BINIGWASAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang Adamson University (AdU) Soaring Falcons upang selyuhan ang puwesto sa final four, 64-51, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Abril 28, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Umarangkada para sa koponang berde at puti si Deschon Winston matapos umukit ng 19 na puntos, limang rebound, dalawang assist, dalawang steal, at isang block. Umagapay naman sa naturang player of the game si Evan Nelle na nakapagtala ng 11 puntos, limang rebound, dalawang assist, at dalawang steal. Nagpamalas din ang batikang guwardiyang Kurt Lojera nang pumukol ng sampung puntos, tatlong rebound, at isang assist.
Sa kabilang banda, pinangunahan nina Jerom Lastimosa ang AdU matapos makapagtala ng 11 puntos, apat na rebound, at tatlong assist. Naging kasangga niya si Ricky Peromingan na may 11 puntos at walong rebound. Tumulong din sa pag-ambag sa baraha si Jose Manuel Sabandal na may walong puntos, apat na rebounds, at dalawang assist.
Nag-aalab na binuksan ng DLSU Green Archers ang bakbakan sa pagbida ng jumper ni Michael Phillips, 3-all. Gayunpaman, hindi ito nagtagal at umalagwa ang AdU sa kanilang opensa. Bago matapos ang unang yugto, nakapag-ambag muli si M. Phillips ng dos, 10-11. Tila hirap makabuno ng puntos ang magkabilang koponan sa unang yugto at tuluyang natapos sa iskor na 13-12, pabor sa DLSU.
Sa pagbubukas ng ikalawang kwarter, nagliyab ang mga galamay ni CJ Austria matapos umukit ng tres, 18-all. Rumatsada rin sa loob ng arko ang tambalang Nelle at Winston, 25-21. Hindi rin nagpaawat ang Soaring Falcons at gumuhit ng tres bago matapos ang ikalawang yugto, 27-26. Sa kabila ng ipinamalas na liksi ni Bright Nwankwo na may apat na puntos at apat na block, nakapagtala ng 12 turnover ang pambato ng Taft sa first half.
Umarangkada si Winston sa simula ng ikatlong kwarter matapos makaukit ng magkakasunod na puntos upang iangat sa walo ang kalamangan, 34-26. Sa kabila ng pag-alab ng Fil-Am forward, agad humupa ang apoy ng Taft-based squad matapos magpaulan ng dalawang tres ang mga batikang Soaring Falcons Lastimosa at Peromingan, 34-32. Hindi naman nagpatinag si Winston dito at agad siyang nagtala ng puntos upang maiangat pa ang kalamangan, 36-32.
Mainit naman ang naging banggaan ng dalawang koponan sa nalalabing oras ng ikatlong kwarter. Lumitaw ang husay ni Lenda Douanga sa free throw line na lalong nagbukas ng pintuan upang makadikit ang Soaring Falcons sa umaatikabong Green Archers.
Umagapay rin ng isang nakamamanghang lay-up si Joem Sabandal na nagpababa ng kalamangan ng DLSU sa dalawa, 42-40. Hindi rin nagpahuli si Lastimosa matapos niyang magpamalas ng bagsik sa labas ng arko sa pagtatapos ng ikatlong kwarter, 43-all.
Agad na lumiyab ang mga daliri ni Nelle nang buksan niya ang ikaapat na kwarter matapos ipasok ang dalawang mid-range jumpers, 47-43. Sumabay sa pag-arangkada ni Nelle ang kapitang Balti Baltazar matapos magpamalas ng hook shot sa paint, 49-43. Lumantad rin ang kanilang mahigpit na depensa na nagpahirap sa Soaring Falcons na makapuntos. Sinundan pa ito ng pagiging epektibo ni Winston sa pagpasok ng kaniyang mga free throw.
Inulan naman ng foul trouble ang Soaring Falcons na nagsara ng pintuang makahabol sa Green Archers. Bunsod nito, nasamantala ng Taft-based squad ang paglilikom ng puntos sa free throw line.
Agad ring ipinaramdam ni Baltazar ang kaniyang opensa nang araruhin ang paint at makaukit ng puntos na may kasama pang foul upang iangat sa sampu ang kalamangan, 57-47. Sinundan naman ito ng dalawang free throw nina Lojera at Winston upang selyuhan ang panalo, 64-51.
Matapos ang panalo, ibinahagi ni Derrick Pumaren ang kaniyang naramdaman sa pagkapanalo ng DLSU Green Archers. “It was a total team effort for the whole team. Finally, it’s official that we made it to the Final Four. It was a good win for us, and we know that it wouldn’t be easy,” wika ng head coach ng koponan.
Ikinagagalak naman ni Winston ang kanilang panalo kontra AdU Soaring Falcons. Aniya, “I’m happy about the win but it is the beginning, small celebration, small step. We have more to accomplish as a team.”
Matapos masungkit ang puwesto sa Final Four, masusubukan muli ang lakas at tikas ng DLSU Green Archers kontra NU Bulldogs sa Linggo, Mayo 1, sa ganap na ika-4:30 ng hapon.
Mga Iskor:
DLSU: Winston 19, Nelle 11, Lojera 10, Austria 6, Baltazar 6, M. Phillips 4, Nwankwo 4, Manuel 2, B. Phillips 2
AdU: Lastimosa 11, Peromingan 11, Sabandal 8, Zaldivar 7, Douanga 6, Manzano 4, Hanapi 4
Quarterscores: 12-13, 27-26, 43-43, 64-51.