NILUSOB ang Facebook page ng Viridis Arcus (VA) Esports ng daan-daang pabebe ghorlz matapos inanunsyo ng koponan na naghahanap sila ng mga ka-duo sa larong Mobile Legends: Bang Bang (MLBB). Bunsod ng lumalagong karera ng VA sa MLBB, naghahanap ang koponan ng mga miyembro na magdagdadag-puwersa sa kanilang lineup upang maitanghal ang itinatagong bagsik sa mga sinasalihang torneo.
Naniniwala ang mga manlalaro ng VA na tanging ang pagkakaroon ng mga ka-duo sa paglalaro ng MLBB ang nakikita nilang solusyon upang mapawi ang lamig na bumabalot sa kanilang pakiramdam tuwing nagsasanay gabi-gabi. Dahil kadalasang madaling araw sumusulpot ang mga umaalembong na manlalarong ghorlz, magkakaroon ng tryouts ang mga soon-to-be na ka-duo ng VA. Kaakibat nito, inanunsyo ng koponan sa kanilang Facebook na gaganapin ang naturang tryouts sa Abril 30, ika-2 nang umaga.
Umpisa ng paghasik ng karupukan
Inilatag ng VA ang mga tuntunin at proseso ng pagsali sa tryouts sa kanilang Facebook page upang maiwasan ang pagsali ng mga PPG o palamunin, pabuhat, at goblok sa laro. Bukas hanggang sa sampung koponan na binubuo ng limang manlalaro ang tryouts. Gayunpaman, isang koponan lamang ang magiging opisyal na ka-duo ng bawat manlalaro ng VA. Para sa mananalong koponan, makatatanggap ito ng Alagad ng Higad award sa huling bahagi ng tryouts bilang pagkilala sa kanilang talento sa pagiging haliparot ngunit hindi PPG.
Sa unang yugto ng tryouts, sasabak ang pabebe ghorlz sa proseso ng interbyu upang magkaroon ng pagkakataong akitin ang mga manlalaro ng VA gamit ang kanilang nakabibighaning ipit na boses. Maliban dito, kinakailangan nilang gayahin ang voice lines ng bawat waifu na hero na babanggitin ng mga pinuno ng VA upang makalikom ng marami at sapat na puntos. Kaakibat nito, makasasalang ang apat na koponang pinakamahusay sa interbyu at paggaya ng boses ng mga hero sa ikalawang yugto ng tryouts. Pagdating sa susunod na yugto, maglalaban ang mga natirang koponan upang matukoy ang mananalo at pinakamahusay sa kanilang maglaro, maliban sa pagiging pabebe.
Sa eksklusibong panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) kay MalouWanggg69, kapitana ng Master Painter Squad, ipinahayag niyang takam na takam na ang kanilang koponan na malasap ang sarap na maging katuwang ang VA sa paglalaro ng MLBB kaya pursigido silang makapasa sa tryouts. “Tagal na naming naghahanap ng karamay mag-grind sa ML. Alam naming magiging mahirap ang tryouts pero bet na bet naming maranasan ang bagsik ng VA,” aniya.
Pagnanasang walang katulad
Hindi maiwasang balik-balikan ng mga atleta mula sa koponang ML ng VA ang kani-kanilang pighati sa pag-ibig kaya hindi sila tuloy maka-move on. Ibinahagi ng kapitan ng VA na si DogshieStyle21 sa panayam ng BUKAKA ang pighating naranasan niya noon. Aniya, “Masakit kasi iniwan ako bigla. Nakakalandian ko pa siya dati at nakabardagulan pa.” Matapos ang pagbabahagi ng kaniyang karanasan, nabanggit din niya na kapwa iniwan, niloko, at pinaasa ang mga teammate niya sa VA.
Naging hamon sa mga atleta ang pagbitbit ng bandera ng Pamantasang De La Salle dahil sa mga nakaraan. Ibinahagi ni BhoxTibay245 sa panayam ng BUKAKA na sinandalan ng mga manlalaro ng VA ang isa’t isa upang mapanatili nila ang kanilang kahusayan sa paglalaro ng MLBB. Kaya naman, hindi pumayag ang koponan na mag-underperform sa laro kaya inisip na lamang ng mga atleta na ang mga babaeng ka-duo nila dati ang nawalan ng baby daddies at hindi sila ang iniwan.
Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay pag-ibig, nakikita nilang isang malaking liwanag sa kanilang buhay ang magaganap na tryouts upang makahanap ng ka-duo sa larong MLBB. “Masaya kami kasi dinumog kami nang maraming mga babae, malamang kasi pogi, malakas, at masarap kami hehe,” pagbabahagi ng core player ng VA na si LandiMaster.
Mahalaga para sa VA ang paglunsad ng tryouts upang makahanap ng magiging ka-duo sa larong MLBB matapos ma-ghost ng dating mga ka-fling. Sa darating na Abril 30, pagkakataon na ng koponang ML ng VA na tumigas at bumatak pa lalo ang mga kalamnan ng mga daliri nila sa paglalaro.