Isang masalimuot na proseso ang paghahanap sa iyong kinalalagyan sa mundo—maraming bagay ang walang kasiguraduhan, at iba’t iba ang ating karanasan dulot ng pagkakaiba ng ating mga estado sa buhay. Bilang kababaihan sa isang patriyarkal na lipunan, mas mabigat ang kanilang pasanin dahil sa patuloy na pangmamata sa kanilang kakayahang mamuno, tulad na lamang sa mga sektor ng politika, ekonomiya, relihiyon, at iba pa.
Upang palaguin ang diskurso ukol sa posisyon ng kababaihan sa lipunan, inanyayahan ng PUP – Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino (PUP-BSP) ang lahat na makinig sa unang araw ng Talak Serye ‘22: Kapangyarihan ng Kababaihan tungo sa Kaunlaran sa pagtalakay ng Kapangyarihan ng Kababaihan bago ang Kolonisasyon: Ang Babaeng Lider sa Pangkat Etniko ng Pilipinas nitong Abril 2. Sa pagbabalik-tanaw sa ating pre-kolonyal na lipunan, pinatutunayan ng kasaysayan na may lugar ang kababaihan sa mga puwesto ng kapangyarihan noon kaya’t patuloy ang pakikibaka upang makakamit ang pagkakapantay-pantay para sa modernong kababaihan.
Kababaihan sa sinaunang panitikan
Sa katagalan ng pagiging patriyarkal ng ating lipunan, mistulang palaisipan lamang para sa isang makabagong Pilipino ang isang lipunang pantay ang pagtrato sa kababaihan at kalalakihan gaya noong sinaunang panahon. Inilahad ni Dr. Mary Dorothy dL. Jose, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman, ang ilang mga punto bilang patunay sa mahalagang gampanin ng kababaihan sa sinaunang lipunan.
Isa sa mga isyung tinampok ni Jose ang tila pagkawala ng kababaihan sa usaping kasaysayan. Aniya, “. . . Kakaunti lamang ang banggit tungkol sa kababaihan na maaaring magbigay sa atin ng ideya na walang ambag ang kababaihan sa pagbubuo ng bansa o sa anomang yugto ng kasaysayan.” Alinsunod dito ang ilang salik na nagpapanatili sa ganitong pag-iisip—isa na rito ang pagtuon ng atensiyon ng kasaysayan sa mga diplomatiko at politikal na usaping pinamumuguran ng kalalakihan. Sunod naman ang kasaganahan sa bilang ng mga lalaking historyador, daan para mas kilingan nila ang naratibo ng kalalakihan sa kasaysayan. Naroon din ang punto na hindi sapat ang batis o sanggunian ukol sa kababaihan, subalit iginiit ni Jose na hindi lamang ito napagtutuunan ng pansin, lalo na’t sagana ang kasaysayang pasalita para sa kababaihan.
Sa kaniyang pagsusuri, laganap ang konsepto ng pagkakapantay-pantay na trato sa kababaihan sa porma ng mga mito, partikular sa mga istorya patungkol sa pagkakabuo sa mundo. Patunay ang mga mito tungkol kina Alelayo at Aremaya ng mga Igorot, at Sicalac at Sicavay ng mga Bisaya sa pantay na pagpapahalaga sa mga babae at lalaki sapagkat sabay silang nilikha, malaking pagkakaiba sa Bibliya ng mga Kristiyano na sinasaad na unang nilikha ang lalaki kaysa sa babae. Sa mito naman nina Malway, Dali-Dali, at Daga ng mga Mangyan, ang kalalakihan ang biniyayaan ng pagkakataong mabuntis ngunit hindi ito kinaya ng kanilang katawan, bagkus napagpasyahan itong ipasa sa pangangalaga ng kababaihan.
Sa pagdiriwang naman sa mga tagumpay ng isang karakter sa mga epiko, mahalaga rin ang presensiya ng mga babaeng karakter. Halimbawang maituturing ang Hudhud hi Aliguyon ng Ifugao na ipinakita ang mahalagang gampanin ng kababaihan sa pagpapanatili ng katiwasayan at kapayapaan sa kani-kanilang kaharian. “Ang pagpapakasal ng kapatid na babae ng bidang lalaki sa pinuno ng kalabang kaharian ay isang paraan sa pagpapanatili ng kaayusan sa kaharian,” ani Jose. Itinampok naman sa Epiko ni Labaw Donggon ng Sulod ang kalayaan ng kababaihan na ipahayag ang kanilang sariling saloobin, at nasa kanila rin ang kapangyarihan ng pagpapagaling. Sa Paghahanap ni Matabagka sa Diyos ng Hangin ng Bukidnon, mahusay na nabigyang-lalim ang karakter ni Matabagka sa pagsisikap niyang isalba ang kanilang kaharian sa pamamagitan ng pagpapanggap na pakasalan ang kalaban. Nang mahuli, tinawag niya ang buhawi upang humina ang kalabang kawal, at hinilom din kamakailan ang mga ito nang matapos ang laban.
