NAKALUSOT sa butas ng karayom ang De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra University of the East (UE) Red Warriors, 85-82, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Abril 21, sa Mall of Asia Arena, Pasay.
Hindi nagpaawat si Deschon Winston sa panalo niya kontra UE bitbit ang kabuuang 18 puntos, tatlong rebound, at apat na assist. Nag-alab din ang mga galamay nina Kurt Lojera at Balti Baltazar tangan ang kabuuang 31 puntos, 24 na rebound, at tatlong assist.
Sa kabilang banda, bumida para sa UE Red Warriors sina Kris Pagsanjan buhat ang 23 puntos, sampung rebound, at dalawang assist. Sinabayan ni Jeremy Cruz ang best scorer ng UE bitbit ang sampung puntos. Tagumpay ring nag-ambag sa talaan sina Allan Beltran at Abdul Sawat na may pinagsamang 15 puntos, limang rebound, at dalawang assist.
Nagliyab ang mga kamay ng UE Red Warriors matapos ang 5-0 run sa pagsisimula ng unang yugto. Tinapatan naman ito ng DLSU Green Archers sa pangunguna ni Bright Nwanko, 5-all. Matapos nito, tila hirap na makabuno ng marka ang magkabilang koponan. Napako sa siyam ang iskor ng koponang Green and White na may apat na team foul sa natitirang dalawang minuto ng kwarter. Buhat nito, nagtapos ang unang kwarter pabor sa UE, 9-20.
Sa pagbubukas ng ikalawang yugto, sinubukang umahon sa pagkakadapa ang DLSU at agad na nagpamalas ng liksi si Winston, 12-25. Hirap umukit ng puntos mula sa free throw line ang Green Archers ngunit hindi nagpatinag ang pambato nito na si Evan Nelle matapos sumindak ng tres, 29-28. Sa kabila nito, natapos ang ikalawang yugto sa iskor na 32-all.
Agad namang kumawala ang UE Red Warriors mula sa dikit na laban matapos mailista ang 6-0 run sa pagbubukas ng huling kalahati ng laro, 32-38. Pinilit naman ng Taft-based squad na habulin ang kalamangan sa pangunguna nina Mark Nonoy at Nwanko, 39-40.
Sa pagpatak ng ikalimang minuto ng kwarter, nabuhayan ang mga kamay ng magkapatid na Kyle at Nicholas Paranada matapos makapagbuslo ng tatlong tres para sa Red Warriors, 44-52. Buhat nito, naghihingalong hinabol ng Green Archers ang kalamangan ng katunggali ngunit nagpatuloy ang pag-arangkada ng Red Warriors at tinapos ang ikatlong kwarter, 48-57.
Hindi naman nawalan ng pag-asa ang Green Archers matapos nilang idikit ang talaan sa pamamagitan ng kanilang 7-0 run sa unang tatlong minuto ng ikaapat na kwarter. Matapos nito, waging masungkit ng Green Archers ang kalamangan sa pangunguna nina Nonoy, Winston, at Baltazar, 69-67. Gayunpaman, tila nagdilang-anghel para sa UE Red Warriors si Beltran matapos niyang ipasok ang bola sa huling segundo ng laro, 69-all, dahilan upang magkaroon ng overtime.
Nagpatuloy ang dikit na labanan sa pagitan ng dalawang koponan sa unang dalawang minuto ng overtime, 73-all. Naging makapigil-hininga ang sagutan ng Red Warriors at Green Archers hanggang sa huling minuto, 78-all. Gayunpaman, nagawang magpakitang-gilas ni Nonoy para maibulsa ang limang puntos na kalamangan sa huling 20 segundo ng laro.
Pinilit namang habulin pa ni Pagsanjan ang kalamangan ng DLSU matapos makapagbuslo ng dalawang magkasunod na dos sa huling 12 segundo ng laro, 83-82. Subalit, sinelyuhan na ng kapitan ng DLSU Green Archers Baltazar ang kanilang ikapitong panalo matapos ipasok ang kaniyang dalawang free throw, 85-82.
Naunawaan naman ni Derrick Pumaren ang matinding pinagdaanan ng koponan para masungkit ang panalo. “We really had to dig deep to get this win. I think UE really played well,” wika ng head coach ng DLSU Green Archers.
Matutunghayan ang susunod na laro ng DLSU Green Archers kontra UP Fighting Maroons sa darating na Sabado, Abril 23, sa ganap na ika-4:30 ng hapon.
Mga Iskor:
DLSU 85 – Winston 18, Lojera 17, Baltazar 14, M. Phillips 12, Nonoy 11, Nwankwo 5, Nelle 3, Escandor 2, Galman 2, Cuajao 1.
UE 82 – Pagsanjan 23, K. Paranada 13, Cruz 10, Beltran 9, N Parnada 9, Escamis 7, Swat 6 , Lorenzana 5.
Quarterscores: 9-20, 32-32, 48-57, 69-69, 85-82