“Balang araw, magiging si Pia Wurtzbach o si Catriona Gray rin ako. Ipapanalo ko rin ang Pilipinas at iuuwi ang korona.”
Bukod sa mga karaniwang pangarap na maging doktor, guro, o abogado, nagsilbing inspirasyon na rin ang beauty queens sa kabataan, lalo na’t patuloy ang pag-arangkada ng Pilipinas sa mundo ng beauty pageants. Naging bahagi rin ng ating pamumuhay ang pagsuporta at panonood ng iba’t ibang patimpalak, tulad na lamang ng pinakahihintay na Binibining Pilipinas. Tila isang laban naman ni Manny Pacquiao ang Miss Universe para sa marami lalo na sa LGBTQIA++ community. Mararamdaman ng sinoman ang puspusan at mainit na pagsuporta sa mga kalahok na nirerepresenta ang bansa.
Para sa ibang kababaihan, naging espasyo ang glamorosong mundo ng pageants upang ipamalas ang kanilang kagandahan, alindog, at katalinuhan. Subalit, ito lang nga ba ang saysay ng mga ganitong uri ng patimpalak, ang paglabanin ang kababaihan at sukatin sila base sa kanilang kagandahan at katalinuhang taglay?
Sa isang malamang talakayan tungkol sa kahalagahan ng beauty pageants sa pagpapakita ng kapangyarihan ng ating bansa, handog ng The Organization for American Studies at European Studies Association ang Beauty Diplomacy: Embodying Philippine Soft Power. Idinaos ito nitong Abril 22 mula ika-3:30 ng hapon hanggang ika-6 ng gabi. Pinangunahan ng mga kilalang beauty queen na sina Eva Patalinjug, Jamie Herrell, Maria Gigante, Tatyana Alexi Austria, at ni Ambassador Jesus Domingo ang talakayan.
Higit pa sa kolorete, at higit pa sa naggagandahang katawan. Higit pa sa kagandahang taglay, at higit pa sa titulong pinanghahawakan. Ating tunghayan ang tunay na kapangyarihan ng isang beauty queen sa pagpapalaganap ng adbokasiya, gayundin ng kultura’t tradisyong Pilipino sa buong mundo.
Pagpapakilala ng Modernong Maria Clara sa Buong Mundo
Sinimulan ang webinar ni Eva Psychee Patalinjug, itinanghal na Mutya ng Pilipinas Asia Pacific International noong 2014 at Binibining Grand International noong 2018 sa pagtatanong niya ng “Who is Maria Clara?” Sari-sari man ang komento ngunit iisa lamang halos ang punto: Si Maria Clara ang ideyal na babaeng nakasaad sa nobela ni Dr. Jose Rizal na mahinhin, tahimik, balot-na-balot, at maganda. Pagbabahagi naman ng isang sumagot na kalahok, maaaring kritisismo ito ni Rizal sa docile pressure na nagpapabigat sa gampanin ng kababaihan sa lipunan. Agad din namang sinagot ni Patalinjug ang kaniyang tanong. Aniya, “You are Maria Clara.” Idiniin niya ang ideyang kahit sinoman, maaaring maging Maria Clara.
Hindi nasusukat ang pagiging Maria Clara sa kaniyang mga galaw, opinyon, damit, at panlabas na anyo. Sa paglaban natin sa mga estereotipikal na pananaw sa pagiging babae, dapat nang simulan ang bagong katuturan ng pagiging Maria Clara–ang pagkawala sa mga kadenang patuloy na humahadlang sa pag-unlad ng kababaihan. Sa isang bansang pinamumunuan pa rin ng tradisyonal at patriyarkal na pananaw ukol sa kapangyarihan ng isang babae, ipinaalala ni Patalinjug na hindi kailangang maging beauty queen ang isang babae upang matawag na Maria Clara. Makikita sa iba’t ibang larangan o karerang tinatahak ng sinoman ang isang Maria Clara, direktor o estudyante man.
Hindi man isang beauty queen, maipakikilala pa rin sa buong mundo ang modernong Maria Clara sa pamamagitan ng pagiging mahusay sa larangang tinatahak. Payo niya, “You have to focus on your goals and how to bring that to the world. That is bringing modern Maria Clara to the world. You don’t have to be a beauty queen to be able to show Filipino Culture. You just have to stick to what you’re doing and by that you will be able to show Filipino culture and identity.”
