Marami na ang nagtangkang palitan ang kantang pang-ehersisyo ni Bayani NotsoBayani na ‘Otso-Otso’ bunga ng kalumaan at hindi na nito paghimok sa mga tao na maging malusog. Noong 2019, nagmungkahi rin si Pangulong Dudung Tererte na palitan sa Maharlika ang pangalan ng bansa bilang pagpupugay sa kulturang pre-colonyal. Subalit, matapos ang pagkanta ng ‘Roar’ ng kilalang artista na si Towni Gunzhaga sa rally ng tumatakbong kandidato na si Blengbong Nyarcos, naisipan nilang palitan at baguhin na lamang ang tinaguriang pambansang kantang pang-ehersisyon ng mga Pilipino. Nagdulot ito ng maraming diskusyon sa social media at napasikat ang mga hashtag na #RoarIsMyAnthem, #TigerIsMyHero, at #TowniRawrRawrRawr.
Pambansang raWr
Sa bigat ng halagang nawawaldas sa kampanya ng kampo ni Blengblong, mababakas na rito ang pagod sa tila ba mala-Paskong may pa aguinaldo upang makahakot ng suporta sa platapormang pagkakaisa. Bunsod nito, hinahayaan na lamang niyang ngu-miyaw ang mala-tigreng pilit na si Gunzhaga nang walang humpay na ‘Roar’ at makabasag taingang ‘Titanium.’ Sa nakaraang mga linggo, tinatayang 22 beses niyang pinilit abutin ang pinakamataas na tono. Gayunpaman, bigo siya rito at bilang resulta, sumandig na lamang sa pag-lip sync.
Bunsod nito, isinusulong ngayon sa Kamara ang Republic Act No. 6969 o Tiger Appreciation Act (TAA) na may layuning bigyan ng pagkilala at pagpapahalaga ang boses na naubos ni Gunzhaga sa kaniyang paninindigan sa kampo ng mga duwag na dagang takot sa debate. Sa naturang batas, mailalantad ang tunay na kulay ng budhi ni Gunzhaga na hindi isinasaalang-alang ang mga dugong dumanak sa kamay ng kandidatong inaangat niya araw-araw.
Masasabing mabilis ang paglaganap ng dagundong na dulot ni Gunzhaga, ngunit hindi nagpatalo ang kampo ng kulay rosas at nagnanais ding mahandugan ng awiting ‘Fireworks’ ni Cutie Perry mula kay opera singer An-An Kuting.
“Tutal sintunado naman ‘yung ROAR ni Towni Gunzhaga, imagine An-An Kuting performing ‘Fireworks’ by Cutie Perry. . . ‘after a hurricane, comes a rainbow’ would be very appropriate transitioning from Duterte to hers,” ani Kamimiyuuh
Tigre sa Konstitusyon
Matatandaang umalulong si Gunzhaga nang banatan niya ang kantang ‘Titanium’ sa pag-asang mahihigitan ang 2.6 bilyon views ng kantang ‘Baby’ ni Jutay Beliber. Subalit, tila isang bitwing hindi maabot-abot ni Gunzhaga ang koro ng kantang Titanium at para mairaos ang awitin humiyaw na lamang siya ng “sabay-sabaaaay” upang maiwasan ang pagkapiyok. Sa kasamaang palad, sumablay pa rin ang mang-aawit dahil mukhang hapong-hapo na ang mga nasa Blengblong rally.
Bunga ng paghihikahos ni Gunzhaga sa Titanium, manananatili pa ring Roar ang paborito ng sambayanan at tuloy-tuloy ang pagsulong sa TAA. Sa kabila ng pagiging isang matapat na Kristiyano, katumbas ng bawat birit niya ng “You’re gonna hear me ROOOOAAAAR” ang tahasang pagpapakita niya ng umaatikabong suporta sa anak ng mamamatay tao na si Blengbong Nyarcos.
Sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) sa mga mag-aaral mula sa Blengblong Burgis Montesowrry (BBM), walang mapagsidlan ang kanilang tuwa nang malamang isinusulong ang bersyong ito bilang pambansang kantang pang-ehersisyo. Ayon kay Oxford Peke, isang Grade 10 honor student sa BBM, sinisimbolo ng pagka-hipokrito ni Gunzhaga na swak na swak sa kaniya ang titulong ‘Utouto Multamedia Scuhr.’
“She stands out among the Saluhzar sisters talaga. Siya lang ang kaisa-isang may kayang makipagsabayan sa mga tiger sa jungle among them, diba? She even surpassed Cutie Perry pa nga. Worth it naman ang pagre-resign niya sa PBB, ayan oh national laughingstock na siya ngayon,” giit ni Peke.
Sa kabilang banda, nag-eensayo na ang B-Force para mailabas sa TiktikToe ang sayaw na kaakibat ng bagong bersyon ng Roar. Ayon sa Seksyon 69 ng naturang panukala, kinakailangang masaulo ng mga estudyante ang sayaw bago pa man magsimula ang face-to-face classes upang magamit ito sa zumba exercises pagkatapos ng flag ceremony at sa iba pang programa. Inaasahang sasayaw ang lahat at ilalagay ang kanilang mga kanang kamay sa kanilang kaliwang pisngi sa puwit sa tuwing ipatugtugtog ang chorus ng ‘Roar’ bilang bagong pambansang kantang pang-ehersisyo.
Kasabay rin ng balitang ito, hindi na makapaghihintay si Gold Bahrista, pangulo ng student council ng Kulungan University, na umindak tuwing oras ng PE at zumba exercises sa kanilang paaralan. Aniya, magboboluntaryo siyang manguna sa pagsayaw ng naturang awitin sa unang araw ng pagbabalik sa paaralan para masiguradong pak na pak ang indayog ng bawat mag-aaral.
Halos mabingi naman daw si Bibi Brah, ang kolokoy na kuya ng bayan, nang marinig ang alulong ng mala-tigreng si Gunzhaga at ipinabatid ang kaniyang galak nang kusang lisanin ang kaniyang programa. Mistulang nagbago raw ang dating host ng Peenoise Bibi Brah mula sa pagiging alagad ng nasa itaas patungo sa pagiging kampon ni Scuhr. Aniya, labis ang takot niya na magmistulang gubat ang kaniyang bahay at tuluyan na itong magiba sakaling humirit muli si Gunzhaga ng isa pang ‘Roar’ kasabay ng sikat na linyang ‘Hello Philippines and Hello World.’
Sa pagsulong ng TAA, unti-unting maisapuso ng publiko ang pambansang kantang pang-ehersisyo, lalo na sa mga susunod na henerasyon. Makatutulong din ito upang mapagkaisa ang bansa na pangunahing isinusulong ng kampo ni Blengbong. Nakatanggap man ng batikos ang panukala, mariin pa rin itong ipinaglalaban ng Kamara dahil sumasalamin ang bagong bersyon ng awitin sa bagong indak at damdamin ng bawat Pilipino na umaasang maging bida.