TINULDUKAN ng Creamline Cool Smashers ang ningning ng winning streak ng Petro Gazz Angels, 25-16, 23-25, 25-12, 32-30, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Abril 6, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay.
Masilakbong ibinulsa ng Creamline ang 1-0 lead sa best-of-three na serye ng PVL finals kontra Petro Gazz. Bunsod nito, waging dungisan ng mga naka-rosas ang winning streak sa torneo ng mga naka-pula buhat ang dalawang panalo kontra Cignal HD Spikers noong semifinals. Matatandaang sinimot ng Cignal ang mga nakalabang koponan sa Pool A noong preliminary round para lamang mapatalsik ng Petro Gazz sa semifinals.
Kagila-gilalas namang kumamada ng nagbabagang opensa ang Creamline sa bakbakan matapos magsalansalan ng kabuuang 76 na spike laban sa naghihingalong 41 kill ng Petro Gazz. Nagliyab ang mga palad ng tambalang Alyssa Valdez at Tots Carlos matapos magsalaksak ng tig-26 na puntos para sa Creamline. Sinabayan naman ito ng makapanindig-balahibong 17 marker ni Jema Galanza na naglagablab din sa depensa matapos kumahon ng 18 excellent digs.
Maagang namukadkad ang Petro Gazz sa unang yugto ng sagupaan nang pinayungan nina MJ Phillips at Aiza Maizo-Pontillas ang matitinik na tirada ni Carlos. Nagpatuloy pa ang umaatikabong kemistry ng dalawang atleta matapos magtayo nang malabundok na block para kay Valdez. Agad namag umararo ng puntos ang Phenom na si Valdez bilang ganti sa matayog na depensa ng Petro Gazz at upang mapasakamay ang kalamangan bago mag-timeout, 9-6.
Bumaliktad naman ang kapalaran ni Pontillas matapos ma-block nina Pangs Panaga at Valdez ang kaniyang tirada mula sa kanan. Nagpatuloy pa ang pagpukol ng puntos ni Valdez nang sabayan siya ng kalasag ni Celine Domingo matapos patahimikin ang pagsalakay ng outside hitter na si Jonah Sabete.
Sa kabila nito, hindi nawalan ng kompiyansa si Sabete kaya buong puwersa niyang pinalusot ang kaniyang spike mula sa depensa nina Domingo at Jia De Guzman, 21-16. Gayunpaman, hindi na pinatagal pa ng Cool Smashers ang sagupaan matapos tuldukan ng nakamamanghang running attack ni Panaga ang unang yugto, 25-16.
Sinubukan ni De Guzman na mabigyan ng kahanga-hangang set si Carlos kaya bigo siyang matapatan ni Pontillas. Pinasiklab pa ng Creamline ang sagupaan sa pamamagitan ng rumaragasang tirada ni Carlos, 6-2. Umani man ng anim na kalamangan ang Creamline, nagsimulang lumiyab ang mga galamay ng katunggali nang bumalandra ng running attack si Phillips sa tulong ng set ni Chie Saet, 18-15.
Nagsagutan ng malatore na block ang magkatunggali nang mapigilan ng Petro Gazz ang daplis ng spike ni Valdez mula sa kaliwa, 21-19. Sinundan pa ito ng puwersa ng tandem nina Remy Palma at Myla Pablo na matagumpay na pinataob ang tirada ni Carlos. Pinatabla rin ng naturang koponan ang talaan matapos nito. Nagsilbing pampagising ang momentum na ito para sa mga naka-pula nang wakasan ni Palma ang ikalawang yugto mula sa kaniyang sunod-sunod na service ace, 23-25.
Pagdako ng ikatlong yugto, agad na sinalanta ni Panaga ang pantay-sinding depensa ng Petro Gazz matapos pangunahan ang kanilang 7-1 run mula sa serve at spikes. Sinunggaban naman ito pabalik nina Palma at Gretchel Soltones matapos nilang pumuntos bago saraduhin ng Creamline ang technical timeout, 8-3.
Block party naman ng Creamline ang naging tema ng salpukan matapos ang timeout nang ma-block ng playmaker De Guzman si Soltones sa ikatlong pagkakataon, 12-3. Matapos nito, walang awa pang tinambakan ng mga naka-rosas ang mababang lipad ng mga anghel ng Petro Gazz, 16-5, sa pangunguna ng crosscourt kill ni Galanza. Sa huli, hindi na hinayaang umalingawngaw ng Creamline ang kampanya ng katunggali matapos tuldukan ang ikatlong yugto tangan ang matayog na kalamangan, 25-12.
Agad namang pinagpahinga ng coaching staff ng Petro Gazz si Pablo sa ikaapat na yugto matapos magkaroon ng injury. Gayunpaman, malakidlat na sinarado ng kaniyang kakampi na si Soltones ang technical timeout ng yugto matapos ang kaniyang crosscourt smash, 5-8. Nakapiglas naman ang tambalang Valdez at Carlos mula sa pagkakatali sa maagang kalamangan ng Petro Gazz, 13-11.
Matapos ang ikalawang technical timeout, malabundok na block ang ikinasa ni Phillips kontra kay Galanza upang itabla ang bakbakan, 19-all. Sa kabila nito, pinaupo rin sa labas ng kort si Soltones matapos magtamo ng injury, 21-22. Pinasan naman ni Sabete ang responsibilidad na pangunahan ang mga naka-pula matapos itarak ang kaniyang back-to-back scores papuntang match point, 24-22.
Gayunpaman, nawala nang parang bula ang sikap at abante ni Sabete matapos pangunahan ni Valdez ang clutch plays ng Creamline. Sa huli, ipinalasap ng Creamline ang kapangyarihang taglay ng pagkakaisa at composure sa kabila ng pagkakasadlak matapos pagbidahan nina Carlos at Valdez ang kanilang mga pangwakas na spike, 32-30.
Abangan ang muling paghaharap ng Creamline Cool Smashers at Petro Gazz Angels sa Game 2 ng PVL finals bukas, Abril 8, sa Ynares Center Antipolo.
Mga Iskor:
Creamline Cool Smashers 105 – Valdez 26, Carlos 26, Galanza 17, Panaga 13, Domingo 7, De Guzman 4
Petro Gazz Angels 83 – Phillips 13, Soltones 12, Sabete 11, Pablo 7, Palma 6, Pontillas 5, Tiamzon 2