BIGONG MASUNGKIT ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang panalo laban sa Ateneo De Manila University (ADMU) Blue Eagles, 68-75, sa kanilang ikalawang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Abril 12, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Bumida ang guard na si Kurt Lojera kontra Blue Eagles matapos umukit ng 21 puntos at isang steal. Tinulungan din ni Evan Nelle ang DLSU na makadikit sa talaan ng katunggali sa pamamagitan ng kaniyang 20 puntos, apat na steal, at dalawang assist.
Pinangunahan ni Dave Ildefonso ang pag-ukit ng puntos para sa Blue Eagles sa pagbubukas ng unang kwarter. Agad ring bumida si Schonny Winston sa pagsungkit ng unang puntos para sa Green Archers. Maagang nagpakitang-gilas ang Blue Eagles nang maipasok ni Angelo Kouame ang hook shot at nang mamukadkad sa free throw line si SJ Belangel.
Tinapatan naman ng Green Archers ang katunggali sa pangunguna ni Balti Baltazar nang maipasok niya ang jump shot na sinundan pa ng kaniyang tres. Umarangkada rin sa three-point line ang guard na si Nelle. Gayunpaman, agad na sumagot ng tres si BJ Andrade ng ADMU. Patuloy namang lumiyab ang mga galamay ni Nelle nang pumukol muli ng tres at pinatabla ang talaan, 15-all. Gayunpaman, siniguro ni Tyler Tio na wakasan ang unang yugto nang mailusot ang tres, 18-20.
Sa pagsisimula ng ikalawang yugto, nakakuha ng munting momentum ang koponang Green and White matapos umalagwa sa free throw line si Lojera. Nagpamalas din ng talento ang tambalang Lojera-Nelle nang nakapag-ambag sila ng magkakasunod na dos.
Sa kabila nito, hindi nagpagapi ang koponang Blue and White nang pumukol ng dos mula sa loob ng arko si Raffy Verano. Matapos nito, nagsagutan ng dos ang magkatunggaling koponan nang magpamalas ng dos si Ildefonso at nang waging palusutin ni Lojera ang kaniyang tirada, 28-all.
Buo ang kompiyansa ng dalawang koponan at patuloy na dindepensahan ang kaniya-kaniyang iskor. Nagpamalas naman ng kahanga-hangang dos si Gian Mamuyac. Tagumpay ring ipinasok ni Lojera ang kaniyang floater sa gitna sa kabila ng matayog na depensa ng Blue Eagles. Gayunpaman, tinuldukan ni Ildefonso ang ikalawang yugto matapos maipasok ang kaniyang hook shot sa nalalabing 40 segundo ng laban, 32-35.
Pagdako ng ikatlong yugto, ramdam ng Green Archers ang nagliliyab na kagustuhan ng Blue Eagles na mapasakamay ang kalamangan. Pinangunahan nina Kouame at Andrade ang sunod-sunod na pagpapaulan ng tres, 35-50. Gayunpaman nagpakawala si M. Philips ng sunod-sunod na dos, 45-58. Sa huling bahagi ng naturang yugto, namukadkad ang free throw shots ni Tio, 47-60.
Tuluyang namayagpag ang Blue Eagles sa pagbubukas ng ikaapat na yugto, 47-61. Agad naman itong sinagot ni Lojera nang makapundar ng puntos, 51-63. Hindi naman nagpahuli si Nelle matapos mag-ambag ng tres, 60-71. Sa kabila nito, nagpunyagi ang puwersa ni Kouame at ng kaniyang mga kakampi sa ADMU nang tuldukan ang sagupaan, 75-68.
Susunod na makalalaban ng DLSU ang UST Growling Tigers sa Martes, Abril 19, ika-12:30 ng hapon.
DLSU 68 – Lojera 21, Nelle 20, Baltazar 10, Winston 10, M. Phillips 3, Nonoy 3, Manuel 1
Ateneo 75 – Belangel 15, Mamuyac 15, Ildefonso 9, Andrade 9, Kouame 7, Tio 6, Verano 4, Koon 4, Daves 4
Quarterscores: 21-18, 35-32, 60-47, 75-68