DALA ang panawagan para sa isang abot-kayang edukasyon, tumindig ang mga kabataang Lasalyano laban sa planong 3% dagdag sa matrikula sa Pamantasang De La Salle. Pinangunahan nina Tilda Oreta ng Kabataan Partylist (KPL)-DLSU at Shennellyn Pineda ng La Salle Students for Human Rights and Democracy (LS4HRD) ang protesta, kasama ang ilang kabataan mula sa Anakbayan Vito Cruz (ABVC), DIWA Vito Cruz, at DIWA STEM, Marso 28.
Sinalubong ng isang maugong na protesta mula sa hanay ng kabataang Lasalyano ang huling pagpupulong ng administrasyon ng Pamantasang De La Salle kasama ang multisectoral committee. Binigyang-diin sa protesta ang hinaing ng bawat pamilyang Lasalyano hinggil sa nagbabadyang pagtaas ng singil sa matrikula habang lumalaganap pa rin ang pandemya at patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa.
Dagdag na pasakit
Sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya dulot ng pandemya at panibagong dagok na hatid ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang esensyal na bilihin, isang dagdag na pasakit ang 3% pagtataas sa matrikula ng mga estudyante. Ayon kay Pineda, hindi nararapat na gawing negosyo ang mga pang-edukasyong institusyon, lalo na sa kalagitnaan ng pagmamahal ng presyo ng mga bilihin.
Dagdag pa ni Oreta, hindi makatarungan ang hakbang ng Pamantasan sapagkat maraming bilang ng magulang ang nawalan ng kita. Marami umanong pamilya ang nawalan ng hanapbuhay at malaking bilang ng mga estudyante ang napilitang magtrabaho upang mabuhay sa gitna ng pandemya
Ibinahagi rin ni Oreta na lumabas sa sarbey ng DLSU University Student Government (USG) na hindi makakayanan ng mahigit 69% o 604 na Lasalyano ang karagdagang pagtataas sa matrikula. “Sino na lamang ang makaka-afford mabuhay sa lagay na ito? Ang naghaharing-uri na lamang na sa sobrang puno ng tiyan ay wala ng natirang espasyo para sa puso at malasakit para sa mamamayang Pilipino,” panawagan niya.
Panawagan ng kabataan
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Oreta, iminungkahi niya sa administrasyon ng Pamantasan na makinig sa hinaing ng mga estudyante at USG hinggil sa hindi pagpataw ng dagdag na matrikula sa susunod na semestre. Bagamat maliit na bahagi lamang ng populasyon ang nakilahok sa nabanggit na sarbey, iginiit pa rin niyang mahalagang isaalang-alang at kilalanin ng administrasyon ang hinaing ng mga Lasalyano.
Kaugnay nito, isinusog ni Oreta na nararapat lamang na manaig ang malasakit ng Pamantasan sa mga estudyante. Aniya, “Papahirapan mo pa ba ‘yung mga estudyante para lamang maipagpatuloy mo ‘yung pagtaas ng presyo ng matrikula?. . . Ano ‘yung pipiliin niya? Matumal na mas mataas na kita or magbigay malasakit sa kaniyang mga estudyante?”
Bukod dito, ipinaliwanag ni Oreta na nagawa na noon ng Pamantasan na magpatuloy sa operasyon nang hindi naniningil nang napakalaking matrikula. Kaya naman naniniwala siyang magagawa itong muli ng Pamantasan sa darating pang akademikong taon lalo na’t hindi pa rin naman pisikal na nakababalik sa kampus ang mga Lasalyano.
Sa huli, nanindigan si Oreta na hindi lamang usapin sa loob ng mga akademikong institusyon ang tuition fee increase sapagkat may mas malalim pa itong pinagmumulan—isang atrasadong sistema na nais lamang pagkakitaan ang mga primaryang pangangailangan ng mamamayan.
“Ang dapat isipin ng gobyerno, paano sila makakakuha ng pag-asa ng bayan kung hindi [nila] nabibigay sa mga kabataan ang lubos ng kanilang makakaya upang makakuha ng dekalidad na edukasyon, na hindi nakasentro sa kita, na hindi nakasentro sa pera,” ani Oreta.
Hindi tunay na magagampanan ng edukasyon ang tungkulin nitong maging malaya at mapagpalaya hangga’t nananatili itong isang pribilehiyo na makakamit lamang ng iilan. Mananatiling huwad ang ligtas na pagbabalik-eskwela kung may mga estudyanteng maiiwan dahil sa walang awang pagtaas sa singil ng matrikula. Sa panahon ng matinding kahirapan, hindi na dapat pa kailangang humingi ng awa ang mga kabataan sa mga pang-akademikong institusyon; uulit-ulitin man, karapatan ang edukasyon at hindi pagkakakitaan.