NANINDIGAN ang ilan sa mga kumakandidato ng pagka-bise presidente tungkol sa kanilang mga katayuan sa iba’t ibang isyung panlipunan, sa ikalawang serye ng Pili ko, Pili mo, Pilipino: #Youth2022 The Vice Presidential Forum, Abril 8. Layon ng talakayan na magbigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na masuri ang mga kandidato at kanilang mga plataporma.
Magkakatuwang na pinangasiwaan ng De La Salle University (DLSU) Committee on National Issues and Concerns, La Salle Institute of Governance, Participate, at DLSU – University of Student Government (USG) ang nasabing forum.
Kabilang sa mga dumalong kandidato sina Prof. Walden Bello, kasalukuyang chairman ng Koalisyon Laban ng Masa, Rizalito David, kasalukuyang chairman ng university council ng University of the Philippines – Los Baños, Manny Lopez, isang semi-retired na ekonomista, at Atty. Carlos Serapio, nanungkulan bilang konsultant ng limang presidente ng bansa. Binigyan din ng pagkakataon na magpaabot ng mensahe ang mga hindi nakadalo sa forum na sina Senador Kiko Pangilinan at Lito Atienza.
Pagsulyap sa kalagayan ng kabataan
Sinimulan ni Giorgina Escoto, presidente ng USG, ang programa sa kaniyang pambungad na pananalita. Nagpasalamat siya sa mga naging ugnayan ng iba’t ibang organisasyon sa loob at labas ng Pamantasan. Ibinahagi niyang hangad ng talakayan na maipaabot ang boses at mapakinggan ang sektor ng kabataaan. Saad pa niya, “Bilang miyembro ng kabataan, dapat lang na tayo ay dinggin ng mga nais mamuno.”
Sa unang parte ng forum, sinuri ang pananaw ng mga kandidato sa kasalukuyang kalagayan ng mga kabataan. Ipinahayag ni Bello na pinalubha lamang ng pandemya ang mga krisis na matagal nang umiiral. Inihalimbawa niya rito ang kawalan ng respeto sa karapatang pantao at kakulangan ng trabaho para sa mga kabataan. Pagpapaliwanag niya, “Intersectional ang mga krisis na ito, kinakailangan ng solusyon at analysis na radikal.”
Salungat naman ang naging pahayag ni David ukol dito. “[Dapat munang] isantabi ang mga naging krisis. Mag umpisa tayo from scratch,” paglalahad niya. Isinaad din niyang dapat munang malaman ang opinyon at kagustuhan ng kabataan hinggil sa kanilang kinabukasan. Giit pa niya, “May kakayahan silang mag-isip, base sa karanasan at [natutuhan] nila sa eskwelahan. . . Manggagaling sa inyo ang solusyon, hindi sa amin.”
Hindi naman nakikita ni Lopez ang posibilidad ng pagkakaroon ng magandang kinabukasan ng mga kabataan sa ilalim ng kasalukuyang sistema ng pamamahala. Wika niya, “We need to fix this country. We are facing issues with Biblical proportions [and] we need to came up with solutions that will address the issues of the future to come.” Sinisikap niya ring magtaguyod ng pagbabago at reporma para sa susunod na henerasyon.
Para naman kay Serapio, nararapat na magkaroon ng isang pandaigdigang pananaw na nagbabago ang realidad ng mundo. “All of this needs to be framed in a new way on looking at things,” aniya. Ipinaliwanag din niya na magiging masalimuot ang proseso kung magiging paulit-ulit ang perspektiba ng bawat isa.
Binatikos naman ni David ang mga hindi nakalahok at sa mga posibleng pagpapalagay nila ukol sa mga isyu ng kabataan. Sinang-ayunan naman ni Bello ang pagkuwestiyon sa mga lumiban sa forum. Buwelta pa niya, “Ano ba ang programa nila Sen. Kiko at Tito Sotto?” Kaugnay nito, inusig din niya ang naging pahayag ng kapwa kandidato na si Sara Duterte tungkol sa plano nitong magsulong ng 2-year Mandatory ROTC. Iginiit niyang nakasasagabal ito sa kagustuhan ng kabataan na makapagtapos ng pag-aaral at makatrabaho.
