OPISYAL NANG ILULUNSAD ng Pamantasang De La Salle ngayong akademikong taon ang mala-sinehang flex classrooms na magsusulong ng mas nakasisiyang karanasan para sa mga Lasalyano. Batay sa anunsyo ng Vice Chancellor for Academics (VCA), bibigyang-oportunidad nito ang mga estudyante na matuto at maaliw sa tatalakaying paksa ng mga propesor.
Tungo sa nakawiwiling pagkatuto
Sa naging panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA), ibinahagi ni VCA Rolleif Rolita na nakuha nila ang ideya ng mala-sinehang flex classrooms sa pelikulang The Exorsis. Aniya, nakita nila ang tuwa at pananabik ng mga kabataan sa pelikula kaya napagdesisyunan nilang ilapat ito sa pag-aaral ng mga Lasalyano.
Sinimulan nila ang pagpaplano nitong buwan ng Enero sa pamamagitan ng mga pagpupulong at konsultasyon sa mga eksperto. Bumuo rin sila ng mga flowchart hinggil dito upang maging maayos ang daloy ng paglulunsad ng proyekto.
Inilahad naman ni Rolita na malayang pumili ang mga estudyante sa paraan ng pakikilahok sa flex classrooms. Maaari silang pumunta mismo sa Pamantasan o makisali sa klase gamit ang mga online na plataporma. Wika pa niya, “Flex classrooms are our way of coping with the new normal. This is to ensure that DLSU’s face-to-face classes, even though late, will resume better and stronger than other schools.”
Ipinabatid naman ni Rolita na bagamat naging makabuluhan ang kanilang paghahanda para dito, nagkaroon pa rin sila ng mga problema sa kabuuang proseso. Aniya, kinailangan nilang maglabas ng malaking pondo para sa mga kagamitan sa loob ng silid, tulad ng mga kamera, speaker, upuan, at blackout curtains.
Dagdag pa niya, “We also had to make a new committee to handle this which we call “Eye of the Archer Watching through the Fire” to review or classify all the sessions before showing it to the students.” Responsibilidad din nitong suriin ang mga sesyon ayon sa tatlong klasipikasyon: Makikinig o babagsak ka, Matulog ka na lang, o Uwi ka na sayang oras.
Inaasahan naman ni Rolita na magiging malaki ang tulong ng flex classrooms sa estado ng edukasyon kaya’t hangad niyang gawin din ito ng ibang mga paaralan upang mas mahimok ang mga estudyante na mag-aral nang maayos.
I saw the sine sa Pamantasan at tahanan
Ipinahayag naman ng mga departamento at opisina ng Pamantasan sa BUKAKA ang kanilang suporta para sa pagsusulong ng flex classrooms. Kaugnay nito, nakipag-ugnayan sila sa VCA upang mailatag ang mga tuntunin sa loob ng mala-sinehang silid-aralan.
Sakaling piliin ng mga estudyante na dumalo sa mga klase sa Pamantasan, kinakailangan muna nilang ipakita ang kanilang Enrollment Assessment Form na magsisilbing tiket sa pagpasok sa silid at pagkuha ng mga pagkain sa mga kainan sa loob ng Pamantasan. Ani Rolita, hindi maaaring dumalo ang mga estudyanteng walang tiket.
Isinulong din nila ang patakarang magdala ng mga kumot at unan sa loob ng silid upang maiwasan ang agawan at hiraman. Maaari din silang magdala ng kani-kanilang mga pagkain at inumin na galing sa labas subalit, may kaakibat na corkage fee.
Magkakaroon naman ng dalawang kamera at speaker sa loob ng flex classrooms para sa kapakanan ng mga estudyanteng sine from home. Ibinahagi ni Rolita na para sa mga ganitong sesyon, kailangan lamang buksan ng mga estudyante ang kanilang kamera upang masigurong nakikinig o nanonood sila.
“It is significant for us to also give the same benefits of flex classrooms to those who choose to attend online so we decided to give some vouchers where students can buy the food they want while watching the sessions,” sambit ni Rolita ukol sa planong pagpapadala ng food voucher para sa mga estudyanteng nasa sine from home.
Carps sa mala-sinehang silid
Nabigyan din ng pagkakataon ang BUKAKA na makapanayam ang ilang estudyante upang ibahagi ang kani-kanilang pananaw at mga mungkahi hinggil sa plano ng Pamantasan.
Pagbabahagi ni Juan Leizi, ID 118 mula sa AB Communication Arts, higit na mapauunlad ng flex classrooms ang kanilang kasanayan sa kurso at mapabubuti ang kanilang husay sa pag-aaral. Kaugnay nito, iminungkahi niya na ipalabas ng mga propesor ang mga teaser o trailer upang magsilbing patikim sa talakayan.
Hindi naman ikinasisiya ng ilang estudyante ang proyektong ito buhat ng kaakibat nitong paglabag sa kanilang mga karapatan, tulad ng pagtulog sa gitna ng klase at paggawa ng ibang gawain. Saad ni Sleepy Boi, ID 119 mula sa BS Manufacturing Engineering and Management with Specialization in Mechatronics and Robotics Engineering, mahahadlangan ng mga polisiya ang pagkakataon ng mga estudyante na matuto nang maayos at maituon nang husto ang atensyon sa pinag-aaralan.
Kaugnay nito, umaasa rin si Beige Napeke, ID 121 Human Biology, na babaguhin ang University Dress Code alinsunod sa plano ng Pamantasan. Aniya, mas makabubuti kung pahihintulutan ang pagsusuot ng damit-pantulog upang makagalaw nang may kaginhawaan sa kabila ng napakaraming gawain.
Sa huli, sinisigurado ng University Student Government (USG) na magiging maayos ang transisyon ng mga mag-aaral tungo sa bagong set-up. “We will conduct DP Blasts and surveys to ensure that all Lasallians are well-aware of this project,” diin ni USG President Bosch Dior Dinuh.