TINANGGALAN ng pangil ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 75-66, sa kanilang unang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Abril 5, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Hindi mapigilan ang bagsik ng kapitan ng Taft-based squad Justine Baltazar nang makalikom siya ng 20 puntos, limang assist, at pitong rebound. Sinabayan pa ng nag-aalab na mga kamay ng kapwa batikang atleta Kurt Lojera ang kagila-gilalas na laro ni Baltazar matapos makalikom ng 15 puntos at tatlong steal.
Kapansin-pansin din ang pagpapakitang-gilas ni Growling Tiger Nic Cabañero na nakapagtala ng 20 puntos at sampung rebound. Hindi rin nagpahuli si Joshua Fontanilla nang makalikom din ng 20 puntos para sa kaniyang koponan.
Maagang nagpasiklab sa unang pagbubukas ng laro ang DLSU Green Archers nang agad na pumukol ng dos si Baltazar, 2-0. Hindi rin nagpaawat si Fontanilla nang sabayan ang opensa ng naturang Green Archer matapos pumukol ng sunod-sunod na puntos, 2-5. Sa kabila nito, bumawi ang Taft-based squad nang ilabas ni Emmanuel Galman ang kaniyang bagsik sa kort, 9-5.
Sinubukang baliktarin ng mga taga-España ang talaan ngunit patuloy na nangibabaw ang lakas ng depensa ng Taft mainstays. Bagamat mahigit sampu na ang kalamangan ng DLSU, pinaingay ni Cabañero ang kampanya ng kaniyang koponan nang pumukol siya sa three-point area, 21-10. Agad namang bumawi si Michael Philips nang makaukit ng dalawang puntos, 23-14. Sa huli, napasakamay ng Green Archers ang bentahe sa unang yugto, 23-16.
Naging mas mainit ang bakbakang naganap sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng laro nang agad na pumukol ng dos si Fontanilla, 23-19. Hindi naman hinayaan ni Lojera na bumaba ang kaniyang kompiyansa nang makapagtala ng back-to-back points, 28-21.
Hindi rin nagpaawat ang kapitan ng Green Archers Baltazar nang sunod-sunod siyang pumuntos para sa koponan, 38-23. Para sa kabilang kampo, kapansin-pansin ang pagragasa ng opensa ni Fontanilla nang muli niyang pigilan ang momentum ng katunggali, 38-25. Tuluyang natapos ang ikalawang yugto, 42-27, pabor muli sa Taft-based squad.
Pagdako sa ikatlong yugto, ramdam ng Green Archers ang nagliliyab na kagustuhan ng Growling Tigers na padikitin ang talaan. Inumpisahan ito ni Christian Manaytay nang isalpak niya ang bola mula sa kaniyang tirada, 42-27. Gayunpaman, hindi nagpatinag si Lojero nang magpaulan ng sunod-sunod na puntos upang tumaas ang kalamangan ng DLSU, 50-37. Hindi naman nagtagal at agad na tinapos ni Mark Nonoy ang ikatlong sagupaan laban sa dating koponan nang makapag-ambag siya ng tres, 61-44.
Tuluyan namang nabuhayan ang Growling Tigers nang kumana ng tres si Santos sa pagbubukas ng ikaapat na yugto, 61-47. Agad naman itong sinundan ng sunod-sunod na pagsalaksak ng bola nina Fontanilla at Sherwin Concepcion, 67-58. Gayunpaman, hindi ito sapat upang pantayan ang talaan ng DLSU. Matapos ang layup ni Lojera, agad na itinudla ni Evan Nelle ang kaniyang pangwakas na puntos para sa DLSU, 75-64.
Nagsilbing aral para sa buong staff ng DLSU Green Archers ang kanilang kauna-unahang talo sa UAAP Season 84 sa nakalipas nitong laban kontra Ateneo Blue Eagles. “The thing I told to the boys is how we bounce back, we gotta go back to business today. We cannot let the crowds down,” pagbabahagi ni head coach Derrick Pumaren sa kaniyang postgame interview.
Sasabak muli ang DLSU Green Archers kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa Huwebes, Abril 7, sa ganap na ika-10 ng umaga.
Mga Iskor:
DLSU 75 – Baltazar 20, Lojera 15, Galman 13, Phillips M. 8, Nelle 4, Austria 4, Phillips B. 4, Nonoy 3, Winston 2, Nwankwo 2.
UST 66 – Cabañero 20, Fontanilla 20, Santos 9, Manaytay 9, Concepcion 4, Ando 2, Pangilinan 2.
Quarterscores: 23-16, 42-27, 61-44, 75-66.