Samantala, isinalaysay naman ni David ang kaniyang naging karanasan bilang kabataan noon. Paglalahad niya, “Hindi namin tinanong sa nakatatanda [noon] kung ano ang dapat naming gawin. Tinatamasa niyo ang kalayaan niyo ngayon dahil sa struggle namin. Kami ‘yung maraming namatay, maraming lumaban.” Binanggit naman ni Lopez ang kakayahan ng mga kabataan na umani ng malaking porsiyento ng boto sa nalalapit na halalan. Gayunpaman, hinikayat niya na mas palawigin ang mga ginagawang hakbang upang mamulat ang mga kabataang mahihirap sa mga liblib na lugar.
Pananaw sa mga kinahaharap na suliranin
Sumunod namang sinuri sa ikalawang bahagi ng talakayan ang sampung mga isyu na kumalat sa social media at naging usapin sa mga kabataan. Una sa listahan ang muling pagbubukas ng mga paaralan at pagsasagawa ng face-to-face classes. Kaugnay nito, ipinahayag ni David na lubos nang naapektuhan ang kalidad ng edukasyon na tinatanggap ng mga kabataan sa kasalukuyan at oras na upang ibalik muli sa dati ang kalagayan ng mga estudyante.
Subalit, ipinaalala naman ni Bello na dapat gawin ito nang maingat dahil wala pang sapat na datos na makapagpapatunay na nasa endemic na yugto na ang COVID-19. “Open up carefully and we must make sure that we have good air filtration systems para sa mga classroom natin kasi COVID-19 is airborne,” saad pa niya. Inilahad din niya na bahagi ng kanilang plataporma ni Ka Leody de Guzman na tiyakin na bakunado na ang 80% ng populasyon pagdating ng Oktubre 2022.
Ibinida naman ni Lopez ang paggamit ng Swedish approach sa pamamahala ng pandemya at pagtiyak na nakaangkla sa agham ang lahat ng mga isasagawang desisyon. “It is necessary that we take all necessary precautions in order to protect public health and safety. Face-to-face learning is essential in improving the quality of education,” paglalahad niya ukol sa pagtataguyod ng praktikal at epektibong pamamaraan ng pamamahala sa pandemya.
Samantala, naging mainit na usapin ang pagkakaroon ng hiwalay na asignatura para sa sex education sa mga paaralang sekondarya matapos itong hindi sang-ayunan ni David. Paniniwala niya, mas kinakailangan ng mga mag-aaral na pagtuunan ng pansin ang kanilang moralidad at mabigyan ng kompletong gabay ng mga nakatatanda. “Hindi muna natin sila dapat buksan sa mga usapin na maaaring mas makasama sa kanilang kalagayan,” pagtatapos niya.
Wika naman ni Bello, “Hindi magkatunggali ang moral education at sex education, they are complementary.” Naipakita aniya sa mga karanasan ng iba’t ibang mga bansa, katulad ng Netherlands na lubos na nakatulong ang pagkakaroon ng sex education sa pagpapababa ng bilang ng mga nabubuntis na kabataan. Dagdag pa niya, isa siya sa mga nagtaguyod nito sa Kongreso at malinaw na kalakip ito ng Reproductive Health Law.
Tinalakay rin ang pagtanggal ng mga submersive na libro at babasahin sa mga silid-aklatan upang maiwasan ang mga estudyanteng lumahok o sumali sa mga rebeldeng grupo. Matatandaang napabalita noong Oktubre 2021 ang Kalinga State University, Isabela State University, at Aklan State University matapos ipatanggal sa kanilang mga silid-aklatan ang mga materyal na itinuturing na submersive. Alinsunod ito sa Regional Memorandum Blg. 113 na ipinadala ng Commission on Higher Education – Cordillera.
Ayon kay Serapio, may kakayahan ang mga estudyante na makita ang kamalian sa mga bagay at husgahan kung nararapat bang tanggapin ang isang ideya sa kanilang pamumuhay. Dahil dito, ipinaalala ni Serapio na hindi dapat ipinagkakait sa mga estudyante ang pagkakataon na mamulat sa iba’t ibang uri ng ideya, mabuti man o masama. “You have to trust the ability of young people to discern,” paalala pa niya.
