BIGONG PATUMBAHIN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons para sa ikalawang puwesto, 59-61, sa unang round ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Abril 7, SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Lumiyab ang mga galamay ng kapitan ng koponang Green and White na si Balti Baltazar matapos makapagtala ng 13 puntos, sampung rebound, at apat na assist. Naging katambal niya ang guard na si Evan Nelle na pumukol ng 13 puntos, dalawang rebound, at dalawang assist.
Nagpahirap para sa DLSU Green Archers ang forward ng Fighting Maroon Zavier Lucero na nakapagtala ng 21 puntos at 14 na rebound. Nagsilbing adbentahe para sa koponan ang pagpapakitang-gilas ni Lucero upang pangunahan ang opensa ng UP at mapanalo ang laban kontra DLSU.
Makapigil-hininga ang naging sagupaan sa pagitan ng Green Archers at Fighting Maroons sa pagbubukas ng unang yugto ng laro. Sinimulan ni Baltazar ang paghataw sa kort nang maibulsa nito ang free throw shots, 3-0. Agad namang bumawi ang sentro ng mga naka-pula Carl Tamayo nang ipukol ang nagbabagang dos, 3-2. Hindi nagpatinag ang dalawang koponan at napanatili ang malakas na depensa na nagresulta ng dikit na bakbakan, 11-all.
Patuloy na namayagpag ang malakas na opensa ni Balti nang makapagtala ito ng magkasunod na puntos na at nagsibling bentahe para sa Green Archers, 15-13. Hindi rin nagpatalo ang sentro ng Diliman mainstays Maodo Diouf nang maibulsa ang magkakasunod na puntos para sa UP Fighting Maroons, 15-16. Sinubukang palawakin ng DLSU Green Archers ang kanilang kalamangan ngunit hindi naging sapat ang kanilang opensa, 17-all.
Muling binuksan ng DLSU Green Archers ang ikalawang yugto nang magsalaksak ng puntos si Nelle, 19-17. Patuloy naman ang pag-arangkada ni CJ Cansino nang pumukol ng tres upang habulin ang iskor ng Green Archers, 21-23. Agad namang binawian ng Green Archers ang katunggali nang muling maibulsa ni Nelle ang magkasunod na puntos, 26-23.
Nagsilbing adbentahe rin para sa Taft-based squad ang nag-iinit na opensa ni Mark Nonoy upang muling palawakin ang kanilang talaan, 32-26. Sinabayan pa ito ng malakas na opensa at matibay na depensa ni Michael Phillips na nagsilbi ring susi upang umabante ang iskor ng Taft mainstays, 35-28. Sa kabila ng madikit na sagupaan, napasakamay ng DLSU Green Archers ang ikalawang yugto, 35-32.
Namukadkad naman sa free throw line ang forward ng Fighting Maroons Lucero. Sa kabilang banda, sagutan ng tres ang ipinamalas ng magkatunggaling koponan nang pumukol ng puntos si Nelle matapos tapatan ang forward ng katunggali na si Spencer. Nagpatuloy naman ang pag-ukit ng kalamangan ng Green Archers nang makapag-ambag ng dos si Baltazar. Tagumpay ring maipasok ni M. Phillips ang bola sa kabila ng matayog na depensa ng UP, 45-41.
Nagpakitang-gilas din si Diouf nang ipamalas ang umaatikabong dunk shot. Batuhan ng dos naman ang ipinamalas ng parehong guard Nonoy at Cansino. Siniguro din ni Nonoy na mapalawak ang kalamangan ng DLSU kontra Fighting Maroons nang bumato siya ng puntos sa labas ng arko na nagsilbing hudyat upang tuldukan ang ikatlong kwarter, 48-43.
Pagsapit ng ikaapat na yugto, umarangkada sa kort si Schonny Winston upang masungkit ng koponang Green and White ang bentahe, 52-45. Agad namang sinundan ng layup ni Baltazar ang walang pintig na pagpuntos ng DLSU upang makaungos ang kampo sa dikdikang sagupaan, 54-49. Gayunpaman, sumiklab ang opensa ng Fighting Maroons nang maitabla ni Joel Cagulangan ang iskor, 54-all.
Hindi na nagpatinag ang UP nang umukit ng tres si Lucero 54-57. Sinikap ding tapyasan ng koponang Lasalyano ang iskor hatid ng maagap na pagpuntos nina M. Phillips at Winston, 59-all. Gayunpaman, kinapos sa pagdepensa ang Green Archers nang muling makaukit ng puntos si Lucero. Sa huli, tuluyang bumaliktad ang ikot ng bola para sa Green Archers at nakamit nito ang pighati ng ikalawang talo sa torneo, 59-61.
Sa kabila ng kabiguan, hindi pa rin nawawalan ng kompiyansa sa sarili ang kapitan ng DLSU Green Archer Baltazar upang makabawi sa mga susunod na laro. “Siguro kung ano man ang bilin ni coach sa second round, ‘yun, ibibigay namin ang best namin, dodoblehin namin ngayon sa practice namin,” pangako ni Baltazar sa kaniyang post-game interview.
Susubukang magwagi ng DLSU Green Archers kontra ADU Soaring Falcons sa darating na Sabado, Abril 9, sa ganap na ika-1 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena.
Mga iskor
DLSU 59 – Baltazar 13, Nelle 13, M. Phillips 9, Nonoy 9, Winston 7, Lojera 3, Galman 3, Nwankwo 2
UP 61 – Lucero 21, Tamayo 9, Caansino 9, Spencer 7, Diouf 7, Cagulangan 5, Fortea 3
Quarterscores: 17-17, 32-35, 43-48, 61-59.