Bagamat naipreserba sa pamamagitan ng pasalitang kasaysayan ang karamihan sa mga batis tungkol sa pagpapahalaga sa kababaihan ang nakakintal sa kasaysayan, patuloy na tanda sa ating lipunan ang kanilang kakayahan. Sa bawat babaeng naninindigan sa kabila ng puwersang patriyarkal, marka ng ating mga nanindigang ninuno para sa kanilang gampanin noong sinaunang panahon ang kanilang mga buhay.
Kababaihan sa mga sektor ng lipunan
Sa simula pa lamang ng ating sibilisasyon, may mahalagang tungkulin na ang kababaihan sa ilang aspekto ng sinaunang lipunan. Pinaunlad sa talakayan ang kaalaman ukol sa gampanin ng kababaihan sa mga pangkat etniko, lipunan, ekonomiya, politika, at relihiyon.
Para sa mga etnikong grupo, mahalaga ang kakayahan ng isang babae na magkaroon ng anak kaya’t pinapahalagahan ang pagtatalik. Inilahad ni Jose na sa grupo ng Igorot, pinahihintulutan ang magkasintahan na tumira sa ulog, mga bahay na tinitirahan ng mga dalaga, upang malaman ang sexual compatibility ng mag-irog na nagnanais magpakasal. Hindi pahihintulutang ikasal ang magkasintahan kapag hindi kayang magkaanak ng babae. Maaaring maghiwalay ang magkasintahan at maaari silang magpakasal sa iba. Para sa mga etnikong grupo, mahalaga ang papel ng kababaihan bilang mga ina, gayundin ang pagkakaroon ng isang pamilya.
Sa Kabisayaan naman, naglalagay ng tugbuk at sakra ang mga Pintados sa kanilang ari. “Hindi pumapayag ang kababaihan na makipagtalik kung walang tugbuk at sakra,” ani Jose. Tumatagal sa isa hanggang dalawang araw ang pagtatalik kapag mayroon nito. Para sa mga Pintados, importante ang kasiyahang dala ng pakikipagtalik. Dagdag pa rito, pinahihintulutan ang aborsiyon noong sinaunang panahon sa ilang pagkakataon, tulad ng pagtutol sa pagkakaroon ng isa pang anak. Taliwas ito sa paniniwalang Katoliko na pinaiigting ang pagpapahalaga sa virginity at ang pagtingin na gawa ng diablo ang tugbug at sakra.
Tulad sa kasalukuyang sibilisasyon, madalas na naikokonekta sa papel ng kababaihan sa lipunan ang pag-aasawa sa mga pangkat etniko. Inilahad ni Jose na may karapatan ang bawat lalaki at babae na pumili ng kanilang ninanais na makasama. Bukod dito, nasa kultura rin ang pamamanhikan, bigay-kaya, paninilbihan, at pakikipaghiwalay na parehong karapatan naman ng lalaki at babae. Subalit, hindi kaaya-aya ang ilan sa mga tradisyong ito para sa mga mananakop na Espanyol. “Ang paniniwala ng mga Espanyol sa paninilbihan ay nagbibigay-daan [ito] sa pre-marital sex,” paliwanag niya.
Sa sinaunang lipunan, kadalasang walang pinapaborang kasarian dahil mas binibigyang-halaga ang kakayahan ng bawat kasapi sa kanilang lugar. Tulad na lang sa pagsasaka, babae ang namamahala ng lupain at umaani ng pananim dahil ayon kay Dr. Zeus Salazar, tagapagtaguyod ng pantayong pananaw, naihahalintulad ito sa pagbubuntis at panganganak. Para sa mga T’boli, mataas ang pagtingin sa mga Boyi, mga babaeng itinuturing na pinakamagagaling na manghahabi sa kanilang grupo. Tinatawag na dreamweavers ang mga unang manghahabi ng T’boli dahil nanggaling sa mga panaginip ang disensyo ng hinabing tinalak na kanilang pinaniniwalaang nanggaling sa mga Diyos. Kababaihan ang humahabi sa tela dahil sa paniniwalang magkakasakit ang isang lalaki kapag siya ang hahabi. Malaki rin ang naging gampanin ng kababaihan sa larangan ng pakikipagkalakalan at pangangaso, tulad na lamang ng mga babaeng Igorot na nakikipagpalitan ng mga palayok.
