NAUDLOT ang pag-arangkada ng De La Salle University (DLSU) Green Archers matapos dungisan ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles ang kanilang talaan, 57-74, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Abril 2, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay.
Bumida ang rookie na si Michael Phillips para sa koponang DLSU na nakapagtala ng 13 puntos at sampung rebounds. Naging kasangga naman ng young gun center sina Mark Nonoy at Evan Nelle na nakalikom ng pinagsamang 22 puntos.
Naglalagablab na sinimulan ng Green Archers ang laro nang maibuslo ni Deschon Winston ang unang puntos para sa koponan, 2-0. Hindi naman nagpahuli ang koponan ng Blue Eagles matapos agawin ang lead, 2-7. Patuloy na nagdomina ang kampo ng mga naka-asul matapos magpakawala ni Chris Koon ng tres, 8-16. Pilit namang idinikit ni Nonoy ang iskor sa huling segundo ng unang kwarter sa pamamagitan ng kaniyang tres, 11-16.
Pinaigting naman ng Green Archers ang kanilang opensa sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng laban nang makapuntos si M. Phillips laban sa big man na si Angelo Kouame, 13-16. Sa kabilang banda, hinigpitan naman ng Blue Eagles ang kanilang depensa na nagbunsod ng dalawang magkasunod na turnover para sa DLSU. Namaga pa ang kalamangan ng Ateneo matapos magpakawala ng tres ni Dave Ildefonso at layup ni Gian Mamuyac, 19-30.
Nag-init naman ang mga kamay ni M. Phillips na pumuntos sa pamamagitan ng kaniyang follow-through sa missed layup ni Kurt Lojera. Gayunpaman, agad itong sinagot ni Blue Eagle Gio Chiu, 21-32. Gayunpaman, patuloy na nagliyab ang opensa ng mga naka-berde matapos kumana ng magkakasunod na tirada sina Balti Baltazar at M. Phillips, 28-34. Kasunod nito, pumukol ng tres ang bagong salta at spark plug na si Nonoy upang panipisin ang lamang ng katunggali sa tatlo sa pagtatapos ng first half ng sagupaan, 32-35.
Binuksan ni Ildefonso ang ikatlong yugto sa pamamagitan ng kaniyang tres upang palawigin ang lamang ng Blue Eagles. Agad naman itong sinagot ni Nelle matapos pumukol ng tres, 35-38. Naging dikit ang laban sa unang limang minuto ng yugto ngunit nagsimulang mag-alab ang kamay ni Tyler Tio sa kalagitnaan ng kwarter matapos makapag-ambag ng back-to-back na tres na nagpalobo sa kalamangan ng ADMU, 41-50.
Nagpatuloy ang malapader na depensa at mabagsik na opensa ng Blue Eagles, dahilan upang umabot sa 11 ang kalamangan ng koponan. Sinikap naman ng Green Archers na tapyasan ang kalamangan ng katunggali sa pangunguna nina Baltazar at Nelle ngunit tuluyang sinelyuhan ng Blue Eagles ang ikatlong kwarter, 45-58.
Nabigong buwagin ng Green Archers ang nakasasakal na full-court man-to-man na depensa ng Blue Eagles sa pagsisimula ng huling yugto. Napako ang iskor ng DLSU sa 45, unang apat na minuto ng yugto bago ito basagin ni Winston, 47-61. Nasundan agad ito ng tres ni Lojera sa kanang kanto ngunit hindi naging sapat upang buhatin ang kaniyang koponan.
Hindi nabuwag ang malapader na depensa ng Ateneo sa pagpuwersa ng mga turnover laban sa Green Archers. Nanguna sa bulso na ito ang Gilas Pilipinas shooting guard SJ Belangel na nagtala ng anim na steal. Nahirapan ding humabol ang Green Archers sa kanilang karibal sa kabila ng uncontested shots at walong missed free throws. Minarkahan din ni Ildefonso ang laban sa pagpapakawala ng tres at pag-ihip ng kiss of death, 57-74.
Nabigo mang makamit ang kanilang ikaapat na panalo sa UAAP Season 84, inaasahan naman ni Derrick Pumaren na makababawi ang kaniyang koponan. “Most importantly, just how we bounce back on Tuesday. Just gotta learn from our mistakes today, work at the drawing board, tomorrow’s practice and we’ll be ready for our next game on Tuesday,” pagbabahagi ng head coach ng Green Archers sa kaniyang postgame interview.
Nadungisan man ang kartada ng Green Archers, muli naman silang sasalang sa kort upang subukang sungkitin ang panalo laban sa pambato ng Espanya na UST Growling Tigers sa darating na Martes, Abril 5, sa ganap na ika-10 ng umaga.
Mga Iskor:
DLSU 57 – M. Phillips 13, Nonoy 12, Nelle 10, Lojera 9, Winston 6, Baltazar 5, Nwankwo 2
Ateneo 74 – Kouame 16, Ildefonso 12, Mamuyac 11, Belangel 8, Tio 6, Koon 6, Chiu 6, Andrade 3, Verano 2, Padrigao 2, Lazaro 2
Quarterscores: 11-16, 32-35, 55-58, 57-74