MALIGAMGAM ang naging panimulang aksyon ng ilang sumabak na koponan sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament matapos ang unang yugto ng bakbakan. Gayunpaman, solong napaghaharian ng Ateneo De Manila University (ADMU) Blue Eagles ang sagupaan dulot ng maayos at polidong sistema ng paglalaro.
Sa nalalapit na pagsasara ng elimination round, marami pang kapana-panabik na mga laro ang maaaring magpabago sa ihip ng hangin sa hardcourt. Makaaakyat na kaya sa semifinals ang De La Salle University (DLSU) Green Archers matapos ang sunod-sunod na pagkalapag nito sa ikalimang puwesto noong Season 81 at Season 82?
Umubra na bagong sistema sa unang yugto
Sa unang laban pa lamang ng Blue Eagles sa torneo, agad na nitong isinalang ang taglay na husay bitbit ang European na istilo ng paglalaro na sistema ng kanilang head coach Tab Baldwin. Bunsod nito, naging epektibo at mabilis ang ball movement ng koponan na nagbibigay ng puwang sa mga guwardiya nito. Buhat ang epektibong sistema ni Baldwin, naglista ang Blue Eagles ng 45% sa field goal mula sa kabuuang 17 assist sa season opener nito kontra University of the Philippines (UP).
Sa kabilang banda, nakuha ng UP Fighting Maroons, kasalukuyang pumapangalawa sa team standings, kamakailan ang puwesto sa semifinals ng serye bitbit ang 9-2 record. Kaakibat nito, nagsilbing tanglaw ng koponan ang mga bagong saltang sina small forward Carl Tamayo at Zavier Lucero na matatandaang nagposte ng 50.77% at 71% 2-point field goals sa unang yugto ng torneo.
Humahabol din sa kartada ang host team DLSU na nasa ikatlong puwesto dala ang 7-4 panalo-talo kartada. Patuloy na pinapanday ng koponan ang matangkad nitong lineup kasabay ang pagsabak muli ni Gilas talent Balti Baltazar na dinomina ang paint mula sa kaniyang 39% field goals, habang umaagapay para sa scoring department si Evan Nelle na may 38.64% efficiency mula sa three-point line.
Hamon sa pagkamit ng korona
Nasadlak sa pinakailalim ng team standings ang University of the East (UE) Red Warriors na patuloy na umaasang makapuslit ng unang panalo matapos mapako sa 0-11 na panalo-talo kartada. Kailangang pagtibayin ng koponan ang kanilang momentum at clutch plays kung gugustuhing makakuha ng panalo sa torneo. Matatandaang muntikan na nilang makuha ang upset win kontra DLSU kamakailan bitbit ang kauna-unahang overtime match ng UAAP Season 84.
Malabo namang makahabol pa ang UE Red Warriors sa kasalukuyang lakaran ng kartada matapos ang mapait na sinapit ng kampanya. Marahil malaki ang kakulangan ng koponan sa pagsipat ng big man na kayang makipagsabayan sa malalaking team, tulad ng DLSU at ADMU na nakakalikom ng 50.41% at 52.69% ng kabuuang iskor sa loob ng perimetro.
Nanganganib din ang dating finalist na University of Sto. Tomas (UST) Growling Tigers na hindi makaabot sa semifinals ng torneo. Tila hirap ang koponan na makapitas ng key plays matapos mawala ang mga dekalibre nitong atletang sina Rhenz Abando, Mark Nonoy, at CJ Cansino. Malakas man sa outside shooting ang UST na may 26.85% 3-point field goal, hindi ito sapat upang makaukit ng apat na panalo sa torneo.
Hindi naging madali para sa mga atleta ng UE at UST ang nasapit nitong pagkaupos sa talaan matapos kapusin sa mga numero at likso ng mga nakadaupang-palad na upper tier teams. Bigo mang mapaangat sa ngayon ang posisyon sa talaan, patuloy na pinagtitibayan ng dalawang koponan ang pundasyon at pagkakakilanlan sa hardcourt sa ikalawang yugto ng torneo.
Humahabol sa talaan
Matapos dominahin ang muling pagbubukas ng UAAP, nanatili pa rin ang pagpabor ng korona sa koponan ng ADMU, UP, at DLSU. Tanging ADMU at UP pa lamang ang may tsansang makaabot patungong finals. Sa kabilang banda, malaki naman ang tsansa ng DLSU na makaabot sa semifinals na kasalukuyang nasa ikatlong puwesto ng team standings. Tila pumapabor din para sa Adamson University (AdU) at Far Eastern University (FEU) ang huling puwesto patungong final four buhat ang 5-6 record.
Sumisilip ang liwayway para sa Green Archers papasok ng knockout round kasabay ang lumalakas na outside shooting ng mga key player nito na sina Deschon Winston at Kurt Lojera na sumisipat ng pinagsamang 22.5 puntos kada laro mula sa 47% 2-point field goals made. Hinihintay rin ng grupo ang pag-init ng dating Rookie of the Year Nonoy matapos makapagtala ng 32% efficiency sa three-point line.
Malaking tulong naman para kay Baltazar ang pag-agapay ni Fil-Am recruit na si Michael Phillips na patuloy na humahagod sa depensa para sa DLSU na nakapagtala ng 9.78 average rebound dagdag sa kaniyang humigit-kumulang 7.9 na puntos kada laro. Sa kabila nito, kailangang pagsikapan ng DLSU ang mga nasasayang na free throws nito buhat ang 58% efficiency nila rito.
