BINIGYANG-DIIN ang kakayahan ng agham at teknolohiya na tugunan ang lumalalang krisis sa bansa sa ginanap na webinar na “National DOST Scholars’ Summit 2022: Transcending Resonance,” Abril 24. Bilang ikalawang bahagi ng tatlong araw na webinar, layon ng programang EXPLORE na ibida ang mga hindi kilalang larangan sa konsepto ng agham.
Hangganan ng pagkakasadlak
Mahigit dalawang taon na ang nakalipas simula nang malugmok ang Pilipinas bunsod ng pandaigdigang krisis pangkalusugan na COVID-19, at patuloy na haharapin ito ng bansa dahil sa inaasahang pagdami ng variant nito, ayon kay Dr. Leodevico Ilag, direktor ng Philippine Asia Biotechnology.
“. . . as a biological species, their goal is to be able to propagate and go forth and multiply and be able to adapt through generations and prevent itself from getting extinct,” paliwanag ni Ilag.
Malala man ang banta ng naturang virus sa kalusugan ng bawat isa, nilinaw ni Ilag na maaari itong maagapan sinimulan na itong puksain habang maaga pa lamang. Bagamat nagpapakita na ng sintomas at impeksyon ang virus sa katawan sa unang pitong araw, malabo aniyang may mamatay sa ilalim ng Viremic phase o ang pagdaloy ng virus sa ugat ng dugo. Nagiging problema lamang ito kapag aabot ang indibidwal sa Pulmonary phase at Severe phase sapagkat maaari na siyang makaranas ng kahirapan sa paghinga, paglala ng impeksyon, at iba pang sintomas na tinatamaan ang inflammatory tract.
Bukod sa epekto nito sa kalusugan, isiniwalat din ng propesor ang realidad sa mabilis na pagkalat ng sakit sa katawan. Ipinaliwanag niyang may kakayahan ang isang viral particle na impeksyonan ang isang cell particle at makalikha ng 1,000 virions o kumpletong virus na may RNA o DNA sa loob lamang ng 12 oras at isang bilyong virions sa loob lamang ng dalawang araw.
Paliwanag ni Ilag, “. . . after 48 hours, given these assumptions, you could have about 300 thousand to 30 million variants arising from just one viral particle. . . so if we have a person having this virus replicating for seven days, which is the typical progression a single person, you could have imagined the variants that a single person can generate.”
Sa kabila ng pagkakaroon ng bakuna kontra COVID-19, inilantad niyang kahit non-sterilizing ang mga ito at kayang pahinain ang epekto ng virus sa katawan walang daw umano itong kakayahan na pigilan ang pagdami ng virus sa katawan. Kaugnay nito, ipinaalala niya sa lahat ng tagapakinig na posible pa ring makaramdam ng sintomas at kinakailangan itong magamot upang maiwasang dumagdag sa patuloy na pagdami ng variant ng COVID-19. Dagdag pa rito, naniniwala siyang hindi epektibo ang kasalukuyang hakbang ng gobyerno upang puksain ang pagkalat ng naturang sakit sa bansa sapagkat wala pa ring ganap na solusyong makapagpapatigil sa pagdami at pagbuo ng mga panibagong variant.
Paglinang sa nakaligtaang potensyal
Sa usapin naman ng industriya ng enerhiya, pangunahing ginagamit ng mundo ang fossil fuels. Buhat ng madalas na paggamit nito, naging sanhi ang fossil fuels sa lumalalang isyung pangkapaligiran, tulad ng pagtaas ng temperatura ng daigdig at polusyon sa hangin. Hindi maikukubling isa sa pangangailangan ng lipunan ang enerhiya upang matugunan ang pang-araw-araw na gawain. Gayunpaman, hindi ito sapat na dahilan upang ipagpalit ang kapakanan ng kalikasan para sa kabuhayan ng mamamayan.
Nagbigay ng alternatibong pagmumulan ng enerhiya si Dr. Carlo Arcilla, direktor ng Philippine Nuclear Research Institute, upang patuloy na matustusan ang pangangailangan ng mundo sa enerhiya na hindi makasasama sa kalikasan. Aniya, magandang alternatibo ang nuclear na enerhiya sapagkat ito ang pinakamalinis na mapagkukuhan ng enerhiya dahil hindi ito nagbubuga ng masasamang kemikal, partikular na ang carbon. Bukod pa rito, mas mura din ang nuclear na enerhiya kompara sa ibang alternatibong pagmumulan ng enerhiya, tulad ng solar na enerhiya. Malaki rin ang density energy ng nuclear na enerhiya na nangangahulugang mas malaki ang maibibigay nitong enerhiya kompara sa iba.
Pinabulaanan din ni Arcilla ang mga negatibong sentimyento ng masa hinggil sa nuclear na enerhiya. Madalas maihalintulad ang naturang enerhiya bilang isang uri ng bomba o pagmumulan ng nakamamatay na radyasyon. Malaki ang impluwensiya ng midya sa paghubog sa kaisipang sanhi ng malawakang destruksyon ng isang lugar. Ayon kay Arcilla, sumasagabal ang mga naturang pagtingin sa pagtangkilik ng masa sa potensyal ng nuclear na enerhiya.
