IPINALASAP ng Creamline Cool Smashers ang pighati ng lamig at ngilo sa Choco Mucho Flying Titans, 25-18, 17-25, 25-19, 25-11, matapos mapasakamay ang unang panalo sa semifinals ng Premier Volleyball League Open Conference, Abril 1, sa FilOil Flying V Arena, San Juan.
Bagamat nagkamit ng unforced errors, pinangunahan ni Tots Carlos ang Cool Smashers tungo sa tagumpay matapos makamtan ang titulong best player of the game sa bakbakan. Kaakibat nito, napasakamay ng kasalukuyang best scorer ng koponan ang panalo matapos magsalaksak ng 26 na puntos mula sa 21 spike, isang block, at apat na service ace. Matagumpay ring umararo ng puntos ang Phenom na si Alyssa Valdez tangan ang 13 spike, dalawang block, at dalawang service ace.
Tumambad sa unang yugto ng serye ang matatalim na tirada ni Carlos mula sa service line at off-the-block hits, 8-2. Masilakbong dominasyon pa ang ipinamalas ng Cool Smashers matapos kumana ang tambalang Valdez at Jema Galanza ng magkakasunod na crosscourt kill, 11-4. Mapanlinlang na opensa naman ang ikinasa ng Carlos-Pangs Panaga combo matapos magpamalas ng combination play, 14-7.
Sinubukang sagutin ni Kat Tolentino ang ragasa ng momentum ng Cool Smashers matapos pangunahan ang 3-0 run ng Flying Titans, 15-10. Sa kabila nito, pinatahimik ng scoring machine Carlos ang imik ng katunggali matapos magsalaksak ng crosscourt kill, 16-10. Gayunpaman, waging makapiglas si Isa Molde sa pagkakatali sa anim na kalamangan ng katunggali matapos niya itong tapyasan ng dalawa, 18-14. Sa huli, tinuldukan ng Cool Smashers ang bakbakan matapos ang mapanlinlang na drop ball ni Carlos, 25-18.
Gantihan ng matitinik na opensa ang naging eksena sa simula ng ikalawang yugto matapos pumukol ng tig-limang puntos ang magkatunggali, 5-all. Tangan ang 11 excellent set, kagila-gilalas namang pinagana ni Deanna Wong ang kaniyang mga spiker matapos pangunahan ang kanilang tatlong kalamangan, 6-9. Lumawig pa ang kalamangan ng Flying Titans matapos ang mga mintis na tirada ng Cool Smashers at rare setting error ni Jia De Guzman, 7-11.
Kumamada rin ng panibagong sandata ang Flying Titans matapos ilantad ang tinatagong offensive prowess ng playmaker Wong, 11-15. Sa kabilang banda, nagpamalas ng makapanindig-balahibong 3-0 run si Valdez bilang sagot sa maagang pamumukadkad ng katunggali, 14-15.
Gayunpaman, sa pangunguna ng tambalang Tolentino at Cherry Nunag, tuluyang pinaralisa ng Flying Titans ang naghihingalong depensa ng katunggali, 22-17. Sa huli, malabundok na block ang inilista ni Aduke Ogunsanya upang wakasan ang ikalawang yugto, 25-17.
Pagdako ng ikatlong set, maagang sinunggaban ng Cool Smashers ang katunggali bilang bawi sa nagdaang pagkatalo, 8-5. Sumungkit man ng limang kalamangan, pinanipis ito ni Des Cheng matapos sumibat ng down the line hit para sa Flying Titans, 11-8.
Binigwasan naman ng Valdez-Panaga tandem ang paghahabol ng Flying Titans, 16-11, mula sa kanilang matutuling spikes at serve. Nagsilbing motibasyon ang matayog na kalamangang ito kay Panaga upang matagumpay na saraduhin ang ikatlong set sa pangunguna ng kaniyang running attack, 25-19.
Agad na pinangunahan ng playmaker De Guzman ang ikaapat na yugto matapos nitong magsalansan ng puntos mula sa kaniyang block, 4-all. Nagpatuloy pa ang pag-alburuto ng tambalang Galanza at Celine Domingo mula sa service ace at spike, 8-6.
Matapos nito, sinalanta ni Galanza ang depensa ng Flying Titans nang pangunahan ang 10-3 run ng Cool Smashers. Umiskor din mula sa regalo si Valdez, 16-10. Tuluyan nang nawalan ng pag-asa ang Flying Titans na makaalpas mula sa kalbaryo ng 9-1 run matapos silang tambakan ng mga naka-rosas, 25-11.
Abangan ang muling paghaharap ng Creamline Cool Smashers at Choco Mucho Flying Titans sa entablado ng PVL sa darating na Linggo, Abril 3, sa ganap na ika-3 ng hapon.