and the guys have to step up. . . the boys got step on play and faced the challenge,” ani DLSU Green Archers head coach Derrick Pumaren sa kaniyang postgame interview.
Nakamit ng DLSU Green Archers ang 9-5 panalo-talo kartada sa pagtatapos ng ikalawang yugto ng UAAP upang makuha ang ikatlong puwesto. Samantala, nalaglag ang NU Bulldogs sa pagkakataong makapasok sa playoffs bunsod ng pagkapanalo ng Far Eastern University kontra University of Santo Tomas kanina. Sa kasulukyan, pinagdedesisyunan pa lamang kung bracketing o stepladder ang ipatutupad na sistema para sa playoffs ng torneo.
Mga Iskor:
DLSU 76: Manuel 20, M. Phillips 15, Lojera 11, Nelle 7, B. Phillips 7, Nonoy 5, Cu 3, Nwankwo 3, Cuajao 3, Austria 2
NU 65: Figueroa 20, Malonzo 13, Enriquez 6, Mahinay 6, Torres 5, Tibayan 4, Yu 3, Felicida 2, Joson 2, Manansala 2, Gaye 2
Quarterscores: 15-11, 37-25, 54-48, 76-65