Tanaw na ang dilim at unti-unti na ring nauubos ang mga tao sa daan; kanina’y nasa kwarenta pa sila—nagkukuwentuhan at nagtatawanan—ngunit ngayo’y halos sampu na lamang. Natira silang mga nagkukumahog ligpitin ang lamesang ginamit sa inuman at tong-its.
Ika nila, mahirap daw maabutan ang pagpatak ng alas siyete ng gabi, mahirap ding masaksihang nagkukumpulan; baka sila’y masaktuhan ng mga militar, mapagbintangang sangkot sa illegal assembly, at madakip. Bukas-makalawa baka bangkay na lang nila ang makitang nakahandusay sa kalsada. Maaari ring hindi na sila matagpuan kailanman, at tanging ang imahe ng kanilang matingkad na ngiti ang mananatili sa alaala ng pamilya nilang nangungulila.
Tila panimula lamang sa isang makabagbag-damdaming nobela ang sinusundan na mga talata. Parang malabo itong mangyari sa totoong buhay; masyado kasing nakatatakot at nakababahala. Hindi rin naman siguro ito kayang gawin ng isang taong may kakayahang makaramdam, masaktan, at makisimpatya.
Ngunit mula sa panunulat at direksyon ni Kip Oebanda—at sa pangunguna nina Glaiza de Castro, Kenken Nuyad, at Dominic Roco—ipinakita ng pelikulang ‘Liway’ na hindi lamang sa nobela o sining makikilala ang mga halimaw.
Minsan, nasa paligid lamang natin sila, nagtatago sa likod ng uniporme’t sinisipat ang kalsada sa dilim. Minsan naman, nakaupo sila sa pinakamatayog na upuan ng kapangyarihan—namumuno sa bansa habang nilulustay ang yaman ng sambayanan.
Bilanggo sa edad na sero
Itinakda sa panahong malapit nang mawakasan ang Martial Law, sinundan ng Liway ang kuwento ni Dakip (Kenken Nuyad), anak nina Day (Glaiza de Castro) at Ric (Dominic Roco), parehong mga disidente ni Marcos. Ipinanganak at lumaki si Dakip sa loob ng Camp Delgado sa siyudad ng Iloilo, isang bilangguan para sa mga kriminal at rebelde ng diktaturyang pinangangasiwaan ng militar.
Mistulang isang kulungang lulan lamang ang mga pinakamapanganib na kriminal ang nabanggit na kampo. Dito, may oras ang pagtulog at ang pagdarasal, ang pagpatay sa mga ilaw, ang pagkain, at ang paglalaro. Dahil nakakandado ang mga mata ng militar sa bawat galaw ng mga pinintahang preso na hindi pinahihintulutan ang lumabas sa bilangguan, hindi naranasan ni Dakip na maitapak ang kaniyang mga paa sa buhanginan. Hindi rin niya alam ang itsura ng karagatan, o ang pakiramdam na mainitan sa dalampasigan.
Sa kabila ng patuloy na paglala ng kondisyon sa kampo, pilit na binigyan ni Day ng normal na buhay si Dakip. Hindi niya pinahintulutan na makarinig ang bata ng kahit anong hinggil sa kalupitan ng rehimeng Marcos, at sa halip, kinahiligan niya ang pagkukuwento sa bata ng mga istoryang-diwata.
Kung tutuusin, hindi dapat lumaki si Dakip sa kampo. Hindi siya dapat napagkaitan ng pagkakataong magtampisaw sa ilog o makasakay sa kabayo. Hindi rin siya dapat nagulat nang unang beses siyang makakita ng mannequin at napansing hindi ito nagsasalita o ginagalaw man lang ang ulo.
Hindi siya dapat naging bilanggo sa edad pa lamang na sero.
Ngunit mapaglaro ang tadhana at malupit ang rehimeng namumuno noon sa bansa. Bago ipinanganak si Dakip, hinuli na ng militar si Day na ipinagpalagay na noon ang katangian ni Commander Liway, isang guerilla lider. Tuwang-tuwa pa nga ang mga naka-unipormeng ito: Banggit nila, mabait daw sila sapagkat nang makita nilang buntis si Day, hindi nila ito sinaktan; pag-intindi raw ito sa mga taong kagalit ng militar.
