NAGKAKAROON ng pagbabago ang takbo ng politika tuwing papalapit ang eleksyon at mistulang marami ang naglilipatan ng partido depende sa naghaharing kampo. Buhat nito, naging dahilan ang mga ito sa agam-agam ng masa hinggil sa kawalan ng katapatan ng mga politiko sa partidong repleksyon ng kanilang ipinaglalaban at prinsipyo. Sa huli, tila nagmukha itong desperadong hakbang upang manatili sa posisyon kahit magbunga pa ito ng hindi magandang imahe sa taumbayan.
Isa ring malaking bahagi ng naturang sistema ang pamamayagpag ng dinastiyang pamilya na nagdudulot upang malimitahan ang hanay ng mga kandidatong maaaring iluklok. Bunsod ng mahigpit nilang pagkontrol sa mga partido, nawawalan na ng pagkakataon ang mga mamamayang pumili ng nararapat na kandidatong may totoong layunin na pagsilbihan ang bayan. Sa bansang laganap ang padrino at walang kasiguraduhan ang pananatili ng mga politiko sa iisang partido, patuloy nitong kinikitil ang esensya ng demokrasya at pinaglalaruan ang sistema ng partido na dapat sanang magrerepresenta sa pangangailangan ng mga sektor sa lipunan.
Nakapipinsalang kultura ng padrino
Nakaugat ang sistema ng padrino sa pag-usbong ng Katolismo noong sinakop ng mga Kastila ang Pilipinas. Sa pamamagitan ng naturang relihiyon, nakasanayan ng mga Pilipino ang magkaroon ng ninong o ninang na nagbunsod upang magkaroon ng espesyal na pagtrato sa isa’t isa. Mas nabibigyan sila ng espesyal na pabor na maaaring umabot mula sa pagpasok sa isang kompanya hanggang sa iba’t ibang klaseng pribilehiyo na tatanawin bilang utang na loob.
Kaugnay nito, unti-unting nagiging bahagi ng lipunan ang sistema ng padrino na nagbibigay ng pabor at espesyal na pakikitungo sa pamamagitan ng nepotismo, pagkakaibigan, at iba pa. Bunga ng ganitong sistema, nagkakaroon ang mga ganid na politiko at mga pribadong sektor ng kakayahang maglahad ng kanilang pansariling interes. Gayunpaman, gustuhin mang iwasan ang sistema ng padrino, mas pinipili na lamang nila maging tapat at sunod-sunuran sa taong nagluluklok sa kanila o pinagkakautangan nila ng loob.
Pagwawakas sa bulok na sistema
Kilala ang mga partido sa bansa bilang mga grupo na may isinusulong na ideolohiya at may sektor na pinagsisilbihan at nirerepresenta sa gobyerno. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Atty. Michael Henry Yusingco, senior fellow sa Ateneo Policy Center, ipinahayag niyang unti-unting nagbago ang mga partido sa nagdaang panahon, masasabing may mas pinaninindigan silang ideolohiya noon at may tunay na serbisyo para sa taumbayan.
Batay sa obserbasyon ni Yusingco sa kasaysayan ng politika sa bansa, malaki ang ginagampanang papel ng dinastiyang pamilya sa pag-usbong ng kultura ng balimbingan, patronage, at iba pa. Bagamat inklinado umanong mapuno ng mga elitista ang Senado at Kongreso, iginiit niyang isinasabuhay pa rin noon ng mga partido ang kanilang mga ipinaglalaban at paninindigan para sa mga mamamayang Pilipino. Subalit sa kaniyang nakikita sa kasalukuyan, tila ginagamit na lamang ang mga partido upang mapangalagaan ang interes ng mga dinastiyang pamilya at mga malalaking pangalan sa politika.
Ipinaliwanag pa niyang itinatag ang partylist system para magkaroon ng pagkakataon ang mga ordinaryong mamamayan na maging bahagi ng pamahalaan. Inamin naman ni Yusingco sa APP na hindi ito nangyayari sapagkat patuloy na pinaghaharian ng mga dinastiyang pamilya ang mga partido at hindi na nagbibigyan ng tunay ang representasyon ang masa sa pamahalaan.
Para naman sa mga balimbing na politiko, naniniwala si Yusingco na motibasyon nila sa kanilang paglipat-lipat ng partido ang kawalan ng istriktong regulasyon at makapangyarihang mga nasa posisyon. “Hindi na sila [partido] natutulak ng serbisyo sa bayan, hindi na sila natutulak ng [pagtingin na] mayroon akong paninidigan,” pahayag niya. Dagdag pa niya, mas madali para sa mga kandidatong lumipat sa kahit anong partido na kanilang napupusuan dahil walang nakasaad na batas na ipinagbabawal ito.
Aniya, kulang pa rin sa mga regulatory measure ang bansa pagdating sa pamamayagpag ng mga dinastiya lalo na’t naniniwala siyang matagal na panahon ang kinakailangan upang tuluyan itong mawakasan at masosolusyonan. Inirekomenda naman niyang ipasa ang mga batas, tulad ng Political Party Development Act para magkaroon ng mas maayos na patarakaran ang mga kandidato, at Freedom of Information Law para makita ng taumbayan ang lahat ng gawain at proseso ng pamahalaan.
Binigyang-diin din ni Yusingco na malaki ang gampanin ng midya pagdating sa pagbabalita ng mga ‘dynasty slayer’ o mga kandidato na hindi bahagi ng naghaharing pamilya ng politika. Aniya, paraan ito upang magkaroon ng motibasyon ang mga ordinaryong mamamayan na tumakbo at kalabanin ang mga dinastiyang pamilya.
Dagdag pa ni Yusingco, bahagi ng inilatag niyang solusyon ang pagbabago sa sistema ng edukasyon partikular sa pagtuturo ng edukasyon sa sibiko at Konstitusyon.
”Kung simula’t sampul eh lahat ng Pilipino, talagang naniniwala dun sa Konstitusyon natin na sinasabing ‘Public office is a public trust,’ kung talagang isinasapuso nila iyon, sa tingin mo boboto pa tayo ng mga walang kwenta? Syempre hindi na,” paliwanag niya.
Sa huli, hinimok ni Yusingco ang mga kabataang botante na gamiting instrumento ang social media sa pagkilatis sa mga kandidato sapagkat dito nila matutuklasan ang mga plataporma, panindigan, at mga diskurso ukol sa mga tumatakbong kandidato.
Tila naging malaking bahagi na ng kultura sa gobyerno ang sistema ng padrino, ngunit maaari pa rin itong mawakasan sa pamamagitan ng masusing pagkilatis sa mga kandidato. Higit sa mga pangako at plataporma ang kinakailangang bigyang-pansin, obligasyon din ng bawat isang sinimulang tuldukan ang nepotismo, palakasan, at iba pang uri ng utang na loob na nagtutulak sa maraming problema at kalupitan sa politika. Mayroong hangganan ang utang na loob at hindi sapat na itaya natin ang ating kinabukasan at pag-unlad ng bansa sa mga taong nakaangkla lamang sa sistema ng partido. Lagi’t laging kalakip ng demokrasyang ating tinatamasa ang pagsasabuhay sa isang sistemang kumakatawan at tumutugon sa pangangailangan ng sambayanan.