NAMAYAGPAG ang DLSU Green Archers matapos takasan ang banta ng AdU Soaring Falcons, 61-58, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Abril 9, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Pinangunahan ni Joaquin Manuel ang pag-arangkada ng Green Archers matapos niyang makalikom ng 14 na puntos, anim na rebound, at dalawang assist. Hindi rin nagpahuli si Evan Nelle at Deschon Winston na may pinagsamang 22 puntos upang masungkit ang ikalimang panalo sa unang yugto ng torneo.
Nagpakitang-gilas din para sa Soaring Falcons si Jerom Lastimosa matapos tumikada ng 15 puntos at pitong assist. Inalalayan din ni Lenda Douanga ang koponan sa kabuuang laro tangan ang 11 puntos, 11 rebounds, at tatlong block.
Maagang ipinaramdam ng Green Archers ang bagsik nito nang makapukol ng tres si Nelle, 3-0. Gayunpaman, sinundan ito ng dos ni Winston, 5-1. Umariba naman para sa Soaring Falcons si Douanga nang maipasok ang dos, 10-7. Sa kabila nito, pinangunahan ni Nelle ang opensa ng Green Archers matapos tumikada ng tres, 15-7. Gayunpaman, umariba rin si Ahmad Hanapi matapos sumagot ng tres, 15-10.
Tinangkang pumuntos ni Winston sa labas ng arko ngunit sinamantala na ni Keith Lastimosa ang pagkakataong makapuntos para sa Soaring Falcons, 15-12. Itinabla naman ni Hanapi ang bakbakan nang maipasok ang kaniyang free throw sa pagtatapos ng unang kwarter, 15-all.
Tumindi pa lalo ang dikdikang sagupaan sa ikalawang kwarter matapos ang matagumpay na tres ni Lastimosa upang tapyasan ang kalamangan ng Green Archers, 19-20. Nagsimula ring lumiyab ang kamay ni Douanga matapos magbuhos ng apat na puntos para sa Soaring Falcons, 23-24.
Sinubukang ibalik ng Green Archers ang kalamangan nang makapuntos si Kurt Lojera mula sa isang jumper, 26-25. Sinabayan pa ito ng mid range jumper ni Winston, 28-25. Inabuso pa lalo ng koponan ang naghihingalong opensa ng katunggali nang palakasin ang depensa nito, 30-25. Nahirapan ding umabante ang Soaring Falcons bunsod ng matibay na depensa ng tambalang Bright Nwankwo at Michael Phillips na sinarado ang unang yugto hawak ang apat na puntos na kalamangan, 30-26.
Sa kagustuhang makahabol sa lamang ng Green Archers, agad na sinimulan ni Vince Magbuhos ang ikalawang kalahati ng laro matapos makapagbuslo ng isang tres para sa Soaring Falcons, 30-29. Nagpatuloy ang dikit na laban ng dalawang koponan matapos ang layup nina Lastimosa at Magbuhos, 33-all. Nagliyab naman ang mga kamay ni Manuel matapos makaukit ng back-to-back na tres na nagpalobo ng lamang ng Taft-based squad, 41-33.
Hindi naman nagpatinag ang Soaring Falcons matapos makapagtala ng 7-0 run na tumapyas sa sampung kalamangan ng DLSU, 43-40. Nanatili rin ang mahigpit na depensa ng magkabilang koponan, dahilan upang bitbitin ng Green Archers ang kalamangan ng ikatlong kwarter, 45-42.
Naging mainit ang sagupaan ng dalawang koponan sa huling kwarter ng laro matapos magpakawala ni Hanapi ng tres, 45-all. Nagpatuloy naman ang pag-arangkada ng Soaring Falcons matapos ang sunod-sunod na puntos nina Lastimosa, Douanga, at Cedrick Manzano, 45-53. Nag-alab naman ang opensa ng Green Archers matapos mailapit nina M. Phillips at Winston ang iskor, 52-53.
Sa huling minuto ng laro, nagawang agawin ni Winston ang kalamangan mula sa Soaring Falcons, 56-55. Nakapuslit naman si Nelle ng isang tres sa huling 16 na segundo na agad namang sinagot ni Keith Zaldivar ng isa ring tres sa huling sampung segundo, 59-58. Sinubukan pang habulin ng Soaring Falcons ang lamang ng Green Archers ngunit sinelyuhan ni Manuel ang ikalimang panalo ng koponan gamit ang dalawang free throw, 61-58.
Nakapagtala ng 5-2 panalo-talo kartada ang DLSU Green Archers sa pagtatapos ng kanilang laro para sa unang yugto ng UAAP Season 84 Men’s Basketball Tournament. “Mas maganda ‘yung standings namin ngayon [kompara noong UAAP Season 82],” saad ni Balti Baltazar.
Sa muling pagsabak ng koponan sa ikalawang round ng UAAP Season 84, inaasahan ni Head Coach Derrick Pumaren na magiging mas mahirap ang mga laban dito. Abangan ang mga susunod na laro ng DLSU Green Archers sa ikalawang yugto ng UAAP Season 84 Men’s Basketball.
Mga iskor
DLSU 61 – Manuel 14, Nelle 12, Winston 10, M. Phillips 8, Lojera 8, Baltazar 6, Galman 3, Nwanwko 0, Nonoy 0, B. Phillips 0
ADU 58 – Lastimosa 15, Douanga 11, Sabandal 10, Hanapi 9, Zaldivar 5, Manzano 4, Magbuhos 2, Peromingan 2, Yerro 0, Colonia 0, Calisay 0, Erolon 0, Maata 0, Jaymalin 0
Quarterscores: 15-15, 30-26, 45-42, 61-58