Nananatili ring bilog ang kapalaran para sa AdU, National University (NU), at FEU na gitgitan ang labanan para sa solong ikaapat na puwesto sa torneo matapos ang magandang pihit ng mga koponan sa kanilang mga alas sa pagsisimula ng ikalawang round.
Para sa FEU, importante na magamit nang husto at mabigyan ng bola sa loob ang import nitong si Emmanuel Ojuala na kayang umararo sa paint. Magiging malakas din ang opensa nito kung magagawang paganahin ni Coach Olsen Racela ang makisig na shooter na si Xyrus Torres na may 43% 3-point field goals made.
Bahagyang umaabante rin sa talaan ang FEU Tamaraws sa pangunguna ng kanilang guwardiya na sina LJ Gonzales at Gilas standout RJ Abarrientos na pinupunan ang scoring department ng koponan. Kargado nito, maaari muling makapasok sa semifinals ang FEU sakaling mamamayagpag ang ace players ng koponan laban sa mga naghahabol na mga katunggali na hangad makabawi mula sa mababang talaan noong unang yugto.
Nananatili pa rin ang nakasanayang taktika ng ilang koponan noong Season 82. Kabilang na rito ang NU Bulldogs at AdU Soaring Falcons na umaasa pa rin sa dribble pass na galaw na minamanduhan ng mga point guard nito.
Para sa AdU, malaki ang potensyal na mabuhat ni playmaker Jerom Lastimosa ang koponan mula sa kaniyang outside shooting at ball distribution kaagapay ang masipag na import nitong si Lenda Duonga para sa opensa.
Mahalaga naman para sa NU na mapagana ang potensyal ng tambalang Michael Malonzo at Shaun Ildefonso upang mapagalaw ang big men sa paint.
*Base ang mga ginamit na porsyento sa overall stats ng bawat koponan sa unang yugto ng UAAP Season 84 Men’s Basketball Tournament.
Muling pagratsada ng DLSU
Sa pagpapatuloy ng laban ng mga koponan sa ikalawang yugto ng torneo, nanatiling angat ang ADMU dahil sa patuloy na pagpapahirap ng pivot nitong si Ange Kouame na malakas humatak ng depensa sa paint. Malaking bahagi ng clean slate run ng ADMU ang sentrong si Kouame na nagsisilbing malaking espasyo para sa mga star player nitong sina SJ Belangel at Dave Ildefonso.
Nakahalili naman ang UP sa tulong ng koneksyon ng trio nitong sina Lucero, Tamayo, at Ricci Rivero upang bitbitin ang koponan na may pinagsamang average points na 79.33 kada laro. Malakas man sa paggawa ng puntos ang UP, mukhang mahihirapan pa rin ang kalalakihan ng UP na maungusan ang maliliksi at mauutak na Blue Eagles sa ikalawang yugto ng torneo. Matatandaang nakulangan ang UP ng maaasahang rebounder matapos makuha ang 44.1 average rebounds sa unang laban nito kontra ADMU na may 47.2.
Sa kabilang panig, pilit namang bumabangon sa ikalawang frame ng season ang mga scoring machine ng DLSU matapos tambakan ang UST sa iskor na 112-83 sa pangunguna ni Winston na kumubra ng career-high 33 puntos. Sinundan din ito ng isa pang panalo kontra UE matapos ang mala-piyestang eksena sa hardcourt na umabot sa overtime, 85-82.
Agaran namang pinawi ng UP ang naglalagablab na bentahe ng DLSU matapos purnadahin sa iskor na 69-72 ang dikitang laban. Bigong naipasok ni Nonoy ang pagtatangkang three-pointer sa huling limang segundo, sapat upang mapanatili sa ikatlong puwesto ang Green Archers. Kaakibat nito, masasabing lantad ang kawalang-tiyak ng DLSU tuwing sumasapit ang huling kalahati ng kanilang mga laban. Maaari itong masolusyonan kapag mapapagana ang mga bench player nito na may 29.91 average point lamang na buhos.
Sa ipinakikitang gutom ng DLSU, malaki pa rin ang angat nito kompara sa mga humahabol na AdU, FEU, at NU. Gayunpaman, kailangang buhayin ng DLSU ang kanilang mga bench player na aagapay sa mga starter na sina Nelle at Baltazar upang makasipat ng tiyak na spot sa playoffs. Importante rin na tutukan ang koneksyon nina Phillips at Joaqui Manuel sa depensa na malaki ang maitutulong sa pagdiskaril ng fastbreak ng mga katunggaling koponan.
Mainit na pasiklaban ang inaasahang mamamayani sa mga susunod pang mga laro sa hardcourt dulot ng patuloy na paggapang ng mga koponan ng DLSU, FEU, AdU, NU, at UST. Magiging mahigpit ang ungusan ng apat na koponang may tig-isang panalo lamang ang pagitan upang makahakbang sa itaas ng standings, ayon sa pagkakasunod.
Matutunghayan ang katakam-takam na salpukan para sa natitirang dalawang puwang sa final four tuwing Martes, Huwebes, at Sabado sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng bakbakan sa UAAP Season 84 Men’s Basketball Tournament. Sasabak muli sa entablado ang DLSU kontra FEU bukas, Abril 26, sa ganap na ika-10 ng umaga habang mangyayari namang muli ang “Battle of Katipunan” sa pagitan ng ADMU at UP sa Mayo 1, sa ganap na ika-7 ng gabi.