Plus minus lang naman ang Accountancy eh.
Kumuha ka nalang ng Architecture, drawing-drawing lang ‘yun.
Bobo ka sa Math ‘di ba, mas bagay sa’yo PolSci.
Mga kaisipan ni Juan na patuloy na bumabalot sa lipunang mapanghusga. Kaisipang dala ang kalbaryo sa bawat batang nangangarap makamit ang ambisyon sa buhay. Dahil sa ‘di matuwid na palagay ng iilan at matinding impluwensiya ng globalisasyon, nagsilbing batayan ng katayuan sa bansa para sa kaniya ang programa sa kolehiyo. Juan, isang malaking kabaliwan.
Saksi ang aking kamusmusan sa ‘di makatarungang at makitid na pag-iisip sa pagkuha ng kurso sa kolehiyo. Ang bayang hirap makipagsabayan sa mga progresibong bansa, tulad ng Singapore ang siyang tumuring sa Matematika at Agham bilang pangunahing basehan ng tagumpay sa buhay. Pinalala ito ng mababang pasahod at hindi sapat na pagkilala sa sining at ibang pag-aaral na may malaking gampanin sa bawat mamamayan.
Sa panahon ng pagpili ng kurso para sa tersiyaryong edukasyon, samu’t saring masasahol na komento ang ibinato ni Juan sa mga pinaniniwalaang programang tapunan ng mga mahihina ang ulo. Tila bang nadidikta ng mga nagmamagaling ang kinahinatnan ng ating mga desisyon at mistulang isang kahihiyan ang pagtahak sa rutang ‘di kilala ng nakararami.
Dagdag pa niya, “May pera ba dyan o sadyang bobo ka?” Halo-halong emosyong binubuo ng masidhing pagkagalit at malalim na pagkadismaya ang puminta ng aking mukha. Juan, ba’t ka nagka-ganiyan?
Isang malutong na sampal at walang habas na pagdungis sa mga propesyon, tulad ng pagtuturo at arkitektura ang katagang binitawan ni Juan. Isang kabalintunaan na isiping sa likod ng matatagumpay na tao, kung hindi lahat, ang gurong nagpamana ng karunungan at naging modelo ng mabuting asal. Habang ang mga nagsisilakihang gusaling pinasyalan ni Juan ay gawa ng isang arkitekto.
Nilalapastangan ng mga kinasanayang kaisipan ang kahalagahan ng bawat kurso. Hindi makatarungang sambitin ang lantarang panliliit, panlalait, at pagtapak sa kurso ng iba at lalong hindi sapat na pamantayan ang ating pinag-aralan sa ating pagpapakatao at pagkakakilanlan upang maging isang katalista ng pagbabago. Kung ganoon sana ang basehan, hindi mangyayari ang mga karumal-dumal na krimen at walang magugutom na paslit sa gilid ng kalsada.
Sinasalamin ni Juan ang pagkakaroon ng saradong pag-iisip ng mga Pilipino na humadlang sa ilang dekadang mga kabataang hindi malayang makapili ng napupusuang kurso. Dulot ng kaganapang ito, nagpatuloy ang paghahari ng mapagmataas na kaisipan ni Juan na kumulong sa atin sa isang siklo ng kalokohan.
Bagamat unti-unting naglalakas-loob ang bagong henerasyon upang mapuksa ang naturang kaisipan, hindi alintana na mananatiling hamon ang presensya ni Juan.
Isa ka ba sa mga tulad ni Juan?