NABIGO ang De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 62-67, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Abril 26, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nanguna para sa Green Archers si Evan Nelle nang makapagtala ng 15 puntos, pitong board, at limang dime. Nagpasiklab din si Justine Baltazar nang makapagtala ng 13 puntos, 16 na rebound, at tatlong assist para pangunahan ang Green Archers.
Humugot naman ng puwersa ang Tamaraws mula sa kanilang star point guard RJ Abarrientos matapos umukit ng 21 puntos, tatlong rebound, at dalawang assist. Nakapag-ambag din sa kartada si Xyrus Torres na may 14 na puntos at tatlong rebound. Bunsod ng kanilang pagkapanalo, nakamtan ng FEU ang solong ikaapat na puwesto sa team standings hawak ang 6-6 panalo-talo kartada.
Mainit na binuksan ng Tamaraws ang laro sa pangunguna ni LJ Gonzales matapos pagbidahan ang pagkuha ng kalamangan sa unang yugto, 2-7. Inalalayan din ni Torres ang koponan sa pamamagitan ng tres, 3-10. Bumida naman para sa Green Archers si Nelle nang tumikada ng tres upang idikit ang iskor, 6-10. Gayunpaman, lumobo pa lalo ang kalamangan ng Tamaraws matapos paliguan ni Abarrientos ng magkasunod na tres ang katunggali, 13-23.
Sa pagbubukas ng ikalawang kwarter, sinubukang ibaba ni Emman Galman ang kalamangan sa sampung puntos, 17-27, ngunit hindi mapigilan ang pagliyab ng kamay ni Torres sa kaliwang kanto matapos magpakawala ng tres, 17-30.
Patuloy na ginasgasan ng Tamaraws ang naghihingalong depensa ng katunggali matapos magsalpak ng tres ni Patrick Sleat, 24-35, na sinundan pa ng dos ni Royce Alforque, 24-37. Sa kabila ng malaking kalamangan, humirit pa ng tres si Baltazar bago matapos ang ikalawang kwarter, 29-42.
Pagpasok ng ikatlong yugto ng laro, tila nag-iba ang ihip ng hangin para sa mga alas ng Taft nang rumatsada agad si Nelle at pumukol ng isang three-point shot para maibaba ang kalamangan ng FEU sa sampu, 32-42. Bukod kay Nelle, agad-agad ding nagpakawala sina Baltazar at Kurt Lojera ng walong magkakasunod na puntos para makagawa ng 11-0 run para mapalapit sa kartada ng mga Tamaraws, 40-42.
Sa kabila nito, hindi nagpatalo si Emman Ojuola nang maipasok ang apat na magkakasunod na free throw para maiangat ang kanilang kalamangan, 42-46. Gayunpaman hindi pa rin tumigil na umukit ng puntos si Baltazar para maibaba sa isa ang kalamangan ng FEU, 46-47. Pumukol din ng tres si Nelle para maibulsa ng Green Archers ang dalawang puntos na kalamangan sa pagtatapos ng ikatlong yugto, 49-47.
Pagdating ng huling yugto, pumukol agad ng tres sina Torres at Abarrientos para makuha muli ang lamang, 51-53. Tila nagkaroon ng sagutan ang Tamaraws at Green Archers dahil ayaw nilang magpatalo nang magpakawala ng apat na magkakasunod na puntos si CJ Austria para maitabla ang laro, 55-all. Gayunpaman, nakuha pa ni Gonzales ang kalamangan para sa FEU nang makagawa siya ng two-pointer, 55-57.
Mabilis namang nakabawi ang dynamic duo Abarrientos at Torres matapos uminit muli ang kanilang mga kamay at nagpakawala ng anim na magkakasunod na puntos para maiakyat ang kalamangan sa apat, 59-63. Dinagdagan pa ito ni Sleat na nagpanalo sa FEU, 62-67.
Susubukan muli ng Green Archers na makuha ang ikatlong puwesto para sa final four kontra Adamson Soaring Falcons sa darating na Huwebes, Abril 28, ika-12:30 ng hapon, sa MOA Arena.
Mga Iskor:
DLSU 62: Nelle 15, Baltazar 13, Lojera 10, M. Phillips 7, Nwankwo 6, Nonoy 4, Austria 4, Cuajao 3
FEU 67: Abarrientos 21, Torres 14, Sleat 10, Gonzales 9, Ojuola 4, Sajonia 3, Alforque 2, Tempra 2, Celzo 2
Quarterscores: 25-15, 42-29, 47-49, 67-62