MATAGUMPAY NA SINUOT ng Creamline Cool Smashers ang korona kontra Petro Gazz Angels, 25-18, 15-25, 25-23, 25-16, sa kanilang huling laban sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, April 8, sa Ynares Center, Antipolo.
Umarangkada para sa kampo ng mga naka-rosas ang kapitana at finals Most Valuable Player (MVP) Alyssa Valdez nang umukit siya ng 20 puntos, tatlong service ace, at tatlong block sa Game 2 ng best-of-three finals. Umarangkada naman ang conference MVP at best opposite spiker Tots Carlos nang magtala ng 16 na puntos. Kasamang umalpas para sa Cool Smashers si Jema Galanza kalakip ang kaniyang 17 puntos sa buong laro.
Matibay rin ang naging depensa ng Creamline matapos itong pangunahan ni Celine Domingo tangan ang kaniyang limang blocks. Sa kabilang banda, nakalikom ng 14 na excellent dig at 20 excellent reception si Kyla Atienza upang paigtingin ang kanilang floor defense.
Pinangunahan naman ni Nicole Tiamzon ang Petro Gazz Angels sa kaniyang unang finals appearance sa PVL matapos magpakawala ng 14 na puntos, dalawang service ace, at dalawang block. Sinabayan pa ito ni Myla Pablo at MJ Phillips nang makapagsalaksak ng tig-13 puntos. Tumindi pa lalo ang digmaan sa depensa bunsod ng matibay na pagsalo ng tirada ni Bang Pineda tangan ang kaniyang 19 na excellent dig at 16 na excellent reception.
Agad na umariba ang Petro Gazz nang pumukol ng service ace si Tiamzon at pumuntos mula sa spikes ang kaniyang mga kakampi sa simula ng unang set, 0-3. Hindi naman nagpatinag ang Creamline matapos ang malabombang palo ni Carlos, 2-3. Sinubukang tapusin ni Aiza Maizo-Pontillas ang pagbulusok ng mga naka-rosas ngunit sinaraduhan siya ng malapader na block nina Valdez at Domingo, 4-all. Agad ring umarangkada ang Creamline matapos makagawa ng 5-0 run na pinangunahan ng nakagigimbalang kombinasyon nina Jia De Guzman, Carlos, Galanza, at Panaga, 12-10.
Naging mautak sa mga atake ang Creamline kaya lalong nahirapan ang Petro Gazz na makabawi. Bilang tugon, pinagana ng Angels ang kanilang depensa sa net. Nakagawa rin ng momentum ang Angels ngunit nasisira ito bunsod ng kanilang mga error. Buhat nito, lumiyab nang tuluyan sina Carlos at Galanza mula sa kanilang mga pasabog na atake, 22-16. Sinubukan namang humabol ng Petro Gazz nang ipasok ni Coach Yee si Gretchel Soltones ngunit hindi naging sapat upang apulahin ang Creamline. Inutakan ni Valdez ang kaniyang palo at sinundan ito ng malasak na atake ni Carlos para tuldukan ang unang set, 25-18.
Pagdating ng ikalawang set, umarangakada agad ang Petro Gazz kalakip ang pagsiklab ng opensa ng koponan, 3-9. Lumiyab sa atake at depensa ang Angels na lalong nagpalayo sa kanila sa Cool Smashers, 7-13. Nagpakitang-gilas din si Aiza Maizo-Pontillas at tinuldukan ang long rally mula sa kaniyang off-speed hit, 7-14. Agad naman itong binawi ng conference MVP Carlos matapos patamain ang bola sa zone 1, 8-14. Gayunpaman, hindi napigilan ng mga naka-rosas ang pagbulusok ng Angels. Bukod kay Pontillas, sumiklab si Remy Palma nang maipadama niya ang bagsik ng kaniyang running attack, 14-22.
Hindi rin nagpaawat si Saet matapos pumukol ng isang mabagsik na service ace upang makaabante sa ikalawang set, 14-23. Sa kabilang banda, inulan ng masasakit na error ang koponan ng Creamline. Nakapagtala ang Cool Smashers ng kabuuang sampung error na nagpalubog sa kanila sa ikalawang set. Bunsod nito, lalong umangat at napasakamay ng Angels ang ikalawang set, 15-25.
Tumambad sa pagbubukas ng ikatlong yugto ang tirada ni Pablo na nakalusot mula sa mga kamay ng Cool Smashers, 1-all. Matapos makapuntos ni Phillips gamit ang slide attack, 3-all, umambag naman ito sa depensa sa net nang iparamdam kay Domingo ang kaniyang malabubong na block, 3-4. Nahirapan namang pigilan ng depensa ng Petro Gazz ang umaatikabong atake ni Galanza sa open, 5-4. Gayunpaman, nagawang tablahin ni Pablo ang iskor matapos bantayan ang tirada ni Galanza sa opposite, 9-all. Matagumpay din sa 1-2 play si De Guzman at sinundan pa ng malabombang cross court hit ni Galanza upang mapasakamay ang kalamangan, 15-14.
Napatumba naman ni Pablo ang katunggali nang mawatak ang depensa nito gamit ang off-speed, 21-19. Hindi umubra ang tirada ni Maizo-Pontillas sa depensa sa net ni Panaga, 24-22, ngunit agad siyang binawian ni Palma gamit ang running attack, 24-23. Tinuldukan ni Carlos ang ikatlong yugto matapos niyang pumuntos sa gitna ng kort sa kabila ng triple block na nakaabang sa kaniyang atake, 25-23.
Bitbit ang motibasyong patahimikin ang pag-arangkada ng Petro Gazz, sinimulan ni Galanza ang ikaapat na set sa pamamagitan ng crosscourt hit, 1-0. Sinagot naman ito ng service ace ni Seth Rodriguez at dump shot mula kay Phillips, 3-4. Tumindi pa lalo ang floor defense ng parehong koponan matapos magsagutan ng mabibigat na tirada ngunit tuluyang napako ang mga paa ng Petro Gazz matapos ang off-speed hit ni Domingo, 6-9. Pinangunahan ni Galanza ang pagtangkang agawin ang kalamangan sa katunggali na sinundan pa ng service ace ni Domingo para sa kanilang 11-1 run.
Maigi namang binantayan ni Tiamzon ang atake ni Galanza at nakuha ang block point para sa Petro Gazz, 16-11. Gayunpaman, muling nailusot ni Galanza ang kaniyang tirada, 17-11. Patuloy pang niyurakan ng Cool Smashers ang natitirang pag-asa ng Petro Gazz na idikit ang iskor matapos payungan ang atake ni Tiamzon, 21-16. Hinatid naman ni Valdez patungong championship point ang Creamline sa pamamagitan ng kaniyang service ace. Sinabayan naman ito ng quick ni Domingo upang makamit ang kampeonato sa torneo, 25-16.
Sa kabila ng pighati nang mapadapa ng Cherry Tiggo Crossovers sa finals noong nakaraang taon, ipinakita ng Creamline Cool Smashers ang kanilang determinasyon na makabawi upang makabalik sa trono. Dahil dito, napasakamay muli ng Creamline ang kampeonato. Nakamit naman ng Petro Gazz Angels ang ikalawang puwesto, habang lumapag ang Cignal HD Spikers sa ikatlong puwesto.
Mga Iskor:
Creamline Cool Smashers 90 – Valdez 20, Galanza 17, Carlos 16, Domingo 12, Panaga 5, De Guzman 4
Petro Gazz Angels 82 – Tiamzon 14, Pablo 13, Phillips 13, Pontillas 6, Rodriguez 6, Sabete 4, Palma 3, Saet 3