TINANGGALAN NG PANGIL ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang mababangis na University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers matapos tambakan sa kanilang ikalawang pagtutuos, 112-83, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Abril 19, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Bumulusok para sa koponang berde at puti si Deschon Winston matapos maukit ang kaniyang tumataginting na career-high sa UAAP na 33 puntos, apat na rebound, at dalawang steal. Nanguna rin para sa Green Archers ang kapitan na si Balti Baltazar na pumukol ng 17 puntos, pitong rebound, pitong assist, dalawang steal, at isang block. Nagliyab din ang mga daliri nina Evan Nelle at Mike Phillips nang makapundar ng pinagsamang 31 puntos upang masungkit ang ikaanim na panalo sa torneo.
Nanguna naman para sa Growling Tigers si Paul Manalang na nakapagtala ng 14 na puntos at tatlong rebound. Umalalay naman sa kaniya si Bryan Santos na mayroong 13 puntos, pitong rebound, at isang steal kasama si Sherwin Concepcion na pumuntos ng 12.
Sa simula pa lamang ng unang kwarter, lumiyab agad ang mga galamay ni Winston matapos pumasok ang kaniyang floater, 2-0. Nagpatuloy ang kaniyang pag-arangkada matapos pumukol ng tres na nagpaangat sa DLSU bitbit ang pitong kalamangan, 9-2. Umalpas din si Baltazar matapos niyang sumalaksak at umani ng isang malahalimaw na block kay Joshua Fontanilla.
Nagpatuloy ang pagbulusok ni Winston nang maipasok ang kaniyang umaapoy na tres upang tuluyang umabante ang Green Archers, 25-8. Hindi naman nagpatinag ang koponang mula España matapos magtagumpay ang mababangis na tirada ni Concepcion sa labas ng arko, 32-14.
Nagkaroon naman ng foul trouble ang DLSU na sinulit ng UST upang maibaba ang kalamangan nito. Nagpakitang-gilas din si Deo Cuajao bago matapos ang unang kwarter mula sa kaniyang buzzer-beater layup, 36-21.
Sa pagbubukas ng ikalawang kwarter, agad na nagparamdam si Big Motor M. Phillips matapos maipasok ang kaniyang putback, 38-21. Sa kabila nito, patuloy ang foul trouble at turnovers ng Taft-based squad na sinamantala ng Growling Tigers matapos makagawa ng 4-0 run sa tulong ng mga freethrow ni Fontanilla at isang putback ni Dave Ando, 38-25. Tinuldukan naman ni M. Phillips ang pananalasa ng UST nang maipasok ang kaniyang perimeter shot, 40-25.
Sinubukan namang ibaba ng mga tigre ng España ang kalamangan ng mga taga-Taft nang biglang umariba si Manalang nang magkakasunod na tres. Umani rin ng isang nakagugulat na four-point play si Manalang matapos pumasok ang kaniyang tres at makasungkit ng foul, 44-31. Sa kabila nito, hindi naapula ng UST ang pagpapamalas ng bagsik ni M. Phillips sa loob na sinundan pa ng pagpuntos ni Kurt Lojera, 54-38. Nagawa namang ibaba ng Growling Tigers ang kalamangan ng Green Archers sa 12 puntos bago matapos ang ikatlong kwarter, 58-46.
Walang-pakundangang nagpasiklab si Winston sa ikatlong kwarter nang simulan niya ang walang mintis na pagpuntos, 65-46. Matapos makaamoy ng foul trouble mula sa Growling Tigers, patuloy nang pinuruhan ni Winston ang depensa ng katunggali nang sumalaksak siya sa ilalim para lalong iangat ang nakagigimbal na lamang ng DLSU, 80-54. Sinubukan namang humirit ng tres ng España combo guard Nicael Cabañero ngunit agad siyang pinalagan ni Nelle matapos magpakawala ng umaatikabong tirada, 86-61.
Tuloy ang hataw ng Green Archers sa huling kwarter mula sa agresibong panimula ni Cuajao, bagamat agad siyang nadali sa hangtime ni Fontanilla na napatawan ng unsportsmanlike foul. Hindi naman ito sapat upang matinag ang mga kakampi nang magsanib-pwersa sina Nelle at Lojera, 97-67.
Nagbabangayan din ng tres ang magkabilang panig nang sumagot si Santos nang maiinit na tira mula sa labas ng arko kontra kay Nelle, 103-75. Sa pahabol na dunk ni Big Motor M. Phillips at rebound ni outside shooter Ralph Cu, tagumpay niyang pinana ang mga tigre, 112-83. Wagi rin ang Green Archers bilang kauna-unahang koponang makapukol nang mahigit 100 puntos ngayong UAAP Season 84 ng men’s basketball.
Lubos na ikinagagalak ni head coach Derrick Pumaren ang ipinakitang diskarte at disiplina ng Green Archers sa kort. “It was a total team effort for us today,” ani Pumaren sa kaniyang postgame interview.
Pinuri din ng tagapagsanay ang ipinakitang husay ni Winston sa laro. “We were able to execute. Deschon [Winston] really shot well today. The only guy who was able to stop him was me because I took him out,” pabirong pagmamalaki ni Pumaren. Sa kabilang banda, pinasalamatan ni Winston ang kaniyang mga kasama sa koponan. “I couldn’t have done it without my teammates,” pagwawakas ng player of the game.
Umangat ang DLSU sa ikatlong puwesto ng talaan, 6-3, matapos magwagi kontra UST.
Sunod na makalalaban ng DLSU Green Archers ang UE Red Warriors sa Miyerkules, Abril 21, ika-7:30 ng gabi.
DLSU 112 – Winston 33, Baltazar 17, Nelle 16, M. Phillips 15, Lojera 10, Nonoy 5, Cuajao 5, Galman 5, Escandor 2, B. Phillips 2, Cu 2
UST 83 – Manalang 14, Santos 13, Concepcion 12, Cabanero 11, Ando 10, Fontanilla 8, Garing 6, Gomez de Liano 4, Samudio 3, Manaytay 2
Quarterscores: 36-21, 58-46, 86-61, 112-83