BIGONG MAKAALPAS ang De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra UP Fighting Maroons, 69-72, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Abril 23, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nanguna para sa Green Archers ang kapitan na si Balti Baltazar matapos umukit ng 16 na puntos, 12 rebound, limang assist, at dalawang block at si Deschon Winston ng 16 na puntos, apat na rebound, at isang steal. Umagapay rin si Kurt Lojera na nakapagtala ng 13 puntos, apat na rebound, apat na steal, at isang block.
Naghirap ang Taft-based squad sa pag-arangkada nina Fighting Maroons Carl Tamayo na pumuntos 23 puntos, 11 rebound, at isang assist at Maodo Diouf na pumukol ng 15 puntos, 18 rebound, at isang assist. Nakapag-ambag din sa kartada si Ricci Rivero na may 11 puntos, walong rebound, at isang assist.
Sa pagbubukas ng unang yugto, nagpakawala ng naglalagablab na tres si Mark Nonoy, 3-0. Ngunit hindi mapundi-pundi ng koponang Green and White ang mataas na depensa ng Fighting Maroons. Sinubukang pagdikitin ni Evan Nelle ang talaan matapos bumitaw ng tres, 11-15. Sa huli, nag-ambag ng dos si Mike Phillips na siyang nagpatapos sa unang yugto, 17-18, pabor sa UP.
Sa pagbubukas ng ikalawang yugto, tila hirap paring makabuno sa kartada ang pambato ng Taft. Ngunit hindi nagpaawat ang Green Archers at humagipas ng tres si Baltazar sa 7-minute na marka ng sagupaan, 22-25. Sa pagsapit ng ikatlong minuto ng kwarter, napako sa 22 ang tala ng DLSU. Sinubukang umahon sa pagkakauhaw ngunit hindi nagtagumpay, 31-42, pabor pa rin sa Fighting Maroons.
Nagpatuloy ang pag-arangkada ng koponang Maroon at White sa pagpasok ng ikatlong kwarter. Naging mainit ang mga galamay ng UP Bigman Malick Diouf at dating Green Archer Rivero upang lalong pahirapan ang paghahabol ng Green Archers. Sa kabilang banda, inulan ng turnovers ang Taft-based squad na lalong nagresulta sa paglobo ng kalamangan sa 14, 46-32.
Hindi sumuko ang Green Archers nang subukang pababain ang kalamangan ng Fighting Maroons nang umaalab ang batikang atleta na si Lojera matapos niyang pumukol ng puntos, 36-49. Kasamang umarangkada ang umaatikabong atletang si Nelle nang maipasok ang nakamamanghang layup, 42-50. Nakagawa rin ng isang malahalimaw na block si Motor M. Phillips kay Rivero. Nagpatuloy rin ang pagbulusok ni Lojera na nakaambag sa 10-1 run ng Green Archers matapos maipasok ang libreng layup upang ibaba ang kalamangan bago umabante sa huling kwarter, 44-50. Pinatay naman ni Zav Lucero ang apoy ng Green and White matapos gumawa ng isang madaling dos, 44-52. Gumawa naman ng isang nakamamanghang block si Lojera bago matapos ang ikatlong kwarter, 49-56, pabor pa rin sa UP.
Nagpatuloy ang pag-arangkada ng Fighting Maroons matapos pumukol ng dalawang magkasunod na puntos si Carl Tamayo upang lalong maungusan ang DLSU, 49-60. Hindi nagpatinag si Lojera nang gumawa ng isang nakamamanghang layup upang makahabol sa umaarangkadang Fighting Maroons, 51-60. Sa kabila nito, inalat sa paggawa ng puntos ang Green Archers na lalong nagpahirap sa kanilang makahabol. Sa huling dalawang minuto, umusbong ang pusong Lasalyano matapos maibaba sa tatlo ang kalamangan ng Fighting Maroons matapos ang magkakasunod na hustle play ng Green Archers. Sa kabila nito, kinapos pa rin ang Taft-based squad matapos hindi maipasok ni Nonoy ang tres na magpapaabot sana sa overtime period, 69-72.
Bagamat bigong makuha ang panalo, taas-noo pa rin ang head coach na si Derrick Pumaren na makababawi ang Green Archers sa susunod nilang laban matapos ang matinding paghahabol na ginawa ng koponan sa laro kontra UP. Aniya, “Anything is possible. We just have to stay positive and keep working hard and take care of things on Tuesday. Try to take care of FEU.”
Matapos makamit ang ikaapat na pagkatalo sa ikalawang round ng UAAP Season 84, raratsada muli ang DLSU Green Archers kontra FEU Tamaraws sa Martes, Abril 26, sa ganap na ika-10 ng umaga.
DLSU – Baltazar 16, Winston 16, Lojera 13, M. Philipps 8, Nelle 7, B. Philipps 2
UP – Tamayo 23, Diouf 15, Rivero 11, Lucero 9, Fortea 8, Cagulangan 4, Spencer 2
Quarterscores: 17-18, 31-42, 49-56, 69-72