Samu’t saring emosyon ang nagagawang maipadama ng pelikula sa mga manonood. Nangunguna na rito ang galit sapagkat sinasalamin sa bawat kuwadro ang lahat ng danas ng mga biktima ng Martial Law. Tila pinipilipit at pinipiga ang puso ng mga manonood sa tuwing matatanaw nila ang paghagulgol ng kababaihan sa pelikula dahil minolestiya sila ng militar na dapat sumisiguro sa kanilang kaligtasan. Tila wala na ring mapaglagyan ang pagkabalisang bumabalot sa katawan habang unti-unting sinisikmura ang katotohanang batid ng pelikula, at unti-unting napagtatanto na minsan, walang hustisya ang batas, at minsan, mapang-api ang sistema.
Kaya naman, lumalaban at nakikibaka ang tao at ang bayan.
Napapanahon ang salaysay ng Liway at napapanahon din na pinahintulutan ni Oebanda na mapanood ito nang libre ng masa. Sa nalalapit na Mayo, mayroon na namang Marcos na nagnanais maluklok sa pwesto. Gamit ang sining, ang Liway, at ang mensaheng baon ng mga ito, pinamumulat ang mga Pilipino: Walang sinoman ang karapat-dapat na mabilanggo sa edad na sero.
Direktor sa edad na trenta
Lumalalim na naman muli ang gabi. Ngunit sa pagkakataong ito, patuloy pa rin na naglalaro ng tong-its ang mga tambay sa kanto. Hindi na nila kailangang magkumahog ligpitin ang ginamit nilang lamesa, o mangambang bukas-makalawa’y bangkay na lang silang matatagpuan sa may porto.
Matapos ang pakikipaglaban ng mga Pilipino upang mapatalsik ang rehimeng Marcos noong 1986, naging abot-kamay ang realidad ng sinusundang talata. Nakalaya sina Day at nakapagsimula muli ng buhay, ganoon din ang daan-daan pang mga rebeldeng pinagkaitan ng karapatang pantao ng militar at ni Marcos.
Gaya ng pagkukuwento ni Day, ginamit ni Dakip ang sining upang ibahagi ang salaysay ng buhay niyang saksi sa madilim na panahon ng kasaysayang Pilipino, at pinangunahan ang direksyon ng kaniyang unang pelikula sa edad na 30. Nang mabinyagan siya, iminungkahi ng pari sa kaniyang mga magulang na palitan ang kaniyang pangalan. Magmula noon, nakilala na siya bilang si Kip. Naging salamin ng mabigat na realidad sa ilalim ng Martial Law ang Liway. Gayundin, naging paraan ito ni Oebanda upang isalaysay ang kaniyang danas.
Bagamat isa lamang ang Liway sa mga pelikulang nagpapaalala sa mga Pilipino na isang madilim na panahon sa ating kasaysayan ang Martial Law, hindi pa rin dapat binabalewala ang mensaheng hatid nito at ang bigat ng salaysay ng buod nito. Hindi dahil hindi natin naranasan mismo ang anomang kalupitan ng rehimeng Marcos, hindi ito nangangahulugang hindi na rin totoo ang hinaing at kirot ng mga naging biktima. Hindi maliit na numero ang 3,000 buhay na nawala dahil sa extra-judicial killings, at ang 35,000 kataong pinahirapan ng militar. Hindi rason ang hindi pagdanas upang kalimutan ang malalim na sugat ng nakaraan.
Patunay ang kuwento ni Kip, bilanggo sa edad na sero, na mayroon ngang mga halimaw. Tunay na naka-uniporme sila at nakaupo sa pinakamatatayog na upuan ng kapangyarihan—namuno pa nga ng bansa, at nilustay pa ang yaman ng sambayanan, ang isa.