KAKARIPAS ang mga paa at masusubok ang katatagan ng mga kandidatong tumatakbo sa pagkapangulo sa gaganaping Presidential Triathlon Meet sa Mayo 10, sa Okraday Resort Hotel Manila. Bubuuin ang paligsahan ng tatlong yugto: paglangoy sa Ilog Pasig kasama ang dagat ng basura, pagpidal sa kahabaan ng EDSA habang naka-Iron Man suit, at pagtakbo mula sa kahabaan ng Tondo patungo sa Dolomite Beach.
Sa likod ng BTS the scenes
Inilista ng Cumm of Erections (CUMEREC) ang sampung kandidato ngunit anim lamang sa kanila ang pangunahing tinitingnan ng taumbayan na mananalo. Kabilang dito sina BP Le-knee Pinkachu, Boom-boom Narcos, Ping-ping-ping Lasson, Disko Morenow, at Papara Pakyau.
Ayon sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) kay Pinkachu, nililibot niya ang iba’t ibang parte ng bansa upang masanay sa pagtakbo. Samantala, ibinida naman ni Pakyau ang pagbisikleta at paglangoy sa loob ng sariling mansyon bilang paghahanda sa tunggalian. “Walang makapipigil sa akin at alam kong malaki ang chance na ako ang mananaig, andito naman si Jenky mylabs at Mame Dee palagi sa tabi ko,” himutok ng boxer-turned-politician.
Sa kabilang banda, ibinahagi naman ni Lasson na pinahahalagahan niya ang kalidad ng mga kagamitan sa pag-eensayo, tulad ng pagtakbo gamit ang Air Jordan 1. Estratehiya naman ni Morenow ang magpapak ng burger upang lumakas ang kaniyang 2-joints sa tuhod.
Hindi naman sumulpot sa panayam ng BUKAKA si Narcos dahil kailangan niya raw munang aralin ang pormat ng panayam. “Respect his opinion and decision na lang, hindi naman po required ang interview na ‘yun ‘di ba?” pahayag ng kampo ni Narcos.
Sistema ng karera
Matira matibay—ganito mailalarawan ng mga kandidato ang hamong nakasukbit sa kanilang mga balikat sa pag-asang makapagpamalas ng angking katatagan. Bilang warm up sa paligsahan, babandera muna sa zumba ang presidentiables sa ballroom hall ng Okraday na pangungunahan ng Gong-saga sisters kasama ang Tropang Potchi. “We are very honored to be part of this special event, for sure magiging proud ang aming mommy Pintzz!” wika ni Stonks Gong-saga habang sumasayaw ng Roar at winawasiwas ang kaniyang props na latigo.
Magsisimula ang paglarga ng presidentiables sa paglangoy ng apat na kilometro sa Ilog Pasig upang makamtan ang inaasam na endoso ng alkalde na si Biko Sutu. Pagkatapos nito, hahantong naman sa pagpidal ng 20-kilometro sa EDSA. Buhat ng tensyon at mas mataas na antas na labanan, pagsusuotin ang bawat kalahok ng Iron Man suit upang masiguro ang proteksyon mula sa mga troll at paparazzi. “Makabubuti ito para ‘di masayang ‘yung artistahin kong kutis,” patutsada ni Morenow.
Sunod namang babagtasin ng mga kalahok ang kahabaan ng Tondo na sampung kilometro ang layo patungo sa Dolomite Beach. “This is a great opportunity for me. This is the right time to prove na mali ang mga binabato sa akin ng bashers na maarte at hindi ko kayang tumayo nor tumakbo nang mahabang oras suot ang high-heel shoes,” ani Pinkachu .
Sa pag-aasam na mabalangkas ang bantayog ng kasikatan, hindi maikakaila na kapangyarihan at pansariling interes pa rin ang puntirya ng karamihan sa mga kandidato. Sa dulo ng hanay, magkakaiba man ang mga taktika at pamamaraan ng pagsasanay, isang kalahok lamang ang mananaig para sa inaasam na panunungkulan.