Dama ng babad na balat ng mga magsasaka ang mainit na sinag ng araw—unti-unting pinapanglaw ang katawang ginugupo ng pagod dahil sa walang humpay na pagtratrabaho sa sakahan. Serbisyong hatid nila ang bumubuhay sa bansa—naghahain ng pagkaing nagbibigay sustansiya sa katawan ng mga mamamayan. Binubusog man ang madla, isang kabalintunaang patuloy silang naghihigpit ng sinturon habang kumakalam ang kanilang mga tiyan. Mistulang hindi sapat ang libo-libong binhing kanilang itinatanim upang yumabong ang kani-kanilang buhay dulot ng kapabayaan sa kanilang sektor. Sa kabila nito, patuloy ang kanilang pagkilos para sa kanilang karapatan.
Noong 2007, naging maugong na balita ang kuwento ng Sumilao farmers—mga magsasakang nakilala sa kanilang paglalakbay mula Bukidnon hanggang Maynila upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa kanilang lupang ninuno. Pagkatapos maipanalo ang kaso, patuloy pa rin ang kanilang pagtindig hindi lamang para sa sektor ng agrikultura, kundi pati na rin sa mga Indigenous People (IP) at kababaihan.
Sa muling pagdating ng panahon ng pagpili para sa susunod na liderato ng bansa, muling nag-organisa ang Sumilao farmers. Tangan ang adbokasiya, pangarap, at kasaysayang nagbibigay-liwanag sa sambayanan, muling lumakad ang Sumilao farmers para ipaalam at muling ipaalala sa madla ang kanilang danas, gayundin ang pagsulong ng isang maaliwalas na kinabukasan.
Martsa ng pag-asa
Tila sinasalamin ng paghihintay ng mga Lasalyano sa pagdating ng mga magsasaka ang pahirapan at matiyagang pag-aasam ng sambayanang Pilipino ng pag-asang mag-aangat sa lahat mula sa mga suliraning bumabalot sa lipunan ngayon.
Sa gitna ng mainit na pagsalubong ng pamilyang Lasalyano sa Sumilao farmers sa De La Salle Santiago Zobel School, ipinaramdam ng dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon na si Br. Armin Luistro sa bawat isa ang bukal ng pag-asang busilak mula sa diwa ng mga magsasakang naglakbay mula Sumilao. Inihayag ni Luistro sa kaniyang paunang salita ang kaniyang paghanga sa napakahirap na paglalakbay na isinagawa ng mga magsasaka. “Isa po naming inspirasyon, ay kayo, mga Sumilao farmers,” aniya, habang masinsinang sinusulyapan ng mga nakikinig ang pagod na makikita sa mukha ng mga magsasaka dulot ng kanilang martsa.
Pinaramdam din ni Luistro ang kaniyang simpatiya at suporta sa pangunahing ipinaglalaban ng Sumilao farmers; ang pag-angat ng kanilang sektor patungong kariwasaan sa pamamagitan ng pag-asang magmumula sa maayos na pamumuno ng gobyerno at pagbubuklod ng taumbayan. Dagdag pa niya, “. . . ang laging huling nakikinabang ay ang mga magsasaka.” Sa halip na protektahan at bigyang-pugay sa kanilang trabaho, nagawa pa ring maliin ang mga magsasakang Pilipino ng mga nakaraang administrasyon, polisiya, at ilang mga pribadong sektor. Bunsod nito, patuloy na iminumungkahi’t ipinaglalaban ng mga magsasaka ang hustisya’t pantay na karapatang marapat para sa kanila.
Matapos salubungin ni Luistro ang mga magsasaka, nabigyan ng pagkakataong marinig ang boses ng kasalukuyang chairperson ng Pambansang Kilusan ng Samahang Magsasaka, na si Noland Peñas. Sa talumpati ni Peñas, mayroong siyang tatlong puntong ibinahagi ukol sa kanilang 40 araw na paglalakad, na nagsisilbing kolektibang boses ng Sumilao farmers.
Aniya, “Unang-una, kami ay nakikiisa sa apat na milyong pamilyang magsasaka na patuloy na nagugutom at naghihirap.” Isa sa mga sektor na naghihirap sa kasalukuyan ang sektor ng agrikultura, kaya naman patuloy ang pambansang panawagan ng mga magsasaka na magkaroon ng tsansang mabuhay nang maginhawa at umangat sa kani-kanilang kasalukuyang estado. Isa ito sa mga ipinaglalaban ng lahat ng mga magsasakang Pilipino na nagnanais ng mas patas na kita at suweldo. Bukod pa rito, ipinaglalaban din ng Sumilao farmers ang mga lupaing ipinagkait sa kanila. Binigyang-diin din ni Peñas na 25% lamang ang kontroladong lupain ng mga magsasaka. Isa ang land ownership sa mga ipinaglalaban ng mga Sumilao farmers. Gaya ng ibinahagi ni Luistro, nakikiisa ang pamilyang Lasalyano sa mga adhikain ng Sumilao farmers upang makamit at mapalaganap ang pag-asa’t hinaharap na kanilang inaasam.
