ISINAPORMAL sa ikasampung sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang paglalabas ng pahayag ng University Student Government ukol sa opisyal na pag-endoso sa tambalan nina Vice President Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan para sa darating na #Halalan2022, Abril 22. Inanunsyo rin ni Loja ang bagong petsa ng LA examination para sa mga bagong halal na batch at campus legislators.
Unang inilahad nina Ched Tan, BLAZE2022, Lana Leigh Santos, CATCH2T24, at Sen Lecitona, FAST2019 ang nilalaman ng naturang pahayag. Naging batayan din nina Lecitona ang resulta ng isinasagawang Pulso ng Lasalyano: DLSU 2022 National Mock Elections para sa pagbuo nito. Matatandaang nakakuha si Robredo ng 96.34% na boto at 92.87% si Pangilinan mula sa 4,289 Lasalyanong lumahok mula Abril 18 hanggang 21.
Ipinasa ang pahayag sa botong 21 for, 0 against, at 0 abstain.
Matapos ang botohan, ibinahagi ni Francis Loja, chief legislator ang kaniyang sentimyento ukol sa ipinasang panukala. Aniya, “This just shows the responsibility and the privilege that we all have as members of the LA. To be able to have a platform to emanate student concerns and eventually the people’s voice.” Dagdag pa niya, simula pa lamang ang pag-endoso kina Robredo at Pangilinan at hindi ito dapat magtatapos dito. “Truly the end goal is the one that considers the Filipino nation at all costs,” ani Loja.
Bilang pagtatapos, inanunsyo ni Loja na ililipat ang petsa ng pagsusulit ng mga bagong halal na batch at campus legislator sa Abil 30 sa halip na nitong nakaraang Abril 22. Ayon sa chief legislator, inilipat ito upang mapaghandaan ng mga batch legislator ang dalawang pagsusulit na kanilang kukunin.