Nitong Pebrero 24, nagambala ang mundo nang salakayin ng Russia ang bansang Ukraine. Maliban sa panganib at pangambang dulot ng digmaan, ramdam din ng mga Pilipino ang nakasasakal na pagtaas ng presyo ng gasolina na umaabot na sa Php88 kada litro. Kaakibat ng mga numerong ito ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na siyang nagpapahirap sa mga Pilipino, lalo na sa sektor ng mga manggagawa.
Sa panahon ng nakalululang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mundo, inirarason ng administrasyon ang hindi nila pagkontrol dito dahil sa Oil Deregulation Law. Nililimitahan nito ang kapangyarihan ng pamahalaan na mangialam sa presyo ng krudo at sa halip, binibigyang-kalayaan nito ang merkado na magdikta ng presyo.
Naglatag naman ng plano ang administrasyong Duterte nitong Marso upang ibsan ang epekto nito. Ani Duterte, mainam na maglaan ng tumataginting na Php500 kada buwan para sa mga nasa laylayan.
Gayunpaman, isang malaking sampal ito sa mga Pilipino at isa itong pruweba na patuloy na nagbibingi-bingihan ang mga politiko sa mga tunay na hinaing ng masa. Hindi makatuwiran ang Php500 para tapatan ang paghihikahos ng nakararami na dulot ng inflation. Nasakal ang mga Pilipino sa sapilitang paghihigpit nila ng sinturon upang makatipid lamang. Ayuda man kung tawagin, kulang ang halagang ito. Nagdulot ang oil price hike ng pagtaas ng presyo sa lahat ng produktong esensyal sapagkat mahalaga ito sa transportasyon ng iba’t ibang pangangailangan, gaya ng bigas, karne, at gulay. Sa kasalukuyang presyo ng bilihin, hindi sapat ang Php500 upang pambili ng isang kilong menudo na iibsan ang kumakalam na sikmura ng mga Pilipino.
Mahalagang bigyang-pansin ang suliraning ito dahil ang pangunahing biktima nito ang mga nasa laylayan. Batay sa datos ng Commission on Population and Development, 41.5% ng mga gastusin ang inilalaan ng isang ordinaryong pamilyang Pilipino para lamang sa pagkain kaya naman sa pagtaas ng presyo nito, hindi malabong malunod sila sa dagdag-pasakit na idudulot ng inflation.
Sa halip na iahon, pinahihirapan pa nito ang masa, partikular na ang mga nasa industriya ng transportasyon. Walang pakundangang tinanggihan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang petisyon ng mga grupo ng mga tsuper na taasan ng kahit isang piso ang pamasahe. Isang piso! Hindi makatao ang ipagkait ng pamahalaan ang isang piso kahit patuloy na tumataas ang krudong ginagamit ng mga drayber upang magmaneho.
Sa pagtapak tungo sa kinabukasang walang binabalewala, mananatiling kaisa ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa pagtaguyod ng kapakanan ng masang Pilipino. Nanawagan ang APP sa administrasyon na muling rebyuhin ang Oil Price Stabilization Fund at amyendahan ang Oil Deregulation Law. Panahon na upang magsabatas ng mga solusyong maagap at higit sa lahat, makamasa. Naniniwala ang APP na kinakailangan ang mga ito upang magkaroon ng sapat na proteksyon ang mga Pilipino sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at ng mga kaakibat nitong bilihin. Bukod dito, naninindigan ang APP na suspendihin ang excise tax ng mga konsumer at drayber.
Karapatan ng mga Pilipino ng solusyong makatutulong sa kanila, hindi mga solusyong huwad at pabor lamang ng mga nasa kapangyarihan.