NASUNGKIT ng Cignal HD Spikers ang unang panalo sa unang araw ng semifinals kontra Petro Gazz Angels, 25-21, 25-23, 25-23, sa semifinals ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Abril 1, sa FilOil Flying V Arena, San Juan.
Itinalagang player of the game ang middle blocker na si Ria Meneses matapos nitong makapagtala ng 14 na puntos para sa Cignal HD Spikers. Nagpakitang-gilas din si dating Lady Tamaraw Rachel Anne Daquis sa pagsuwag nito ng 11 puntos para sa kanilang koponan.
Sa unang yugto ng bakbakan, maagang pinatikim ng Angels ang kanilang solidong opensa kontra HD Spikers. Kaakibat nito, nagpakawala ng isang service ace at dalawang umaatikabong spike sina lefty spiker Aiza Maizo-Pontillas at Angels’ main gun Gretchel Soltones, 0-3. Gayunpaman, naging makipot ang talaan ng iskor nang namigay ng magkakasunod na libreng puntos ang Angels sa katunggali, 5-4.
Nagpatuloy ang palitan ng puntos ng dalawang panig nang magsagutan ng pasabog na crosscourt hits sina Soltones at Ces Molina, 12-10. Kaugnay nito, tuluyan nang kumawala ang HD Spikers sa mga palad ng Angels matapos pahirapan ni playmaker Gel Cayuna ang kalaban buhat ng kaniyang mabibigat na serve, dahilan upang sungkitin ang panalo sa unang set, 25-21.
Naging daan naman ang matatag na depensa upang mapanatiling dikit ang laban ng magkabilang koponan sa pagpasok sa ikalawang yugto ng serye, 14-all. Sa kabila nito, nagliyab ang palad ni Pontillas nang makapuntos ng dalawang crosscourt hit, 17-20. Buhat nito, agad nang pinagana ni Cayuna ang kaniyang middle blockers na sina Meneses at Roselyn Doria na kumana ng magkakasunod na block at quick hit upang isara ang ikalawang set tangan ang iskor na 25-23.
Ramdam na ramdam pa rin ang tensyon sa pagitan ng HD Spikers at Angels sa pagpasok ng ikatlong yugto ng laro nang mahirapan ang parehong koponan na malamangan ang isa’t isa. Nagsimula namang umarangkada ang HD Spikers nang malamangan nila ang Angels,13-10, sa panguguna ni Daquis. Bagamat nakapagkamit si Pontillas ng isang puntos, patuloy pa ring nananaig ang HD Spikers 15-11.
Hindi naman nawalan ng pag-asa ang Angels matapos makalipad muli, 19-all. Nagpatuloy pa ang lipad ng koponan kontra HD Spikers nang makitaan nila ng butas ang depensa ng kalaban, 21-19. Muli namang nagdikit ang laban ngunit nahabol ng HD Spikers ang laro sa pangunguna pa rin ni Daquis, 23-all. Matapos nito, tuloy-tuloy nang napababa ng HD Spikers and lipad ng Angels at tuluyan nang bumagsak ito matapos magpunyagi ng opposite spiker Angeli Araneta sa match point, 25-23.
Saksihan muli ang init ng laban sa pagitan ng Cignal HD Spikers at Petro Gazz Angels sa ikalawa nilang pagtutuos sa PVL semifinals sa darating na Martes, Abril 3, sa ganap na ika-6 ng gabi.