Pagdating sa politika, kalalakihan ang gumagampan sa tungkulin ng isang datu, ngunit may mga babaeng lider din na umasta’t nanguna sa kani-kanilang lugar. Ilan lamang sina Lady Angkatan na naging datu ng Pila (dating Laguna), at Inchi Jamila na pangunahing namumuno sa likod ng trono ng kaniyang anak na si Sultan Amirul Kiram, sa mga babaeng nagkaroon ng pagkakataong ipamalas ang kanilang kakayahang mamuno.
Bago pa man dumating ang mga prayle, umaasa na ang mga tao sa mga babaylan, pinunong espiritwal, noong sinaunang panahon. Sila ang nagsisilbing tagapamagitan ng Diyos at tao. Mahalaga ang kanilang ginampanan dahil sila ang may kaalaman sa lahat ng halamang gamot, sintomas ng mga sakit, at mga espiritung nagdudulot nito. Kaya rin nilang mahinuha ang hinaharap kaya’t tinatawag silang sinaunang historyador ng sinaunang lipunan. Bukod dito, hindi lamang nakaatang sa kababaihan ang gampanin bilang isang babaylan. Halimbawang maituturing ang mga bayog o asog, mga lalaking babaylan na nagdadamit-babae, kilos-babae, at maaaring makasal sa kapwa lalaki.
Nagsisilbing instrumento ng mga babaylan ang paniniwalang nasa labas ang katawan at nasa loob ang kaluluwa upang mapagbuklod ang panlabas at panloob ng isang tao. Bukod dito, malawak ang kanilang kaalaman sa mga espiritu na nakatutulong naman upang labanan ang mga aswang na nagbibigay-pasakit sa kaluluwa ng mga tao. Sa kasamaang palad, ipinakalat ng mga Espanyol ang paniniwalang iisa ang mga babaylan at aswang upang mabuwag ang tiwala ng tao sa kanila at mas paniwalaan ang mga prayle at iba pang lider ng kanilang relihiyon. Inihayag naman ni Salazar na itinuturing na unang sikolohista ang mga babaylan. Bunsod ng kolonyalismo sa bansa, nagkaroon ng iba’t ibang kinahinatnan ang babaylan mula sa sinaunang lipunan hanggang sa kasalukuyan.
Sa patuloy na pag-usbong ng kababaihan
Lingid sa kaalaman ng karamihan ang ginampanang papel ng kababaihan noong sinaunang panahon. Bagkus, dapat magkaroon ng mas malalawak na espasyo para sa mga diskurso tungkol sa kanila. “Hindi nawala ang kababaihan sa kasaysayan,” ani Jose.
Hindi madali para sa kababaihan ang paghahanap ng kanilang kalagayan sa mundo dahil sa iba’t ibang pananaw ng lipunan. Mas lalong pinahihirapan ng patriyarkal na lipunan ang realidad na kanilang dinadanas. Ngunit, hindi maikakailang naging mas bukas ang mga oportunidad sa kababaihan ngayon dahil sa ilang dekadang pakikibaka para sa pantay-pantay na karapatan.
Hanggang ngayon, nakikibaka pa rin ang kababaihan sa ilang karapatan, tulad ng diborsyo at aborsiyo—mga kalinangang laganap sa sinaunang lipunan. Samu’t saring birada’t panghuhusga ang hinaharap ng mga usaping ito, bagkus kailangan pang palawakin at paigtingin ang boses ng kababaihan sa lipunan, at isa ang programang ito sa mga pumipiglas upang mabigyang edukasyon ang taumbayan ukol sa kasaysayan at taglay na lakas ng kababaihan. Pinatunayan ng pre-kolonyal na panahon na kagilas-gilas at mahalaga sa lipunan ang kababaihan. Sa patuloy na paglawak ng usapin tungkol sa kababaihan, patuloy rin ang pakikibaka’t pagsulong upang ipamalas sa mundo ang kanilang halaga—hinding-hindi magpapapigil sa kahit anomang balakid.