Iminungkahi rin niya na hindi kailangang sumunod ng kababaihan sa kinasanayang pamantayan ng isang Maria Clara na mahinhin, malumanay, o relihiyosa. Para sa kaniya, hindi dapat takot maglabas ng mga opinyong makatutulong sa lipunan ang mga babae. Isinasabuhay dapat ng isang modernong Maria Clara ang mga prinsipyong makatao at makabansa. Ngunit, kaniya pa ring pinagdiinan na kahit anong kaugaliang taglay, mahinhin man o magaslaw, isa pa rin itong modernong Maria Clara na makapangyarihan.
Higit pa sa kagandahan at titulo
Bukod sa kagandahan, marapat na may angking katalinuhan din ang mga beauty queen. Ipinaliwanag nina Jamie Herrell, Miss Earth 2014, at Maria Gigante, pambato ng Cebu para sa Miss World Philippines 2022, na hindi sapat ang pagiging maganda lamang. Mahalaga ring may laman at kabuluhan ang kanilang mga sinasagot at sinasabi. Habang gumagawa pa lamang si Herrell ng pangalan sa industriya at madalas nagkakamali, tumatak sa kaniya ang sinabi ng nakasama niya sa isang pageant. Ika ng kapwa kalahok, “To win a battle, you need to be beautiful. To win a war, you need to be smart.” Ito ang naging inspirasyon niya upang lalong mas umunlad bilang isang beauty queen at Pilipina.
Miss Universe, Miss Earth, Miss International, Miss Global—sa pagkamit ng anomang titulo, mahalagang hindi makalimutan ang tunay na diwa ng mga ito. Nakakabit sa titulo ang responsibilidad na maging mulat sa iba’t ibang isyung kinahaharap ng buong mundo. Ang pagsasabuhay sa mga adbokasiya ang tunay na diwa ng mga titulo at hindi rin ito natatapos sa pagkamit ng korona. Inilarawan naman ni Gigante ang kaniyang kaibigan na si Herrell. Bilang kasa-kasama ni Herrell, nakita niya sa binibini ang pagkakaroon ng matibay at konkretong plano para sa kaniyang mga adbokasiya. Nakita rin niya ang pagsisikap na ibinubuhos ni Herrell upang maipabatid ang kaniyang adhikaing mapabuti ang kalikasan.
Nabanggit din nilang bahagi ng pagiging isang beauty queen ang pakikipag-usap sa iba’t ibang komunidad. Kahit ilan pang paaralan o seminar ang kanilang pinupuntahan, balewala sa kanila ang pagod sapagkat mas importante sa kanila na makitang may patutunguhan ang kanilang mga adbokasiya. Ika nga ni Gigante, “There is no better advocacy. The one who wins is who is best at communicating her point and explaining why this is relevant.”
Higit sa pagpapaganda, iginiit ni Herrell ang kabuluhan ng beauty pageants sa buong mundo. “How do you expect people to be proactive if they are not aware of what’s going on? So that’s really what beauty pageants are all about. We’re here, we have a voice. We’re here to make [a] statement and we’re on a mission. We’re a woman [on a] mission,” paglalahad niya.
Sa pagpapalaganap ng kulturang Pilipino
Sa pagrepresenta sa Pilipinas, laging tatandaan na sa kahit maliit na paraan lamang, maipakikita na ng isang kandidato ang mayamang kultura ng bansa. Ayon kay Herrell, “When a woman competes nationally, you are reflecting what Filipinos are. That’s the beauty of it. “
Ibinahagi naman ni Miss EcoTeen Philippines 2021 at first-runner up ng Miss EcoTeen International 2021, Tatyana Austria, ang kaniyang karanasan sa pagpapakilala ng kulturang Pilipino at pakikipaghalubilo sa iba’t ibang etnisidad. Isang halimbawa ang mga national costume na kaniyang suot-suot bilang isang instrumento sa pagpapakilala ng kultura at galing ng mga Pilipino sa paglikha. Nabanggit niyang kinailangan nilang mag-isip sa maikling panahon ng kaniyang susuotin. Napili niya ang isang Filipiniana top na may kakaibang disenyo na nilagyan niya ng pin ng bandila. Aniya, isa itong quintessential experience sapagkat naipaghalo niya ang moderno at katutubong kultura. Sa pamamagitan ng ganitong pamamaraan, naipakikita na ng isa ang kultura ng bansang kaniyang kinalakihan. “Sometimes it’s the smallest of details, [the] Philippine flag pin. It really comes with your initiative. If you wanna say something about your country you have to put conversation pieces wherever you go.”
