PINAG-ISA NA ang bisyon ng Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat) at Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon), dalawang magkatunggaling partido ng Pamantasang De La Salle (DLSU), matapos nilang ianunsyo ang kanilang partnership upang iendoso ang tambalang Vice President Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan para sa darating na #Halalan2022.
Sa eksklusibong panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) sa mga opisyal at miyembro ng dalawang partido, ibinahagi nila ang kanilang sentimyento sa hindi inaasahang kolaborasyon.
Tugon ng Tapat
Ipinarating ni Saysay Song, presidente ng Tapat, na tumagal ng tatlong buwan ang ugnayan at pag-uusap ng magkabilang kampo. Paglalahad pa niya, “Pinag-aralan at pinag-isipan talaga namin nang mabuti [bago] ituloy ‘yung partnership. . . Kapag elections, hindi dapat tayo pang-kampus lang, dahil Pilipino muna tayo, bago tayo naging Lasalyano.”
Sa naging panayam naman ng BUKAKA sa isa nitong miyembro na si Doggie Angeles, inamin niyang malaki ang gampanin ng ugnayang ito upang makahikayat ng mga kapwa Lasalyano na suportahan ang tambalang Leni-Kiko sa nalalapit na eleksyon. “Aside from engaging on national affairs, magandang sign ‘to na compatible din pala kami sa Santu,” pagbibiro pa niya.
Gayunpaman, ipinahiwatig ni Yass Min, dating miyembro ng Tapat, ang pagkadismaya sa naging kolaborasyon. Pahayag niya, “I expected more from this party. Years of building this solid organization, nasayang lang.” Hindi na niya pinalawig pa ang kaniyang sagot at piniling ilahad na lamang ito sa loob ng partido.
Nagkaroon naman ng kaunting aberya sa kanilang naging Memorandum of Agreement. Ani Song, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang dalawang organisasyon ukol sa pagkakapantay-pantay ng likes at shares. Pagpapaliwanag pa niya, “Naayos naman na namin ‘yung minor problem. After all, ‘di naman ‘to battle ng mas sikat o mas angat, or is it? Charizz!”
Santu-santu si Blengblong
Ayon sa source ng BUKAKA mula sa Santugon na itatago sa pangalang “Joaquin Bordado” dahil may kamag-anak sa UniTeam, siya ang nanghikayat sa kanilang partido upang makipagtulungan sa Tapat para sa nalalapit na Pambansang Halalan. Aniya, “Iyong UniTeam na binuo kasama ang tito ko, parang nag-unite lang ang mga sindikato. . . gusto ko lang maipakita kung paano ang tamang pagkakaisa.”
Sinang-ayunan naman ito ng isa pang opisyal ng Santugon na si Juli Pari Segunda at sinabing, “Bakit ba kasi puro unity dito, unity doon ang sinasabi nila? Ngayon, ibabalik namin sa kanila, nagkakaisa kaming maraming Lasallians against sa kanila.” Dinagdag niya pang hindi dapat ginagawang plataporma ang pagkakaisa dahil nagiging resulta lamang ito ng matiwasay na pamumuno.
Tulad naman ni Min ng Tapat, kinondena ni Darwin Yuz, kauna-unahang pinuno ng Santugon, laban sa isinusulong na bersyon ng dalawang partido ng UniTeam. “Hindi ko ma-gets bakit namin kailangang sumama sa Tapat? I mean, kaya naman namin mag-isa, influential na kami kahit wala sila,” hinaing niya.
Kahit na may pagbatikos sa ilang miyembro ng partido, nanindigan sina Bordado at Segunda na mas marami ang naniniwala sa layon ng proyekto ng Tapat at Santugon. Paglalahad ni Segunda, “Noong una mas nagle-lean ang partido against sa decision pero noong may tumindig na, marami naman ang sumunod. Kailangan na rin kasi nating magkaisa or else malalagot tayo sa next six years.”
Alyansa sa Tawag ng Panahon
Napagdesisyunan ng Tapat at Santugon na pangalanan ang kanilang samahan na Alyansa sa Tawag ng Panahon (ATP) upang mas mabigyang-diin ang pagkakaisa ng dalawang partido sa pag-endoso sa tambalang Leni-Kiko.
Itinanggi naman agad nina Song at Yuz na hindi nila ginaya ang konsepto ng UniTeam sa kanilang pag-iisang loob. Dagdag ni Song, “Hindi kami kumakapit sa #ctto. We dropped our titles off kasi this campaign is no longer about us, ito ay laban para sa bayan.”
Binigyaang-diin din ni Yuz ang kanilang pinag-isang campaign line, ‘Sa Gobyernong TAPAT, SANTUGON ang lahat,’ na tumatayong end goal ng kanilang pagkakaisa. Giit pa niya, “Hindi ibig sabihin na nagkaisa kami ay suporta na kami sa plataporma ni Blengblong ha! Baka na naman may umepal d’yan at sabihing copycats kami.”
Bukod pa rito, nabanggit din ng dalawang kampo na bumuo sila ng proyektong pinangalanang ‘Animo Hunt’ na naglalayong hagilapin sa iba’t ibang sulok ng bansa ang bawat Lasalyano upang ikampanya ang tambalang Leni-Kiko.
Magkaiba man ang pinanggalingan, nanatiling nakasentro ang mga mata ng miyembro ng ATP upang lampasuhin ang UniTeam ng BBM-Sara. Paniniwala ni Segunda, “Kapag nagkaisa ang bawat Pilipino at piniling mamulat sa katotohanan, hindi lang hayahay ang buhay, aba tiyak na doble na ang 13th month pay at doble pa ang Christmas Bonus.”