NAPASAKAMAY ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kanilang ikalawang tagumpay sa madikit na laban nito kontra National University (NU) Bulldogs, 59-55, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Marso 29, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay.
Dala ang umaapaw na liksi at husay, nagpasikat ang bagong saltang Green Archer Mark Nonoy matapos hiranging player of the game at makalikom ng 13 puntos, apat na rebounds, apat na assists, at tatlong steals. Hinatak din patungong tuktok ni Balti Baltazar ang koponang Lasalyano matapos makapag-ambag ng 13 puntos sa buong laban.
Pinasinayaan ng Bulldogs ang unang puntos ng laban nang makapag-ambag ng dos ang sentro ng koponan na si Issa Gaye. Agad itong sinundan ng nakamamanghang tres ni Enzo Joson. Gayunpaman, hindi nagpahuli ang Green and White squad nang makapagtala ng unang puntos para sa koponan si CJ Austria, 3-5.
Muling nagpasikat si Austria nang lumusot ang kaniyang layup. Nagpakitang-gilas din si John Lloyd Clemente sa pamamagitan ng kaniyang jump shot na tres, 12-7. Nagpatuloy pa ang pag-arangkada ng kampanya ng Green Archers nang ipasok si Mark Nonoy sa laban matapos umukit kaagad ng tres. Nag-init din ang mga daliri ni Kurt Lojera nang ipasok ang kaniyang dalawang tirada sa free throw line. Bunga nito, lumamang ng tatlong puntos ang Green Archers sa pagtatapos ng unang kwarter, 19-16.
Siniguro naman ng Bulldogs na masungkit ang unang puntos sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng laban. Matagumpay na ipinasok ni Mike Malonzo ang kaniyang tira mula sa loob, 24-20. Subalit, nagliyab ang mga kamay ni Joaqui Manuel nang umalagwa siya ng tres. Nang makalikom ng siyam na kalamangan ang Green Archers, agad namang nagpatawag ng timeout ang kabilang koponan, 29-20.
Nagsimulang makabawi at mamukadkad ang talaan ng Bulldogs matapos mapagtagumpayan ni Clemente ang kaniyang mga free throw. Kaugnay nito, hindi na pinatagal ng koponan ang laban nang magpakawala ng hook shot si Jake Figueroa, 24-29. Bitbit ang umaapaw na kompiyansa, nagpaulan din ng tres si Clemente at sinabayan ito ni Steve Enriquez matapos magpamalas ng kahanga-hangang layup, 29-30.
Nagsagutan ang magkabilang koponan sa umpisa ng ikatlong yugto. Nagsimula ito nang ipinamalas ni Malonzo ang angking galing sa pagsalaksak ng opensa at pamamahagi ng sangkatutak na puntos, 35-29. Gayunpaman, hindi naman nagpahuli si Austria ng Green Archers at sinubukang pababain ang kalamangan ng katunggali, 41-39.
Sa pagpasok ng ikaapat na yugto, nagbabaga ang kagustuhan ng Green Archers na patablahin ang laban. Sa kabila nito, hindi nagpatinag si Clemente at agad na pinasinayaan ang unang iskor ng Bulldogs, 45-42. Gayunpaman, nagulantang ang Bulldogs matapos makakubra nang sunod-sunod na puntos si Nonoy, 49-45.
Sa pangunguna ni Baltazar, kumana ng malulupit na tirada at matibay na depensa sa kort ang Green Archers, 51-49. Sinubukan mang makahabol ng Bulldogs, tinuldukan nina Nonoy at Baltazar ang dikit na sagupaan upang mapasakamay ang ikalawang panalo sa UAAP, 59-55.
Hindi maipinta ang damdamin ni Nonoy nang malasap ang ikalawang panalo bilang bagong miyembro ng koponang Green and White. Lubos din siyang nagpapasalamat sa kaniyang head coach Derrick Pumaren at sa mga kakamping DLSU Green Archers. “Sobrang thankful ako na nakalaro ako ng second game, and thankful din ako kay coach and sa mga teammates na tumulong [upang makamit] ‘yung panalo. . . “ pagwawakas ng player of the game Nonoy sa kaniyang postgame interview.
Matapos maiuwi ang ikalawang panalo sa pangkolehiyong torneo, sasabak muli ang DLSU Green Archers kontra Far Eastern University Tamaraws sa Huwebes, Marso 31, sa ganap na ika-1 ng hapon.
Mga iskor:
DLSU 59 – Baltazar 13, Nonoy 13, Austria 10, Lojera 7, Manuel 6, Nelle 5, M. Phillips 3, Winston 2
NU 55 – Malonzo 10, Joson 9, Clemente 9, Figueroa 9, Mahinay 6, Enriquez 4, Tibayan 4, Gaye 2, Felicilda 2
Quarterscores: 19-16, 29-30, 42-43, 59-55