Pangalawang punto ni Peñas ang pakikiisa ng taumbayan. “Kami po ay nakikibahagi at nakikipagkuwentuhan sa mga lahat na magigiting na volunteers,” pagbabahagi niya. Sa pamamagitan nito, napaiigting ng kanilang adbokasiya, dedikasyon, at mga kuwento ang inspirasyon sa diwa ng mga taumbayang nagbubuklod upang maipalaganap ang magandang kinabukasan para sa lahat ng sektor.
Huling punto ni Peñas ang pinaglalaban nilang tapat na demokrasya; inihayag niyang ang pagtatag ng isang gobyernong tapat ang maaaring makapag-angat sa buhay ng lahat. Dito masasabi na pinakaimportanteng sangkap sa konsepto ng pag-asang ibinahagi nina Luistro at Peñas ang gobyernong may malasakit sa lahat ng sektor, sapagkat sila ang may kakayahang magtatag ng mga polisiyang tutulong sa estado ng mga magsasaka sa bansa. Naniniwala ang Sumilao farmers, bilang isang kolektiba, na sa gobyernong tapat magmumula ang solusyon sa pangunahing mungkahi ng mga magsasaka; ang pag-angat ng kanilang sektor patungong kariwasaan.
Tungo sa pagyabong ng binhing ipinunla
Sa isang hiwalay na panayam sa mga estudyanteng hurno mula sa Pamantasang De La Salle (DLSU) at De La Salle University – Dasmarinas (DLSU-D), pinalawig ni Peñas ang diskusyon ukol sa karanasan ng mga magsasaka, gayundin ang adbokasiya ng Sumilao farmers. Aniya, isa sa mga problemang kinahaharap ng mga magsasaka sa kasalukuyan ang mahal na presyo ng inputs na nagdudulot ng mataas na halaga ng production cost na tumataliwas naman sa dami ng nabebenta nilang produkto. “[Mahal] ang inputs kasi ngayon nag-fluctuate [ang] fertilizers, 300% ang kaniyang pag-increase ng presyo at bunsod din ng pagtaas ng presyo ng gasolina,” ani Peñas. Dagdag pa niya, dagok din nila sa kasalukuyan ang kawalan ng subsidiya mula sa gobyerno.
Inilahad din niyang sa kabila ng malaking pondo sa sektor ng agrikultura, maliit na porsyento lang nito ang napupunta sa mga magsasaka dahil sa pamumulitika at devolved na sistema ng agrikultura. Pagsisiwalat niya, “Halimbawa, galing sa national, pupunta sa regional director, tapos pupunta sa mga provincial governors at mayors. So ibig sabihin niyan, pag na-politicize, hindi lahat ng magsasaka ay nakakatanggap.”
Dahil sa mga suliraning kinahaharap nila, ipinapanawagan ni Peñas na magkaroon na ng overhaul sa sistema ng agrikultura, gayundin ang maitaguyod ang iba’t ibang sektor, tulad nilang magsasaka. Pagbabahagi niya, “Itong kami nga, sa PAKISAMA [Pambansang Kilusan ng mga Magsasaka], dahil organisado kami, meron kaming farming associations at kooperatiba, at ’yun ay nakakatulong nang malaki para mag-access ‘no, mag-claim ng pondo sa mga local government units dahil organisado kami, pinakikinggan ka. So mas maganda, maigi talaga ‘yung 80% ng magsasaka natin ay i-organize natin at i-empower.”
Sa pagtapak ng Sumilao farmers sa Maynila, hangad nilang malibot ang buong rehiyon upang hikayatin ang mga mamamayang bumoto nang tama. Naniniwala si Peñas na mahalagang gawin ito lalo na sa mga siyudad dahil maraming residente sa rehiyon ang nanggaling sa mga probinsya. “Ibig sabihin, ‘yun ‘yung mga iniwan ang mga sakahan dahil hindi nga nakikitang buyable ‘yung [pagsasaka] kaya nga rin ‘yung mga kabataan ay ano umaalis din, umaalpas ‘no, nagbabakasakali sa ibang bansa at pagtanda o kaya’y baldado na’y nakakapag-isip nang magsaka kaya mas mahalagang ipatindi sa kanila na ang influx ng kahirapan sa [urbans] ay galing sa kahirapan sa kanayunan,” pagpapaliwanag niya.
Pangarap na kariwasaan
Pag-asa ang naging tanging puhunan ng Sumilao farmers sa labang kanilang dinadanas. Sa gitna ng init at hirap, nagawa nilang bitbitin sa daan ang inspirasyong isinukli sa kanila ng mga taong kanilang nakasasalamuha. Hinihiling ni Peñas, bilang kinatawan ng Sumilao farmers, na ipatuloy ang people engagement sa oras na maupo sa puwesto ang mga susunod na lider ng bansa. Aniya, “. . . Kapag malakas ang participation ng mga mamamayan sa pag-go-gobyerno, malamang magkakaroon tayo ng isang tunay na pagkakaisa.”
Sa martsa ng pag-asa na isinagawa ng Sumilao farmers, makikita ang dedikasyon ng mga Pilipino na nangangarap at sabay-sabay na ipinaglalaban ang karapatan nilang mabuhay sa ginhawa. Sa bawat tagaktak ng pawis, kalyo sa paa, at sugat na natamo sa 40 araw ng paglalakad ng mga magsasaka, nariyan ang magsisilbing marka ng kanilang pakikipaglaban para sa kariwasaan hindi lamang ng kanilang sektor, kundi pati na rin ng sambayanang Pilipino.