Idinidikta ng iba’t ibang biolohikal na aspekto ang mga katangian at pisikal na kaanyuan na maaaring mamana ng isang indibidwal. Makikita ito sa hugis ng mukha, kulay ng mata, at maging sa uri ng dugo na dumadaloy sa ating mga sistema. Liban dito, namamana rin natin ang mga kuwento, karanasan, at paniniwala na ibinabahagi sa atin ng pamilya. Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, nakapaloob din sa mga pamanang ito ang mga hindi kaaya-ayang aspekto na nagiging sanhi ng generational trauma.
Binibigyang-kahulugan ng Sikolohiya ang generational trauma bilang isang uri ng trauma na naililipat ng isang henerasyon sa henerasyong sumusunod sa kanila. Maaaring bunga ito ng mga hindi natugunang karanasan ng trauma, depresyon, at adiksyon. Dahil dito, naipapasa ng isang indibidwal ang mga sintomas at kilos sa kanilang pamilya nang hindi nila namamalayan. Hindi madaling matukoy ang bunga ng generational trauma. Madalas itong nakakubli, ngunit madalas itong lumalabas sa ating pag-uugali. Makikita ito sa paraan ng pakikipag-ugnayan natin sa ibang tao, pagpapakita ng galit, at pagtingin sa ating mga sarili.
Marami sa atin ang nag-aakalang normal lamang ang manipestayson nito sa bawat pamilya. Ang pag-aakalang ito ang nagiging sanhi ng pagsasawalang-bahala at patuloy na pagpapalawak ng impluwensiya ng generational trauma.
Sa pagharap sa usaping ito, kinakailangan nating unawain na may mga pamilyang hindi magiging bukas sa pagtanggap ng kanilang kamalian. Dahil tulad mo, bunga lamang din sila ng kanilang mga karanasan. Ngunit hindi ito sapat na pamantayan upang bigyang-katuwiran ang pasakit na ibinato sa ating mga harapan.
Kung susuriin natin ang herarkiya ng pamilyang Pilipino, madalas na pumapalihis ang mga nakatatanda sa komprontasyon sa pamamagitan ng depleksyon. Nakatatak na sa kanilang mga isipan na bahagi ng pagiging pamilya ang mga negatibong aspekto na kaakibat nito. Ngunit sa pakikinig sa pananaw ng mga nakatatanda, mauunawaan mo rin ang mga naratibo at karanasang nagiging sanhi ng kanilang trauma.
Tunay nga na kalinga at komunikasyon ang nagsisilbing pundasyon ng isang matibay na tahanan. Kaya’t nararapat lamang na kilalanin ang mga negatibong pamana na patuloy na umiiral sa loob ng bawat pamilya. Sa pamamagitan nito, unti-unti nang madi-diskarga ang mga pag-uugaling nagiging sanhi ng lamat at hindi pagkakaunawaan.
Ito ang tunay na hamon sa ating lahat. Bumuo tayo at mag-iwan ng isang makatarungang lipunan na ikararangal nating ipamana. Hindi man kayang tapalan ng isang henerasyon ang lahat ng sugat na kaakibat ng panahon, mayroon naman tayong pagkakataon upang maitama ang susunod nating mga desisyon.