Bagamat ginamit itong bomba noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, natuklasan na maaaring nitong tugunan ang pangangailangan sa enerhiya. Dagdag pa rito, nag-ugat naman ang negatibong kaisipan sa mapanganib na radyasyon mula sa nuclear na enerhiya bunsod ng kakulangan sa kaalaman sa nuclear na teknolohiya at sa epekto ng pagsusuri sa nuclear weapons.
Batay sa datos ng Department of Energy, sinusuportahan ng 79% ng mga Pilipino ang paggamit ng nuclear na enerhiya. Pangunahing dahilan nito ang mataas na bayarin sa kuryente ng bawat tahanan. Bilang tugon, iminungkahi ni Arcilla na maaaring payabungin ang industriya ng nuclear na enerhiya sa bansa, partikular na ang paggamit ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na matagal nang nakasara at hindi kailanman nagamit nang mapababa ang gastos ng bawat pamilya sa kuryente.
Itinanggi ni Arcilla ang argumentong mapanganib ang BNPP bunsod ng lokasyon nito. Batay sa kaniyang pag-aaral, walang aktibong fault line sa ilalim ng BNPP kaya hindi ito dapat alalahanin ng masa. Bukod pa rito, binanggit ni Arcilla na walang saysay ang pagkabahala sa pagsabog ng mga bulkan sa pagitan ng lokasyon ng BNPP sapagkat hindi aktibo ang mga ito.
Sa huli, nanindigan si Arcilla na ang pagbubukas ng BNPP ang pinakamainam na solusyon sa pagpapatibay ng industriya ng enerhiya sa bansa. Mula nang magsara ito, malaking pagkalugi ang hinarap ng bansa sa ekonomiya at paggamit ng enerhiya. Aniya, ang paglinang sa nuclear power plant ng bansa ang magiging daan para sa paggaan sa pasanin ng gastusin sa kuryente ng mga mamamayan, gayundin ang pagyabong ng ekonomiya ng bansa.
Pamamayagpag ng makabagong sistema sa teknolohiya
Mula nang sumailalim ang mga mamamayan sa pagsubok ng pandemya, iba’t ibang solusyon ang lumitaw upang matugunan ang mga suliraning dala nito. Kabilang ang kabuhayan at ekonomiya sa lubos na naapektuhan sa pandemya. Isa sa mga hakbang upang maitawid ang pangangailangan sa salapi ang pakikipagkalakan gamit ang cryptocurrency, partikular na ang Bitcoin. Tinalakay ng founder at chief executive officer ng Philippine Digital Asset Exchange na si Nichel Gaba na madali ang proseso sa pakikipagkalakalan ng cryptocurrencies, tulad ng Bitcoin bunsod sa blockchain technology.
Taliwas sa karaniwang sistema sa teknolohiya na gumagamit ng central servers ang blockchain technology. “The innovation behind Bitcoin or blockchain technology is actually decentralized databases, meaning there is no person in control of the database because the database is stored in many different nodes,” paliwanag ni Gaba.
Bukod sa Bitcoin, marami rin sa kasalukuyan ang gumagamit ng non-fungible token (NFTs) at mga play to earn games, gaya ng Axie Infinity, upang kumita ng pera. Sa katunayan, sa paglipas ng taon, nagiging mas malinaw sa lahat ang proseso at tuntunin sa mundo ng cryptocurrency. Buhat ng patuloy na pamamayagpag ng cryptocurrency, inaasahan ni Gaba na dadami ang tatangkilik rito at lalong madaragdagan ang inobasyon sa blockchain technology.
Sa patuloy na pagsikat ng blockchain technology at inobasyon nito sa darating na mga taon, inaasahan ni Gaba na maaari nitong buwagin ang naghaharing sistema sa mga negosyo, kompanya, at merkado. Isa sa halimbawa na magpapakita nito ang posibilidad ng mga kanta na maging NFTs na siyang makaaapekto sa serbisyo na inihahandog ng mga kompanyang nasa industriya ng audio streaming.
Sambit ni Gaba, “If we can tokenize music, to the point we can freely pay the token and gas fee gets paid out and transferred to the artist, probably that would. . . provide more income to the artist and consumers get to save a lot.”
Iminungkahi rin ni Gaba na malaking tulong ang blockchain technology sa pangangasiwa ng pambansang sistema ng pagkakakilanlan sa bansa. Aniya, sa decentralized na sistema ng blockchain technology, mas madali ang pakikipag-ugnayan ng mga mamamayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Bukod pa rito, maiiwasan din ang panganib ng mga pederal na krimen na may kinalaman dito tulad ng pagnanakaw ng identidad sapagkat mas ligtas at epektibo ito kompara sa centralized server na madalas maging biktima ng mga hacker.
Sa konteksto naman ng halalan, binanggit ni Gaba na maiiwasan ang dayaan sa resulta ng halalan dahil sa decentralized database na malayong maging biktima ng hacking, tampering, at pagnanakaw ng identidad.
Sa gitna nang mapanghamong panahon at mga magkakaugnay na krisis dulot ng pandemya, higit na mas kailangan ang mga modernisadong solusyong nakaangkla sa siyensya. Wala ng puwang upang muling talikuran at pagkaitan ang sektor na makapaghahabi ng kinabukasang umaahon sa problemang pinansyal, kalusugan, kahirapan, at iba pang isyung panlipunan.