Sa pakikihalubilo sa iba’t ibang kalahok, ipinaalala niya ang paggamit ng puso at isip. Bilang isang Asyano, mas nakahalubilo niya ang kapwa Asyano dahil sa isang kulturang parehas na kinalakihan—ang paghahanap ng kanin sa mga handaan. Ito ang nagtatag ng koneksiyon sa isa’t isa. Naipakilala rin ni Austria ang tradisyon ng pagbibigay ng pasalubong. Aniya, sa pagbili at bigay ng mga souvenir, hindi lamang nito pinabubuti ang kalagayan ng mga manggagawa ng mga lokal na produkto kundi isa rin itong representasyon para sa mga Pilipino.
Kapangyarihan ng Pilipinas
Tila nagkaroon ng maikling lektura ukol sa international relations ang bahaging pinangunahan ni Philippine Ambassador to New Zealand, Jesus “Gary” Domingo. Sa kaniyang talakayan, ibinahagi niyang mistulang isang itlog na maalat ang kaugalian ng mga Pilipino. Dahil sa ilang beses na pagkolonisa sa ating bansa, nabuo ang iba’t ibang positibo’t negatibong kultura. Nang ipagsama-sama ang mga kaugaliang natamo, mahuhusay ang mga Pilipino sa ginagampanang propesiyon at may malakas na identidad. Sa kabila ng lahat ito, mayroon pa ring negatibong aspekto. Mas pinipili pa rin ang ibang bansa sa usaping trabaho at mas nauungusan na tayo ng mga karatig na bansa sa pagtamo ng pangalan sa larangan ng entrepreneurship.
Sa usaping kapangyarihan naman, ipinaliwanag niyang may dalawang klase ng kapangyarihang impluwensiyal: hard power at soft power. Para ilarawan ang Beauty Diplomacy, ginamit niya ang terminong soft beauty sapagkat hindi pa natatamo ng bansa ang makapangyarihang impluwensiya sa malawak na sakop ng pagbuo ng relasyon sa ibang bansa. Ngunit hindi lamang limitado sa beauty pageants ang soft beauty dahil kasama rin ang mga nars, caregivers, at iba pang propesiyong nagpapamalas ng pagiging maalagain ng mga Pilipino. Para sa kaniya, upang maging kapangyarihan ito, narararapat na matugunan ang internal na problema—ang pagiging inward looking ng mga Pilipino.
Para kay Domingo, gampanin ng mga beauty queen na mabigyan ng “superpower of love” ang bansa. Iminungkahi niyang sa paghasa ng mga taglay ng kagalingan sa pamamaraang diplomatic at sa pagkakaroon ng leadership development, yayabong at maaaring maging soft power ang soft beauty. Ayon sa kaniya, sa pagkakataong maging matagumpay ang pagtaguyod ng kapangyarihan ng mga beauty pageant at mga beauty queen, magkakaroon ng magandang imahen at reputasyon ang bansa na magsasagisag ng malakas na relasyon sa ibang bansa.
Sa mahabang kasaysayan ng beauty pageants at beauty queens, hindi mabibilang ang karangalang dala nito sa ating bansa. Naging entablado ang mga pageant para sa angking talino at ganda ng kababaihan, sa puso at malasakit ng mga Pilipino, at sa mayamang kasaysayan at kultura ng Pilipinas. Isa mang patimpalak, hindi dapat magkaroon ng hidwaan sa mga bansang naglalaban-laban sapagkat isa lang din naman ang hangarin ng mga kalahok—ang maibida ang kanilang adbokasiya upang matugunan ang mga problemang pambansa at pandaigdig.