MAALAB NA NAGTAGUMPAY ang De La Salle University (DLSU) Green Archers matapos masungkit ang kanilang ikatlong panalo kontra Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 75-65, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Marso 31, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay.
Taglay ang kaniyang kagila-gilalas na lakas at liksi, hinirang bilang player of the game si Green Archer Balti Baltazar matapos makapagtala ng 20 puntos, 11 rebound, dalawang steal, at isang block. Bumida rin sa laro si Mark Nonoy matapos makalikom ng 17 puntos para sa koponan.
Para naman sa kabilang pangkat, nagpasikat si FEU Tamaraw L-Jay Gonzales matapos makapag-ambag ng 17 puntos, apat na rebound, apat na steal, at tatlong assist upang pangunahan ang kaniyang koponan.
Mainit na binuksan ng Green Archers ang laban nang makapuntos si Baltazar ng layup mula sa assist ni Evan Nelle, 2-0. Patuloy namang nagliyab ang opensa ng DLSU nang magpakawala ng tres si CJ Austria. Sinubukan namang tapatan ng kabilang koponan ang momentum ng Green Archers matapos itabla ni FEU Tamaraw Emman Ojuola and iskor, 8-all. Gayunpaman, hindi nagpahuli ang Taft mainstays nang makuha muli ang bentahe, 10-8, sa pangunguna ni Schonny Winston.
Naitabla namang muli ang bakbakan nang mahablot ni Baltazar ang bola mula kay RJ Abarrientos, 12-all. Sinikap ding tuldukan ng Green Archers ang dagsa ng puntos mula sa kabilang kampo matapos makaukit ng nagbabagang tres si Nonoy. Sa huli, matagumpay na nasungkit nina Nonoy at Kurt Lojera ang isang puntos na bentahe sa pagtatapos ng unang kwarter, 19-18.
Hindi nagpatinag ang Green Archers matapos magpamalas ng matinding opensa sa pagbubukas ng ikalawang kwarter. Nagpaulan ng puntos ang koponan nang tumikada ni Nonoy ng sunod-sunod na tres. Bunsod nito, napasakamay ng Green Archers ang maagang kalamangan sa naturang yugto, 27-20.
Matapos ang patuloy na pagpuntos ng Green Archers, sinubukang tapyasan ng kabilang koponan ang kanilang kalamangan mula sa pangunguna ni Gonzales, 29-30. Gayunpaman, mabilis na nakahabol ang Green Archers nang maitabla ni Nonoy ang iskor hatid ng kaniyang ikaapat na tres sa pagtatapos ng ikalawang kwarter, 32-all.
Pagdako ng ikatlong yugto, patuloy na naging dikdikan ang bakbakan sa pagitan ng dalawang koponan sa loob ng kort, 36-35. Nakapag-ambag sa Green Archers ang pag-araro ni Big Mike Philips ng puntos matapos makalikom ng dos na sinundan pa ng matinik na tres mula sa kanto ni Austria. Sa kabila nito, hindi nagpahuli ang FEU Tamaraws nang lumitaw ang bagsik ng batikang manlalarong si Gonzales. Umarangkada ang atleta nang makabitaw ng dalawang mainit na three-pointers na naging daan upang makuha ng Tamaraws ang kalamangan, 49-50.
Hindi nagpatinag ang Green Archers at binawi agad ang kalamangan nang sagutin ni Baltazar ang matinik na tres ni Gonzales, 52-50. Tuluyan ding umangat ang kalamangan ng Green Archers nang makaukit ng makapanindig-balahibong tres si Nonoy mula sa kaniyang tirada sa gitna ng kort. Hindi rin nagpahuli sa pag-arangkada sina Winston at Lojera nang makapag-ambag ng puntos bago magtapos ang ikatlong yugto, 58-50.
Pinilit namang habulin ng Tamaraws ang kalamangan ng Green Archers sa pagbubukas ng ikaapat na yugto. Nagawang maibaba ng Morayta-based squad ang kalamangan sa dalawa matapos umarangkada sina Ojuola at Abarrientos, 61-59. Ngunit hindi nagpahuli ang Taft-based squad matapos pumundar ng 6-0 run.
Down the stretch ni Lojera rin ang naging tema ng ikaapat na yugto matapos maipasok ng naturang Green Archer ang kaniyang nakamamanghang tres at sunod-sunod na dos mula sa jump shots. Agad namang umagapay si Baltazar matapos niyang makagawa ng layup upang makapagbigay ng 10-point lead cushion at maselyuhan ang panalo para sa Green Archers, 75-65.
Naniniwala si head coach Derrick Pumaren na makatutulong sa kompiyansa ng koponan ang kanilang ikatlong panalo sa UAAP Season 84. “Hopefully we can use this as a springboard when we face Ateneo. We just have to get back to the drawing board to know what to do against Ateneo,” pagbabahagi ng head coach ng Green Archers sa kaniyang postgame interview.
Matapos makamit ang ikatlong panalo sa UAAP Season 84 Men’s Basketball Tournament, susubukang patumbahin ng DLSU Green Archers ang kanilang archrivals na Ateneo Blue Eagles sa darating na Sabado, Abril 1, sa ganap na ika-7 ng gabi.
Mga Iskor:
DLSU 75 – Baltazar 20, Nonoy 17, Lojera 10, Winston 9, Austria 9, M. Phillips 6, Nelle 4
FEU 65 – Gonzales 17, Ojuola 13, Abarrientos 9, Bienes 9, Sajonia 6, Torres 5, Sandagon 4, Li 2
Quarterscores: 19-18, 32-32, 58-50, 75-65.