GANAP NANG INILUNSAD bilang bagong opisyal na kurso ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang Bachelor of Science in Organizationism (BS Org) sa susunod na akademikong taon, sa ilalim ng Kolehiyo ng Malalayang Sining (CLA). Ito na ang ikalawang BS na kurso sa ilalim ng CLA kasama ng BS Psychology.
Pagbubuo sa kurso
Sa eksklusibong panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) kay Bang Tan, vice president for Events Planning and Logistics (EPaL), inilahad niya ang mabusising proseso sa pagbuo ng kursong BS Org. Aniya, “It was hard for us to establish this course mainly due to the fact that this course will be one of the hardest to be offered in our University.”
Kinapanayam din ng BUKAKA si Dr. Kerah Tin, vice president for Development, Archiving Services, and Brainstorming (DASerB), tungkol sa pagkakatalaga ng BS Org bilang ganap na kurso sa ilalim ng kaniyang pamamahala. Pahayag ni Tin, isang malaking karangalan na mapabilang sa listahan ng mga kurso ng CLA ang BS Org. Inaasahan din niya na magiging mainit ang pagtanggap ng mga estudyante sa naturang kurso.
Sang-ayon sa naging pahayag ni Tan, isiniwalat din ni Tin na ang BS Org ang isa sa magiging pinakamahirap na kurso sa Pamantasan dahil sa dami ng mga kinakailangang rekisito sa bawat asignatura nito. Malaki rin ang paniniwala niya na marami ang lilipat ng kurso mula sa kani-kanilang mga kolehiyo patungo sa BS Org.
Proseso ng pangangapit-kurso
Inaasahan na magsisimula nang tumanggap ang BS Org ng mga estudyante sa susunod na akademikong taon. Ayon kay Tin, isa sa mga kwalipikasyon bago makapasok sa kursong ito ang pagiging kabilang sa hindi bababa na apat na organisasyon ng Pamantasan. Kinakailangan ding aktibo ang mga estudyante sa mga naturang organisasyon bilang rekisito sa paglipat.
Kaugnay nito, maglalabas ang CLA ng isang Google Form na maaaring sagutan ng mga estudyante sa oras na naisin nilang mag-apply sa naturang kurso. Matapos nito, bibigyan sila ng pagkakataong pumili ng iskedyul ng kanilang panayam sa pamamagitan ng isang Google Sheet. Saad ni Tin, “Kung tutuusin, for formality lang talaga ‘yung interview kasi lahat naman sila tatanggapin naman for the sake of inclusivity.”
Sa kauna-unahang pagkakataon, mananatili sa isang block lamang ang mga estudyante sa buong pananatili nila sa Pamantasan. Sang-ayon sa inaprubahang kurikulum, magtatagal ang BS Org nang apat na taon. Ilan sa mga kursong kabilang sa flowchart ng BS Org ang paggamit ng Google Forms, Google Sheets, at Canva para sa mga gawain sa kani-kanilang mga organisasyon. Kabilang din sa pag-aaralan ang epektibong pamumuno at pakikitungo sa organisasyon o effective leadership.
Saloobin ng mga org is lyf
Ikinatuwa ng ilang mga Lasalyanong matagal nang naghahangad ng programa ang pagtatatag sa kurso. Anila, may hatid itong malaking tulong upang mas mapagbuti nila ang mga aktibidad sa kanilang mga organisasyon.
Ayon kay Org A. Nik, ID 121 ng kursong AB Political Science, mas mabibigyang-pokus niya ang mga gawain sa kaniyang mga sinalihang orgs kapag lumipat siya sa naturang kurso. Pahayag niya, “Napapansin ko na napapabayaan ko na ang mga orgs ko dahil masyado akong maraming ginagawa sa mga subjects ko huhu. Kaya natutuwa ako dahil mayroon nang programang nakapokus sa mga gawaing pang-orgs.”
Ibinahagi naman ni Rain O. Shine, ID 119 ng kursong BS Industrial Engineering, na nabawasan ang panahon ng kanilang panunungkulan sa mga organisasyon dahil sa mga pagbabago sa academic calendar. “Sayang talaga at hindi ko na kaya pa i-extend ang aking stay as an officer of my org,” pahayag niya.
Sa kabilang dako, binatikos naman ng ilang estudyante ang pagdaragdag ng kursong BS Org. Ayon kay Chill Lang, ID 118 ng kursong BS Biology, hindi ito karapat-dapat na ituring bilang opisyal na kurso dahil naniniwala siyang istres at burnout lamang ang mapapala ng mga estudyante sa kursong ito. “I just get work, pare, but like I don’t get paid and I need to know pa all these hassle processes. Stress lang ‘yan, mah dude,” aniya.
Sinang-ayunan naman ito ni Aba Aba, isang propesor ng College of Computer Studies, na hindi dapat itinatag ang kurso. Paliwanag niya, “Sagabal lamang ito sa mga academics ng students at dapat ito ang kanilang priority.”