Pinangangambahan ng buong bansa ang simula ng zombie apocalypse kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga nagpapabakuna. Matatandaang kumalat kamakailan ang balita tungkol sa isang taong naging zombie matapos niyang kagatin ang kaniyang kapitbahay sa Balesiya City, Bukidnon. Nagtamo ng mga sugat ang biktima na nagdulot nang mabilis na pagkalat ng impeksyon at biglaang kombulsyon. Sa imbestigasyon, natuklasan na bago naganap ang insidente, katatanggap lamang ng zombie ng kaniyang first dose ng bakuna kontra COVID-19.
Dumagdag ang kagimbal-gimbal na pangyayari sa patong-patong na kasong natanggap ni Atty. Pwersiduh Acutesta sa PAbAliK Attorney’s Office (PAO) ukol sa mga negatibong epekto ng bakuna laban sa sakit. Dumami rin ang bilang ng mga petisyong nais ipatigil ang mandatoryong pagbabakuna na bunsod ng kanilang pangambang maging Zombieland ang bansa.
Sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) kay Acutesta, ipinahayag niyang, “Nangingibabaw ang takot sa ating pamayanan. Isa lamang ang kaso ng zombie attack sa Bukidnon sa dami ng supernatural effects ng vaccine na naitala simula nang paigtingin ng gobyerno ang kanilang vaccine rollout efforts.”
Pag-usbong ng mga Pinoy X-men
Bukod sa mga karakter na dating makikita lamang sa mga palabas sa telebisyon, tulad ng monsters at zombies, mamamataan din ang telepaths, shapeshifters, at superhuman reflexes sa mga mamamayan ng bansa. Ayon sa nakalap na datos na ibinahagi sa BUKAKA, aabot na sa mahigit 500 kaso ng mutant powers sa bansa simula nang ilunsad ng gobyerno ang pagbabakuna laban sa COVID-19 at inaasahang tataas pa ito sa mga susunod na linggo.
Kinumpirma sa pananaliksik ng Department of Health (DOH) na nagsimula ang kakaibang pagbabago sa kakayahan at abilidad ng mga indibidwal na may mutant powers noong matanggap ng mga nabakunahan ang unang dose ng kanilang bakuna. Dagdag pa rito, lumalakas ang kanilang panibagong kakayahan habang nadagdagan ang bakunang itinuturok sa kanila. Bunsod nito, ipinagbawal pansamantala ng DOH ang booster shots sa mga mamamayang may mutant powers sapagkat kanilang inaalala ang epekto nito sa katawan ng indibidwal at kapayapaan ng bansa.
Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng mutant powers sa bansa, malapit na ring maging mutant si Acutesta sa kaniyang super strength na pag-aasikaso sa mga reklamong natatanggap ng PAO para tibagin ang polisiya sa mandatoryong pagbabakuna. Naninindigan ang mga taliwas sa naturang polisiya na nararapat itong itigil lalo na’t nagiging sanhi ang mutant powers sa pagsisimula ng kaguluhan na dati lamang nila napanonood at nababasa sa X-men series.
Ratsada ng Bakunado Batalyon
Mula sa umaatikabong mga kaganapan, nagtipon ang mga mamamayang pinagkalooban ng kakaibang kakayahan sa ilalim ng Bakunado Batalyon. Pangungunahan ng grupong ito ang pagtatalaga ng nagkakaisang bakunadong lipunan na may layong panatilihing lihim ang kanilang pinuno na binansagang Baklord.
Mariing kinokondena ng naturang grupo ang mga paratang ni Acutesta sa kapwa bakunado at ang diskriminasyong kanilang natatamo. Umarangkada ang kaliwa’t kanang protesta sa mga establisyimento dahil pawang bakunado lamang ang maaaring makapasok sa mga lugar, tulad ng malls at iba pang pasyalan. Bunsod nito, bakas sa mga balikat at kathang vaccine record ng hindi bakunadong pwersa ni Acutesta ang panlulumo sapagkat hindi nila ito harapang masusupil.
Samakatuwid, inorganisa ang Lutang Task Force-Eklat (LTF-Eklat) bilang bagong ahensya ng PAO na susugpo sa kampon ni Baklord. Kasalukuyang suspendido ang aktibidad ng naturang ahensya matapos ang maling sagupaang naganap laban sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict bunsod ng kawalan ng koordinasyon ng pamahalaan.
Paghaharap ni DuCake at Acutesta
Nanindigan si Acutesta sa kaniyang paliwanag sa BUKAKA na “‘yang vaccine vaccine na ‘yan, masama ‘yan, nakakaadik ‘yan.”. Bunsod nito, walang makapagbabago ng kaniyang isipang ipatigil ang mandatoryong pagpapabakuna. Inamin ni Acutesta na nagharap sila ni DOH Secretary Francircus DuCake para wakasan ang kaguluhang nangyayari sa bansa.
Tila ipinabatid ni Ducake na ang tanggapan ni Acutesta ang nararapat na masunod sa ganitong problema sapagkat sila ang may sapat na pag-aaral na isinagawa upang masolusyonan ang suliraning pangkalusugan. Aniya, kinakailangang malaman ng taumbayan ang tunay na epekto ng bakuna upang maiwasang lumalala ang kaguluhang nagbabadyang mangyari sa bansa.
Sa gitna ng pandemyang kinahaharap ng buong mundo, nasa kamay ng mga katulad ni Acutesta—isang hindi eksperto pagdating sa larangan ng kalusugan at nagmamagaling pagdating sa mga bakuna—ang paraan para kumalat ang kaguluhan sa bayan at magdulot ng takot sa mga mamamayan. Tunay nga na sa kabila ng anomang krisis na patuloy na nagpapahirap sa taumbayan, palaging maninindak ang pang-aalaska ng ilang mamamayang labis ang paghanga sa sarili.