Naniniwala rin si Lopez na lubos na nakatutulong ang pagkamulat sa iba’t ibang uri ng ideya sa paglutas ng mga suliranin na kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan. Aniya, marapat na hayaan ng mga paraalan ang isang libong bulaklak na mamukadkad, kasabay ng pagsisiguro na hindi ka nito papatayin kinalaunan. “Let us allow certain degrees of academic freedom and let the young people decide on their own and come up with the reality that we should pursue and live on,” pagtatapos niya.
Pulso ng kabataan
Binigyan naman ng pagkakataon ang mga kabataan mula sa iba’t ibang sektor na itaas ang kanilang mga katanungan at paglilinaw ukol sa napapanahong isyu sa huling parte ng talakayan.
Inusisa ni Adam Palo, pangulo ng De La Salle Health Sciences Institute Institutional Student Council, ang umiiral na katiwalian sa PhilHealth at mga kakulangan sa Universal Healthcare Act. Kaugnay nito, isinulong ni Lopez ang tamang paggamit ng pondo ng bayan upang mapabuti ang tinatamasang serbisyo sa kalusugan at kaligtasan ng publiko. Inirekomenda rin niya ang pagkakaroon ng karagdagang scholarships upang mapataas ang bilang ng mga nagsisilbing doktor sa bansa. “The over centralization of power is the cause for the unresponsive system that we have in healthcare,” wika naman ni Serapio.
Naniniwala naman sina Bello at David na marapat pagtuunan ng pansin ang primary at preventive healthcare at pagbibigay ng sapat na benepisyo sa mga healthcare worker. “The healthcare situation of this country is a mess. Implementation of it in a just and equitable and a good way should be speeded up,” paglalahad ni Bello. Dagdag pa rito, ipinaliwanag ni David na oras na upang lumihis sa nakasanayang curative healthcare at ibaling na sa preventive healthcare ang mga hakbangin.
Pinag-usapan din ang mga kakulangan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program matapos itong itaas ni Arianne Gaile Mondejar mula sa Streets to School Ilocos. Tugon ni Bello, “Look at the Pantawid Pamilyang Program as just a beginning. Move forward towards making assistance non-conditional. We should really move to a national social protection plan that guarantees all Filipinos a living income irrespective of who they are.”
Bilang pagtatapos, ibinida ng bawat kandidato ang kanilang mga saloobin ukol sa resulta ng mga isinapublikong sarbey at ang mga isinasagawa nilang hakbang upang mapataas ang pagkakataon na mailuklok sila sa puwesto. Sa pangunguna ni David, hinikayat niya ang kaniyang mga kapwa kandidato na tanggapin na ang kanilang pagkatalo at magsama-sama upang itaguyod ang kandidatong malaki ang tiyansa na talunin si Bongbong Marcos at Sara Duterte.
Subalit, naniniwala sina Bello, Lopez, at David na mayroong pa ring magandang kalalabasan ang kanilang laban sa darating na halalan. Paliwanang ni Bello, mayroong tinataglay na limitasyon ang mga sarbey kaya’t patuloy silang magtitiwala ni de Guzman na mayroong magandang kalalabasan para sa kanila. Gayundin, naniniwala si Lopez na komersyalisado ang mga sarbey at hindi dapat maging basehan ng kalalabasan sa Mayo 9.
“My primary task in participating in this election[s] is to be able to send out the message of real change and reform, [and] offer an alternative program of government that could help uplift the lives of our country and our people,” diin ni Lopez.
Bilang pagtatapos, ipinahayag ni Serapio na malaki ang posibilidad ng kanilang pagkapanalo dahil sa suportang kanilang matatanggap mula sa mga Kristiyano, at kapwa Muslim at katutubo na sumusuporta sa kanila. “We’re trying to offer these experiences to our people so we can finally move the system forward and lead the status quo. We will not abandon our struggle. We also believe that we are marching towards victory,” pagtatapos niya.